Ligalig
Komersyalisadong Edukasyon ang Pumatay kay Kristel Tejada
ni Jermaine Angelo D. Abcede
Buhay at dugo ang inutang ng reaksyunaryong estado kay Kristel Tajada. Dinurog ng estado ang mga pangarap ni Kristel dahil sa interes nito na gawing negosyo ang pagkatuto at ilayo sa mga mag-aaral ang mga batayang serbisyo. Walang ibang pumatay kay Kristel kundi ang nagpapatuloy na komersyalisado at neoliberal na edukasyon ng bansa.
Labing-isang taon na ang nagdaan pero wala pa ring hustisya. Nanatiling sagka ang mga kasalukuyang polisya ng mga paaralan at pamantasan sa danas ng mga mag-aaral, laluna para sa mga maralita. Nanatiling buhay ang sistemang ginagatasan ang mga mag-aaral para sa edukasyon na dapat naman ay libre at karapatan ng lahat. Namamayagpag ang mga kontra-mamamayang sistema sa edukasyon na walang pagtanaw sa iba’t ibang danas ng mga estudyante sa kalungsuran man o kanayunan.
Sa position paper ng National Union of the Student of the Philippines (NUSP), iniulat nito ang datos ng Commission on Higher Education (CHED) kung pumalo sa 4.74% ang pagtaas ng matrikula habang 10.61% naman ang pagtaas sa other fees sa mga pamantasan at kolehiyo para sa taong panuruan 2021–2022. Ipinapakita nito na sa gitna ng lumalang krisis sa eknomiya, mas lalong pagpapahirap sa mga mag-aaral at pamilya ang tugon ng pamahalaan.
Sa pinakahuling tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot na sa 3.4% ang implasyon sa bansa para sa buwan ng Pebrero ng kasalukuyang taon. Sa ilalim ng rehimen ni Ferdinand Marcos, walang ibang nararanasan ang sambayanan kundi pagtaas ng mga bilihin at pambabarat sa mga manggagawa na siya sanang tutustos sa kanilang mga kamag-anak na mag-aaral.
Hindi na sana nasawi ang bahay ni Kristel kung inuna lang ng estado ang kalagayan ng mga mag-aaral na tulad niya. Doktor na sana si Kristel kung may tunay na pagtanaw at pag-unawa lamang ang administrasyon noong panahon na iyon at pinagbigyan siyang makapag-enroll. Isa na sana siyang Iskolar ng Bayan na nagamit ang kaniyang natutuhan sa Behavioral Sciences upang mapaglingkuran ang sambayanan gamit ang kasulugan.
Tuwing dadating ang Marso 15, hindi lang sana natin kapulutan ng aral ang kinahantungan ng buhay ni Kristel. Marapat na ito ay paghugutan natin ng lakas para kumilos hangga’t nanatiling komersyalisado at neoliberal ang edukasyon ng bansa.
Ang sinapit ni Kristel ay mananatiling buhay at magsisilbing pwersa sa pakikibaka ng taumbayan laban sa kontra-mamayang sistema ng edukasyon ng bansa.