Insidente ng pamamaril sa Tribong Manobo-Pulangiyon, pinaiimbestigahan

The Manila Collegian
3 min readMay 4, 2022

--

Ni John Paul Cristobal

PHOTO FROM KA LEODY DE GUZMAN

Naghain ng resolusyon nitong Abril 25 si Sen. Risa Hontiveros sa senado upang imbestigahan ang isyu sa alitan sa lupa na kinahaharap ng tribong Manobo-Pulangiyon. Humihingi naman ng hustisya ang nasabing tribo matapos magkaroon ng insidente sa kanilang lugar na nag-iwan ng apat na miyembro ng kanilang tribo at isang boluntaryo na sugatan

Ayon sa mga nakasaksi, nagpaputok ang ilang armadong lalaki sa pagpupulong na pinangunahan ng kampo ni Ka Leody De Guzman sa Quezon, Bukidnon noong Abril 19.

Pagprotesta sa inagaw na lupa

Nangyari ang pamamaril habang nagpoprotesta ang tribo sa umano’y insidente nang pagkamkam ng Kiantig Development Corp. ng apat na hektaryang lupain na kanilang minamana.

Naniniwala si De Guzman na nagmula ang mga armadong lalaki sa compound ni Quezon Mayor Pablo Lorenzo III na umano’y konektado sa KDC.

Ayon kay De Guzman, may kumpletong dokumentasyon ang mga Manobo para patunayan ang pagmamay-ari nila sa lupa at nakakuha sila ng utos ng korte noong 2018 para lisanin ni Lorenzo ang lugar matapos mag-expire ang Forest Land Grazing Management Agreement (FLGMA) ng KDC.

Samantala, sa panayam ng ABS-CBN, sinabi ng alkalde na hindi niya alam ang mga detalye ng nangyari at hindi na raw siya konektado sa kompanya.

Sinabi naman ng komunidad ng Manobo na sinubukan nilang igiit ang kanilang mga karapatan sa kanilang lupa sa pamamagitan ng paghahain ng mga papeles ngunit hindi sila pinapansin.

“Ayaw namin sa kaso kasi wala kaming pera. Pero nangyari na ‘yan, kailangan din naman tayo na mag-file ng kaso para malalaman rin ‘yung krimen na ginawa niya [Lorenzo] sa amin,” sabi ni Datu Maalamon.

Hustisya sa tribong Manobo-Pulangiyon

Bunga ng nangyari, nawalan ng tirahan ang ilan sa mga Manobo. Napilitan silang tumira na lamang sila sa gilid ng mga kalsada sa kadahilanang natatakot silang masangkot muli sa ganitong insidente.

Nanawagan ang komunidad ng Manobo-Pulangiyon na mabigyan sila ng hustisya kasunod nang pamamaril gayundin ang pagkamkam sa kanilang lupang minana.

“Ang panawagan namin ay maibalik sa amin ang aming ancestral domain at panagutan ang nangyayari sa amin. Kahit anong ahensya ng gobyerno ang makatulong sa amin ay hinihingi namin ang kanilang tulong,” sabi ni Datu Tigis Liwanan sa isang komperensiya noong Abril 21.

Ayon kay David D’Angelo, kandidato sa pagkasenador at kasama ni De Guzman sa insidente, mahigit 90 katao na mula sa Bukidnon, kasama ang mga Talandigs, ang namatay sa pakikipaglaban para sa mga lupang inagaw sa kanila.

Inilarawan ni D’Angelo ang insidente ng pamamaril bilang resulta ng isang sistema ng kawalang-katarungan na patuloy na hindi kumikilala sa karapatan ng mga katutubo.

“Ang panawagan ko lang ay maaksyonan ng gobyerno, lalo na ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), kung makakatulong po si Pangulong [Rodrigo] Duterte, na ma-recognize na ‘yung mga Certificate of Ancestral Domain Claim (CADC), maging Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) ng ating mga katutubo, para finally ay makatira sila nang maayos at maangat naman nila ang kanilang buhay,” dagdag pa ni D’Angelo.

Imbestigasyon sa insidente

Kasalukuyang may nakahain na resolusyon mula kay Sen. Risa Hontiveros para sa senado upang imbestigahan ang isyu sa alitan sa lupa.

“Ang mga alitan sa lupa ay matagal ng isyu sa ating bansa na kadalasang nauuwi sa karahasan. Paulit-ulit ang mga ganitong pangyayari dahil wala tayong maayos na polisiya na tuluyang magwawakas sa karahasan, lalo na laban sa ating katutubo. Panahon na para magkaroon tayo ng tamang batas na maaaring tumugon dito,” sabi ni Hontiveros.

Kinuwestiyon din ng senador ang presensya ng mga security personnel sa lugar dahil nag-expire na nga ang naturang kasunduan noong 2018.

“Bakit nandoon pa ang security personnel sa lupang iyon kung nag-expire na ang FLGMA noong 2018? Talagang hindi na makatao ang pagtrato sa ating mga katutubo. Pilipino din sila na dapat kapantay ng lahat ng mamamayan,” diin ng senador.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet