Huwag makampante sa pagluwag ng mga restriksyon, payo ng health experts

The Manila Collegian
4 min readNov 11, 2021

--

ni Jo Maline Mamangun

PHOTO COURTESY OF INQUIRER.net / Katherine G. Adraneda

Nangangamba ang samahan ng iba’t ibang grupong pangkalusugan na Coalition for People’s Right to Health (CPHR) sa biglaang pagsasailalim ng National Capital Region (NCR) sa Alert Level 2 upang itaas muli ang ekonomiya ng bansa. Wala pang isang linggo matapos ang naunang anunsyo ng pagpapanatili ng Alert Level 3 ay napalitan na ito ng bagong desisyon na pag-iimplenta ng mas maluwag na quarantine guidelines mula Nobyembre 5 hanggang 21.

Pagbaba ng kaso at testing

Sa isang panayam noong Nobyembre 8 kay Dr. Joshua San Pedro, co-convenor ng CPHR, isinalaysay niya na dapat ay magkakaroon pa ng dalawang linggong pagbabantay sa kaso ng COVID-19 bago ibaba ang alert level. Ayon din sa naunang desisyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), ito ay paghahanda kung sakaling magkaroon muli ng pagtaas ng kaso.

Noong Oktubre 29, naunang inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mananatili ang NCR sa Alert Level 3 mula Nobyembre 1 hanggang 14, kaugnay ng layuning pagsubaybay sa maaaring pagbabago sa bilang ng kaso ng COVID-19.

Ayon sa datos ng Department of Health (DOH), unting-unti nang bumababa ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa, mula sa mahigit 120,000 nitong Setyembre hanggang kulang-kulang 30,000, ayon sa inilabas na DOH bulletin noong Nobyembre 9.

Subalit, ayon kay San Pedro, bagaman bumababa na ang kaso nitong mga nakaraang linggo at lumuluwag na nang paunti-unti ang mga ospital, hindi pa rin dapat lubos na mapalagay ang mga tao dahil may mga lugar na nakakaranas pa rin ng pagtaas ng kaso.

Paalala rin ni San Pedro na dapat ay maging mapagmatyag, lalo pa’t bumababa rin ang bilang ng mga nagpapatest, dahil na rin sa kamahalan ng testing hanggang ngayon. Dagdag pa niya na maaaring bunga rin ito ng pagiging kampante ng mga tao sa kanilang mga nararamdaman na maaaring sintomas na ng COVID-19.

Dalawang maaaring kahahantungan

Nagbabala ang DOH noong Nobyembre 6 na ang pagiging kampante at paghinto sa pagsunod ng health protocols ng mga Pilipino ay maaaring magdulot ng pagtaas muli ng kaso ng COVID-19 sa darating na Disyembre.

Ayon sa pag-aaral ng grupong Feasibility Analysis of Syndromic Surveillance Using Spatio-Temporal Epidemiological Modeler For Early Detection of Diseases (FASSSTER), inulat ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na maaaring umabot sa 52,393 ang bilang ng kaso sa susunod na buwan.

Ang napipintong pagtaas na ito ng disease surveillance team ng DOH ay hindi imposibleng mangyari lalo na kung hindi susundin ang mga hakbang sa kaligtasan at kung babagal ang usad ng detection at isolation sa bansa.

Sa kabilang banda, ayon kay Vergeire, maaari namang bumaba pa ang kaso hanggang 22,000 sa Nobyembre 15, kung mapapanatili ang kasalukuyang usad ng mga ginagawang hakbang laban sa COVID-19 at pagpapatuloy ng implementasyon ng community quarantine guidelines.

Patuloy na kawalang-trabaho

Bagaman lumuluwag na ang quarantine restrictions nitong mga nakaraang buwan, kumpara noong unang quarter ng taon, patuloy pa rin ang pagbaba ng employment rate at pagtaas ng bilang ng mga walang trabaho.

Ayon sa inilabas na survey ng Philippine Statistic Authority (PSA) hinggil sa lakas-paggawa sa bansa, umabot na ng 4.25 milyon nitong Setyembre, mula 3.88 milyon noong Agosto, ang bilang ng mga Pilipino na walang trabaho. Katumbas ito ng 8.9% na unemployment rate.

Paliwanag ng IBON Foundation, isang grupo ng mga mananaliksik, ang mga inilabas na datos ng kawalang-trabaho sa Pilipinas ay nangangahulugan na hirap pa rin ang bansa sa pagpapataas ng ekonomiya, sa kabila ng pagluluwag ng mga restriksyon.

Dagdag pa ng grupo na ang mababang bilang ng mga Pilipinong may trabaho ay implikasyon ng kakulangan ng pagbibigay-tulong ng administrasyong Rodrigo Duterte sa mga bulnerableng sektor. Giit ng IBON, ang gobyerno ay dapat magpamahagi ng ayudang sapat para sa mga nangangailangan at magbigay-suporta sa sektor ng produksyon at mga maliliit na negosyo.

Pagluwag sa Alert Level 2

Sa kasalukuyan, nasa ilalim ng mas maluwag na Alert Level 2 ang Metro Manila, na inanunsyo ng Malacañang nitong Nobyembre 4. Ayon kay Roque, inaprubahan ng IATF ang pagsusulong ng pagbaba ng alert level sa NCR.

Maaari nang lumabas ang mga Pilipino, mula sa lahat ng edad, sa ilalim ng Alert Level 2. Pinapayagan na rin ang pagbubukas ng mga dine-in restaurant, beauty-related establishments, at mga aktibidad tulad ng may kaugnayan sa relihiyon.

Ayon kay Department of Finance Secretary Carlos Dominguez III, inaasahan na ang pagbubukas ng ekonomiya sa mga huling buwan ng taong 2021 ay muling mag-aangat sa gross domestic product (GDP) ng Pilipinas. “Actually, our second quarter GDP grew by over 11%,” dagdag pa ni Dominguez, kaya naman inaasahan na mas tataas pa ito ngayong mas maluwag na ang quarantine restrictions.

Ang GDP ang sumusukat sa kabuuang produksyon at kagalingang pang-ekonomiya ng isang bansa.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet