I’m Your Man

The Manila Collegian
3 min readOct 31, 2023

--

nina Bea De Guzman at Kristian Timothy Bautista

Naririnig ko na ang ugong ng speakers na sinisigaw ang pangalan niya, “Ngayong darating na halalan, iboto si Cindy Villon para tayo’y makaahon!” Agad may tumapik sa aking balikat. “Boy! Hindi ba magkababata kayo niyan? Hindi mo naman sinabing may koneksyon ka sa pulitiko. Eh ‘di sana’y naka-angat-buhay na tayo!” patawang biro ni Junior. “Oo, hinahanap nga ako ng team niya, mag-i-interview daw,” walang ganang sagot ko.

Hindi ko sinabi kay Junior kasi alam ko nang pipilitin niya ‘ako. Sa hirap ng buhay, gustong-gusto magkapera ng loko kaya ididikit ang sarili sa kahit kaninong politiko. Alam ko naman kung anong hinihingi ng mga ‘yan sa’kin — pruweba na mabuting tao si Cindy Villon, kasalukuyang tumatakbong alkalde ng aming bayan. Pero may isang tanong na gumagambala sa isip ko: pagkatapos ng kawalang-hiyaan nila sa’min, ano’t naisipan niyang magpakita pa sa’kin?

Nagkakilala kami ni Cindy noong sampung taong gulang pa lamang ako. Laki sa hirap, ang ama ko’y magsasaka at si ina naman ay kasambahay sa mansyon ng mga Villon. Dahil walang ibang mag-aalaga, dinadala ako ni inay sa kanila; bilang siya’y unica hija at nag-iisang bata, ako ang naging katuwang niya sa buhay.

Totoo namang minsan sa kanyang buhay, naging busilak ang puso ni Cindy. Sa kanya lang ako nakatikim ng masasarap na pagkaing hindi niya nauubos at nakahawak ng mga laruang kanyang pinagsawaan. Bilang kapalit, itinatakas ko siya minsan at dinadala sa malalawak na bukirin at sa maaliwalas na tabing-ilog. Hindi maipinta ang ngiti sa kanyang mga labi kapag ginagawa ko ito. Kaya naman pati ang puso ko’y nagagalak din. Minsan nga, sa sobrang saya ko’y nabanggit ko sa kanya, “Balang araw, magpapakasal tayo.”

Subalit, hindi man sabihin, dama ko ang agwat sa pamumuhay namin. Mahal mang ituring ng amo ang kanyang aso, mananatili itong aso lamang — hindi niya kailanman magiging kapantay. Habang patuloy akong nadudungisan ng hirap ng mundo, silang mga Villon naman ang nasa itaas at nagpapaikot dito.

Minsan, napagkuwentuhan namin ang bumabagabag na pagkakaiba sa aming mga buhay. “Sabi ni lolo, may lupang sinasaka raw kami dati. Kaso, nabaon sila ni lola sa utang at napilitang ibenta sa isang haciendero,” kwento ko. “Eh dapat kasi, mas naging maingat kayo sa paggastos. Sabi nila Mommy, sipag at tiyaga lang ‘yan!” walang bigat na sagot niya. Sipag? Tiyaga? Hah!

Walang sipag o tiyaga ang nakapagligtas sa aking mga magulang. Kahit sa kadiliman ng gabi, hindi maikakaila kung kaninong trabahador ang may hawak ng baril. Sapat na sahod at benepisyo lang ang hangad nila para sa maghapong pagkakayod-kalabaw, subalit anong ibinigay ninyo? Bala! Pagkatapos ngayo’y may gana kang hingin ang suporta ko? P*tangina!

Kung may ipapasalamat man ako sa’yo, Villon, isa lang ito — wala!

“Oy!” sigaw ng kaibigan ko. “Kanina ka pa tulala riyan. Aba’y hinahanap ka na raw nung tumatakbong mayora,” dagdag niya. Dalawang dekada na ang nakalipas mula nang isumpa ko sila, magmula noong ipabasura ni Cindy ang kaso ko laban sa kanilang pamilya. “Boy, bilis, baka may pa-bahay at lupa ‘yan!” Kung alam mo lang Junior.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet