Kontra Agos
ni Jermaine Angelo Abcede
Sa napipintong paghalal sa mga susunod na pinuno ng iba’t ibang barangay, nag-aabang ang bagong punla ng liderato. Higit sa pagpunan sa kakulangan sa representasyon, hamon sa mga susunod na pinuno na banggain ang kasalukuyang porma ng administrasyon — hindi nakasunod sa yapak ng mga pinunong ginagawang imperyo ang kanilang pook.
Sa matagal ng panahon, nagtitiis ang taumbayan sa mga lider na walang malinaw na plano para sa kanilang nasasakupan. Maglalatag lamang sila ng plataporma at magpapalakas sa tao bago ang halalan ngunit kapag sila ay nailuklok na sa pwesto, nawawalan na ng saysay ang kanilang mga ipinangakong plano. Hindi na sila maaasahan sa kabi-kabilang suliraning sinasapit ng kanilang mga mamamayan. Lilitaw lamang sila kapag may pondong nakalaan sa paglutas nito. Babaratin ang mga serbisyong ibibigay para mayroong maipit sa kanilang mga bulsa. Ipinapamarali ng mga ganitong klaseng lider ang kultura ng pagnanakaw sa bayan; walang pagbatid sa tunay na pangangailangan ng sambayanan.
Sa iba, maaaring maliliit na bagay lang naman ang korapsyon na ginagawa ng mga pinuno sa kanilang lugar. Kakarampot lang naman daw ang salaping kanilang nabubulsa. Ngunit ang bawat pisong ginagasta ng mga pinuno ay nakalaan dapat sa pagpapabuti ng kanilang pamayanan. Ang bawat pisong ninanakaw ay kabawasan sa kaunlarang ‘di makamtan-kamtan. Sa ‘di pagsugpo sa maliit na porma ng korapsyon nagsisimula ang malawakang pandurugas sa pamahalaan.
Batay sa inalabas na Local Budget Circular №149 ng Department of Budget and Management (DBM), hindi bababa sa Php 33,843 para sa punong barangay, Php 23,176 para sa mga barangay kagawad at chairperson ng Sangguniang Kabataan (SK), at Php 21,211 para sa mga miyembro ng SK ang matatanggap na sahod ng mga mauupo sa pwesto sa special cities at first class cities — mababa lamang ito ng P1000 hanggang P2000 para sa mga mas mababang class ng lungsod o munisipalidad.
Dahil ang perang ito ay manggaling sa taumbayan, marapat lang na mabususing pumili sa mga pinunong dapat manguna sa pag-aabante ng ating mga hinaing at panawagan. Bukod sa matatanggap nilang sahod, hahawakan din nila ang pondo ng barangay kaya marapat na bantayan kung saan nila gagamitin ang mga ito. Hindi pwedeng italaga na lang ito para sa mga paulit-ulit na proyekto tulad ng pa-liga, pamimigay ng relief goods kapag may sakuna, at iba pang palaro o paligsahan. Dapat itong ilaan sa pagresolba sa mga matagal ng problema ng pamayanan gaya ng mga isyu sa pabahay, irigasyon, edukasyon, at paggawa. Sila dapat ang pangunahing nagsisimula ng inisyatiba rito at nag-aangat ng mga usaping ito sa mas mataas na sangay ng pamahalaan.
Hindi dapat salaminin ng mga maluluklok sa pwesto ang lideratong pinapakita ng rehimeng Marcos-Duterte. Dapat itong bumaligtad sa porma ng administrasyong mapaniil, represibo, at mapanlinlang. Magsisimula ang abot-kamay na pagbabago sa kanilang pagbalikwas sa mga ‘di makataong polisiya at programang isinusulong ng administrasyon. Sa pagtahak ng ganitong landas, magsisimula ang tagumpay at tunay na paglaya sa kamay ng mga mapang-alipusta.
Sa muling pagbabalik ng halalan para sa SK at sangguniang barangay, kailangang pandayin ng mga lider ang isang administrasyon tungo sa masa at mula sa masa. Panahon na para basagin ang deka-dekadang paghihirap na nanatiling nakabinbin dahil walang tunay na naglulutas. Higit sa pagpunan sa mga puwang na magrerepresenta ng boses ng kabataan at iba’t ibang sektor, kailangan ng isang hanay ng mga indibidwal na kokontra sa agos at tatapos sa daan-taong paghihikahos.