I Don’t Like Maymay

(I Don’t Like My Mind)

The Manila Collegian
3 min readOct 31, 2023

nina Jhuztine Josh De Jesus at Jo Maline Mamangun

Ay marahil para sa iba, iyang matam-is nga keyk na ‘yan ay simbolo ng malipayong pagdiriwang. Pero sa uugod-ugod na gaya ko, sinasalamin lang niyan ang isang bangungot. Kung anong tam-is ay siya namang pait ang dinulot sa ‘kin, kay amahan, at inahan. Oh Diyos ko, nanginginig na naman ang mga kalamnan ko, naaaninag ko na naman ang pagmumukha ng hayop na Maymay na iyon! Patawarin nawa ako sa aking mga salita ngunit walang kapatawaran ang kanyang ginawa!

Puno man ngayon ng uban itong aking ulo, tandang-tanda ko pa rin ang aming balay noon sa Bohol. Ang ‘Tay Boni at ‘Nay Lili ko ay parehas na magsasaka, pero hindi basta-basta dahil magigiting din silang lider. Kritikal mag-isip at hindi nagpapaapi ‘yang mga ‘yan kahit pa si Makoy ang pangulo noon. At mas lalo lang silang naging palaban noong magkanda-leche-leche ang ekonomiya ng bansa; nagpatupad pa ng Martial Law. Kinse anyos ako no’n.

Bagaman mahirap kami, maipagmamalaki kong binusog ako nina Ama at Inay ng mga kaalaman. Minsan sa isang hapunan, ibinahagi nila sa akin kung paanong binabangkarote ng Masagana 99 ni Makoy ang kabuhayan ng mga magsasakang tulad nila. Layunin daw nun na gawing mas produktibo ang mga magsasaka pero nilugmok lamang sila nito sa utang. Pumuti na ang buhok ko lahat-lahat, ngunit wala pa ring pagbabago; pinagsamantalahan pa rin ang mga magsasaka.

Subalit natigil ang ganoong mga kwentuhan sa hapag nang magsimula na kaming magpalipat-lipat. Mas naging mainit kasi ang mga lider-aktibista sa mata ng pamahalaan kaya napilitan kaming magtago. Dinala kami ng aming mga paa sa Zambales. Doon, pansamantala naming nalasap ang katahimikan. Doon din namin idinaos ang aking debut.

Walay garbosong handaan, walay ring bisita, pero may keyk. Ang keyk ko’y gawa sa kamoteng kahoy na niluto ng Inay. Sakto ra ang katam-is at napakasarap. Kaya naman, naging paborito ko itong panghimagas.

Tapos na ang selebrasyon ngunit may humabol pang bisitang hindi naman imbitado — isang babae ang lumipat sa katabi naming balay, siya na nga ang walang-hiyang si Maymay. Ulila ang pakilala niya sa amin. Sa ganda ng mga mata at ngiti, aakalain mong anghel na bumaba mula sa langit. Huling-huli ng kanyang maamong boses at maayong pakikisama ang tiwala namin. Putragis!

Hindi man lang pinagbigyan ng bwisitang umabot ako ng baynte na kasama sila Ama’t Inay. Sa kailaliman ng gabi, tinapik ako ng isang sorpresa — akala ko’y pagbati ng ‘Maligayang Kaarawan!’ Iyon pala’y kamatayan.

Ang anghel na bumaba sa lupa, sugo pala ng demonyo sa pamamahala.

Hindi na pinatagal pa ni Maymay ang pagpapanggap, kinalabit niya ang gatilyo, nagkatawang-demonyo, at pinagbabaril na nga sila. At hindi pa nasiyahan — isinako niya ang kanilang mga katawan, handa nang itago sa kailaliman nang ‘di na matagpuan. Panginoon ko, ano’t hindi mo kinahabagan ang akong ginikanan?

“Magmadali kang tumakbo, diretso ang tingin sa daan, at ‘wag nang lumingon pa sa likod. Mahal ka namin, anak!” huling mga salitang binitawan ni Inay bago ginawang kalasag ang katawan. Walang tinira si Maymay sa aming tahanan, kundi ang dapat sanang keyk sa aking kaarawan kinabukasan.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet