Horror and Ex-Hell-Ence

Mga Bayarin sa Likod ng “Free Education”

The Manila Collegian
9 min readDec 23, 2023

nina Chester Leangee Datoon at Maria Carmilla Ereño

Dibuho ni Kim Hernandez

“Walang tuition fee sa UP, pero kaluluwa ang kapalit,” isa ito sa mga palasak na kinukumento ng mga Iskolar ng Bayan sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) na kalimitang umaani ng maraming hearts o haha reaction sa social media sites. May sari-sariling bersyon ang mga isko’t iska ng kanilang buhay na walang “kaluluwa” — tatlo o apat na araw na walang tulog, dorm dinners na pancit canton at de lata, o pagtulog kung saan-saan para lamang magmukhang fresh ulit. Walang sandaling sila’y hindi nakikipagbuno sa impyernong hatid ng ‘di makaestudyanteng sistema para lamang sa abot-langit na ligayang dulot ng pagsa-Sablay.

Pagsangla sa Kaluluwa

Dama ng mga estudyante mula state universities tulad ng UP and samot-saring mga sentimento ng paghihirap, mairaos lamang ang kolehiyo. Hindi lamang sa libreng matrikula natatapos ang gastusin sa pag-aaral, nariyan pa ang transportasyon, pagkain, at buwanang upa sa apartment o dormitoryo.

Dagdag pa rito, hindi lamang sa pinansyal na aspeto nag-uugat ang kahirapan sa kolehiyo; dumaragdag pa ang kalusugan ng mga mag-aaral, partikular na ang kanilang mental health. Batay sa sarbey ng Gallup at Lumina Foundation noong 2022, tinatayang dalawa sa bawat limang estudyante sa kolehiyo ang nakararanas ng emotional stress habang sila ay nag-aaral. Dahil dito, mas maraming estudyante ang naiisip na ihinto na lamang ang pag-aaral dahil itinuturing nila ito bilang emosyonal o pinansyal na balakid sa kanilang pamumuhay.

Hindi lamang natatapos ang usapin sa mga mag-aaral sapagkat maging ang mga propesor at manggagawa sa mga unibersidad ay ramdam ang “pagsangla ng kaluluwa.” Sa ₱29,165 na buwanang kita nila, hindi ito sapat upang mapunan ang pangangailangan ng kanilang sarili at pamilya. Kasama pa nito ang kakulangan ng sapat na imprastraktura para sa epektibong pagtuturo. Makikitang ang suliranin ng pag-aaral sa kolehiyo’y hindi lamang nakasentro sa estudyante subalit ito’y sistemiko, kaya’t kailangan ang kagyat at aktibong pagtugon dito ng pamahalaan.

Ang UPM bilang Sanglaan ng Kaluluwa

Bilang pampublikong unibersidad na sentro ng kasanayan hinggil sa kalusugan, naging tahanan na ang UP Manila (UPM) ng mga estudyanteng halos araw-araw na nagsasangla ng kanilang kaluluwa.

“My family had to sacrifice a lot to send me here…. I have to pay for my food, lodging, transportation, and other things that I need to sustain my education,” pagsisiwalat ni Raizza Dumotan mula sa BA Development Studies hinggil sa kanyang pag-aaral sa unibersidad. Bilang iskolar na nagmula pa sa Bukidnon, nakakauwi lamang si Raizza nang dalawang beses sa isang taon — paghihirap na ramdam din ng humigit-kumulang 11.8% na mag-aaral batay sa 2016 report ng demograpiko ng mga mag-aaral sa unibersidad. Maidurugtong din ang suliranin ng kawalan ng mga health science courses sa ibang UP constituent universities kung kaya’t marami ang pinipiling mag-aral sa UPM kahit na malayo ito sa kanila.

Kaugnay nito, iba-iba man ang paghihirap na nararamdaman ng bawat kolehiyo, nakaangkla pa rin ito sa katotohanan na hindi ito makatarungan. Sa mga mag-aaral mula sa College of Arts and Sciences (CAS), pasan nila ang gastusin ng required field trips at laboratory materials para sa kanilang pag-aaral. Iba rin ang kanilang proseso ng pagkuha ng asignatura sa bawat semestre kung ihahambing sa ibang kolehiyo sa pamantasan.

Sa mga mag-aaral naman sa white colleges tulad ng College of Pharmacy (CP) at College of Public Health (CPH), sagot din nila ang gastusing para sa kanilang laboratory materials subalit palasak na problema nila ang kurikulum mismo. “May times na ‘di na makatao [yung kurikulum] kasi parang maraming competencies na need i-meet per subject na medyo unrealistic na, given yung load namin for the sem,” saad ng nakapanayam mula sa CPH hinggil sa kanilang kurikulum. Dagdag pa niya, aspeto rin ang kakulangan ng propesor sa CPH kung kaya’t kahit gaano pa kagaling ang mga propesor nila, nagkakaroon pa rin ng kahirapan dahil sa limitasyon ng pagbuo ng angkop na class schedule na akma sa propesor at mag-aaral.

“Gets ko rin naman saan nanggagaling yung profs and curriculum na need talaga maging holistic na pharmacist; hence, may subjects kami with regulatory, business, and clinical aspects, but malala pa rin talaga siya,” komento ng isa sa nakapanayam mula sa CP hinggil sa kanilang kurikulum. Isiniwalat rin niya na minsan ay pinipili ng mga mag-aaral na hindi na lamang pumasok sa klase para lamang makapag-aral para sa exam, lalong-lalo na tuwing hell week. “Nagiging ‘pick your poison’ siya especially during hell week, like magsa-sacrifice ka ng exam for another exam or contribution sa isang group work for an exam and vice versa.” dagdag pa niya.

Bukod pa rito, nagkakaroon din ng kahirapang abutin ang isang holistic education sa paaralan. “Oo may times na pumasok na yung feeling na sagabal yung pagse-serve sa council with my acads,” pag-amin ni University Student Council (USC) Councilor Kyla Benedicto hinggil sa estado niya bilang mag-aaral sa unibersidad habang nagsisilbi sa konseho. Marahil isa ito sa mga nagiging salik kung bakit hindi napupuno ang student council ng unibersidad at bawat kolehiyo sapagkat nakikita ng mga iskolar ang mga ito bilang dagdag pabigat lamang sa iniinda na nilang problemang pang-akademiko. “Pass muna, hell year kasi ngayon,” saad ni Czarlise Jyvoane mula sa College of Medicine tungkol sa kalimitang rason ng mga kapwa niyang mag-aaral sa pagtanggi sa pagtakbo sa college elections.

Kaakibat ng suliranin hinggil sa student participation sa unibersidad, naaapektuhan ng bigat ng kanilang pag-aaral ang pag-empower sa mga mag-aaral sa UPM. “Gaya nung last year, ‘di ako nakamartsa for peasant month dahil need ko tapusin ‘yung backlogs [ko],” pagkukwento ni Raizza. Dahil sa samot-saring salik na nakakaapekto sa pag-aaral ng bawat iskolar, nakakaligtaan ng karamihan na makilahok sa mga adbokasiyang nagsusulong ng pagbabago sa lipunan. “Personally, aside sa acads, factor din talaga yung stigma na terrorism yung pagra-rally especially if within the family,” saad naman ng nakapanayam sa CP hinggil sa student participation sa paaralan.

Mula naman sa perspektiba ni Prof. Reggie Vallejos, isang propesor ng Kagawaran ng Agham Panlipunan at kasalukuyang pangulo ng All UP Academic Employees Union Manila Chapter, integral na maging magkaagapay ang mga mag-aaral at propesor sa paggawa ng course guide. “Siyempre ang reference palagi paano kami nung kami nag-aaral as UP students…[pero] magkaiba ang panahon ngayon sa panahon namin,” pagsisiwalat niya hinggil sa kung paano nito nakikita ang bigat ng mga akademikong gawain ng mga estudyante. Para sa propesor, mahalagang kunin ang pananaw ng mga mag-aaral sa kung paano mababawasan ang workload nang hindi naisasakripisyo ang pagkatuto.

Madalas na itinuturing na class-by-class basis ang problema sa mabigat na academic workload. Inaantagonisa ang mga propesor o ‘di kaya ay sinisisi ang mga mag-aaral dahil sa kakulangan na pamahalaan ang oras. Pero lingid sa kaalaman ng marami, hindi propesor ang kalaban ng mga estudyante. Sila ay mga manggagawang inaabuso rin ang lakas-paggawa. Tulad ng mga iskolar, nararanasan din nila ang academic burnout at kakulangan ng oras para sa pamilya at sarili, hindi pa kasama rito ang delayed na sahod na inaabot ng ilang buwan. Mula’t mula, sistema at ang administrasyong nagma-maniobra nito ang dapat na managot sa impyernong pinagdurusahan ng mga mag-aaral at propesor.

Mga Sagot sa Spirit of the Glass

Sapagkat ang problemang kinakaharap ng kalakhan ng mga mag-aaral sa bansa ay sistemiko, nararapat lamang na binibigyang boses ang mga apektado sa pagbuo ng solusyong makalulutas dito.

“Better bridging program to ensure that UP Manila students are ready for its fast-paced teaching curriculum,” iyan ang tugon ni Kyra Angel S. Barbarona mula sa CP bilang isa sa mga simpleng hakbang upang maiwasan ang bigat na iniinda ng mga mag-aaral sa kanilang kurikulum. Sa pagtatag ng mas mabisang bridging program at mas malalim na pagganyak ng Learning Resource Center dito, matutulungan ng administrasyong hindi mabigla ang mga mag-aaral sa mga pang-akademikong gawaing inaasahan sa kanila mula sa kurikulum. “We come from different academic backgrounds kasi, so may pagkakaiba talaga sa struggles ng bawat students which is where the admin can address first,” dagdag pa ni Kyra.

“The school (UPM) is acting like an industrial complex churning out individuals who are expected to do well in both fields, which inevitably alienates students from the real world,” ito naman ang naging pahayag ni Raizza hinggil sa sistema ng edukasyon sa pamantasan. Para sa kanya, bunsod ng neoliberal na edukasyong nananalaytay sa unibersidad, naisasantabi na ng mga mag-aaral ang pakikiisa sa pagtaguyod ng reporma sa lipunan dahil sa mga deadlines at backlogs nila. “So dapat din talaga na mag-create ng avenue rin yung administration para mabigyan ng kahalagahan ang pag-aaral sa lipunan,” giit ni Raizza. Sa pagbaklas ng neoliberal na sistema ng edukasyon sa paaralan, marahil nagiging mas makatotohanan na ang pag-abot ng bawat isko at iska ng “21st century holistic education.”

“Masyadong bureaucratic din ang admin kasi when it comes to activities relating to student participation and demands,” saad ni Kyla hinggil sa mga salik na nakakaapekto sa partisipasyon ng mga estudyante. Halimbawa na lamang, mahaba ang proseso ng pagkuha ng permit para sa mga room-to-room ng USC na nagdudulot ng kawalan ng impormasyon ng mga mag-aaral sa UP hinggil sa iba’t ibang isyu na nais sanang maipalaganap nito. Sa pahirapang pagproseso ng mga aktibidad na naglalayong paigtingin ang student representation sa pamantasan, nagsisilbi itong dagdag dagok na kinakaharap ng mga estudyante kabilang na ang kanilang pang-akademikong responsibilidad. “Nagiging malaking factor talaga ‘yung academic workload kasi less interested na yung ibang potential leaders for student government; this is why lahat ng colleges walang kumpletong student council,” dagdag ni Kyla.

Iminungkahi niya rin na ang mga plataporma ng rehimeng Marcos-Duterte ay isa sa mga sagabal upang makamit ang isang aktibong student participation. “We have institutions like NTF-ELCAC na nagsusuri ng mga aktibista kada rally na mga nakaayon daw sa NPA which is napipilit nila yung pagiging repressive na culture and yung masamang opinion with activism,” dagdag pa ni Kyla. Tunay na hindi lamang mabigat na academic workload ang nagpapahina sa student participation sa unibersidad. Ito ay maiuugat din sa tahasang red-tagging at pasismo ng gobyerno na nagdudulot ng chilling effect sa sangkaestudyantehan.

Maging ang mga propesor ng unibersidad ay sumasang-ayon sa pagpapaigting ng student-centric na patakaran sa institusyon. Ayon kay Propesor Reggie, malaki ang papel na ginagampanan ng college secretaries sa pagsisiguro na lahat ng estudyante sa paaralan ay nakakakuha ng angkop na bilang ng units sa bawat semestre at kung paano mapapabuti ang proseso ng enrollment. “Dapat yung stakeholder, meron siyang papel na ginagampanan sa paggawa ng policies na nakakaapekto sa kanya,” dagdag ng propesor. Dapat magkatuwang ang mga estudyante, propesor, kawani, at administrasyon ng UP Manila sa pagbuo ng isang sistema ng edukasyon na alinsunod sa pangangailangan ng ika-21 na siglo ngunit maka-estudyante pa rin.

Marahil para sa iba, ang mga panawagang #JunkSAIS, #AbolishConfidentialFunds, at #StopAndReviewRSA ay mga pag-iinarte lamang ng mga isko’t iska, ngunit kung susumahin, ang mga ito ay daing ng mga kaluluwang hinihigop kapalit ang ‘di makamasang sistema ng administrasyon at gobyerno.

Pagbalik ng Kaluluwa

Sa pagpapatuloy ng isang ‘di makaestudyanteng sistema ng edukasyon, humihina ang relasyon ng mga iskolar, hindi lamang sa isa’t isa, kung hindi pati sa kanilang sarili, sa mga teoryang inaaral, at sa masang dapat na pinaglilingkuran. Ang mga unibersidad ay tila nagpapanday na lamang ng bagong pwersa ng mga manggagawang gagawing alipin lamang ng mga korporasyon — at hindi na ng lakas-paggawa na tutulong sa masang patuloy na humuhulagpos sa tanikalang sa kanila’y gumagapos.

Kaya naman, marapat lamang na isulong ang isang makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon. Kolektibong pipigtasin ang mga ugat ng neoliberalismo na nakapokus lamang sa pagsagad sa lakas-paggawa ng mga mag-aaral at hindi sa pagtasa sa kanilang kakayahang maging kritikal. Maibabalik lamang ang unti-unti nang nauupos na kaluluwa ng bawat iskolar ng bayan kung ang isang bottom-up approach ay pangangatawanan ng administrasyon. Hindi lamang pakikinggan ang sangkaestudyantehan, kung hindi ay magiging bahagi rin sila ng pagpapaunlad ng kurikulum na masasabayan ang kani-kanilang pangangailangan at personal na kalagayan.

Ano mang programa, major man sa sining, matematika, o mga kursong pangkalusugan, ay dapat na makapag-aral ng mga kursong may kinalaman sa makamasang kaunlaran at panlipunang pag-aaral, nang sa gayo’y hindi tuluyang mahiwalay ang sangkaestudyantehan sa masang pinangakuang pagsisilbihan. Sa pagbabago ng sistema ng edukasyon, makakamit ang isang holistic education na gagabay sa bawat iskolar ng bayan para maging aktibong mamamayang babaguhin ang estado ng bansa tungo sa tunay na kaunlaran.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet