KULTOREPASO: Pagsilip sa mga Milagro ng PLB XV
ni Jo Maline Mamangun
Para sa mga mahihirap, milagro nang maituturing ang makaranas ng maginhawang buhay sa ilalim ng nabubulok na sistema. Kahit anong pagkakayod-kalabaw, madalas ay umaabot pa sa kadulu-duluhan ng mundo, hindi pa rin sumasapat ang nakukuhang kapalit para sa kanilang batayang pangangailangan. Dagdag pahirap pa ang pananamantala ng mga mapang-aping uri — silang mga nakikinabang sa pinaghirapan ng iba, mga walang-utang na loob; silang mga pumapatay ng hindi nila kapantay, mga nag-aasal hari’t reyna; at silang mga walang-awa’t mapang-alipin. At kung sila ma’y magpumiglas sa rehas ng pagpapakasakit, pambubusabos sa bilangguan o kalunos-lunos na kamatayan ang kanilang kahahantungan.
Mabuti na lamang at nagkakaroon ng pagkakataon ang mga tao na masaksihan at maintindihan ang mga sitwasyong kinahaharap ng mga inaaping sektor sa pamamagitan ng mga progresibong film festival. Isang halimbawa nito ay ang 15th Pandayang Lino Brocka (PLB XV) Political Film and New Media Festival na nagsagawa ng mga film screening ng mga ipinasa sa kanilang maiikling pelikula, dokumentaryo, at animation sa iba’t ibang paaralan. Nagtampok din sila ng mga pelikula ng yumaong batikan at progresibong direktor na si Lino Brocka. Ang tema ngayong taon ay “May Magagawa,” kung saan ang mga pelikula ay umiikot sa mga isyu ng mga manggagawa, pesante, at iba’t ibang sosyo-ekonomikong kalagayan sa bansa.
Noong Oktubre 12, sa pamamahala ng UP Cine Manileño, matagumpay na naganap ang PLB XV film screening sa University of the Philippines Manila. Itinampok dito ang mga makabuluhang pelikula, tulad na lamang ng “Bayan Ko, Kapit sa Patalim” ni Brocka. Ang mga maikling pelikula tulad ng “Daing,” “Ang mga Sisiw sa Kagubatan,” “Sa Katapusan ng Mayo,” “Ang Pagtangis ng mga Aninong Umiindak sa Hangin,” “Ilang Kahig, Walang Tuka,” “Contractual,” at “Indigo” ay nagpamalas din ng mga kapupulutang-aral na kwento. Direkta at walang pagpapanggap nilang ipinakita ang mga istorya ng paghihirap, pagsusumikap, at pagtindig ng mga inaaping sektor. Sa mga pelikulang ito, masusing tinalakay ang mga isyu ng kahirapan, kawalan ng hustisya, at tapang sa paglaban para sa mga batayang karapatan.
Pagkatapos ng palabas, isang tanong ang namutawi sa isipan: “Sa gitna ng mga pagkabigo, paano ba gumagawa ng isang milagro?”
Ang milagro ng bungkalan sa Lupang Ramos
Para sa mga magsasaka, ang lupa, bilang pinagkukunan ng pinanglalaman sa tiyan, ay dapat pinagyayabong at inaalagaan. Subalit ang lupain ng Lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite ay dekada nang napapabayaan ng mga nagmay-ari nito, at imbis na pagyabungin ay binabalak pang tayuan ng mga kabahayan. Kaya naman, ang mga magsasaka ng komunidad na mismo ang sama-samang kumikilos at nagbubungkal ng lupa upang ito ay muling buhayin, nang sa gayon ay makapagbigay din ng buhay.
Sa dokumentaryo ni Lance Lozano na may pamagat na “Bungkal,” itinampok si Nanay Miriam Villanueva, isang lider-magsasaka sa Lupang Ramos. Malinaw na isinalaysay ni Nanay Miriam ang kanilang kinakaharap na laban sa Lupang Ramos, kung saan hindi lamang peste na hayop ang sagabal sa kanilang pagsasaka, kundi pati ang lokal na pamahalaan ng Dasmariñas na pumapabor sa mayamang pamilyang nais mangamkam ng lupa. Naipakita rin sa palabas ang diwa ng Bungkalan, o ang kolektibong pagsasaka ng mga magsasaka, na siyang paraan ng pagtindig ng mga pesante sa kanilang mga karapatan sa lupa sa kabila ng pambubusabos sa kanila ng mga may kapangyarihan.
Pasok na pasok sa tema ng film festival ang dokumentaryong ‘Bungkal’. Naipahatid nito nang malinaw ang milagrong hatid ng Bungkalan Community para sa mga magsasaka ng Lupang Ramos, na sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ay may magagawa ang mga magsasaka upang tumindig at lumaban para sa lupang sinasakang nagbibigay sa kanila ng buhay.
Ika nga ni Nanay Miriam, “Mahirap mamatay nang gutom kaysa lumalaban.”
Mailap na milagro sa mga ‘Contemporary Bayani’
Hindi lamang nakakulong sa mga pangyayari sa loob ng bansa ang mga kwentong ipinalabas sa PLB XV. Nakatutuwang nagtampok din ito ng isang dokumentaryo na tungkol naman sa mga Overseas Filipino Workers (OFW). Mabusising inilahad ng direktor na si Najeel Barrios sa kanyang pelikula ang buhay ng mga OFW na binansagan niyang “Contemporary Bayani,” na pamagat din nito. Bagaman hindi naging masyadong epektibo ang paggamit niya ng English-Tagalog na pamagat, bawing-bawi naman ito sa nilalaman ng palabas. Dito ay nabigyang-boses si Marina Sarno, isang dating distressed domestic worker, na ikwento ang kanyang paglalakbay — mula sa pagiging biktima ng pagmamaltrato sa ibayong dagat, hanggang sa maging case worker dito sa bansa, kung saan ay tumulong siya sa mga kapwa niya OFW na may kinakaharap na problema.
Upang mas mabigyang lalim pa ang palabas, tinalakay din ng dokumentaryo ang sensitibo’t kalunos-lunos na pinagdaanan ng bangkay ng OFW na si Mary Jean Alberto sa pag-uwi nito sa kanyang pamilya at tahanan. Naging daan ang pelikula upang maiparating sa mas malawak na madla ang panig ng kanyang pamilya. Anila’y hindi magagawang magpakamatay ni Mary Jean, tulad ng sinasabi ng employer niya na siya’y tumalon mula sa ika-13 palapag ng tinitirhang gusali. Ikinwento rin sa palabas ang mga pambabantang ginawa sa biktima habang siya’y nasa poder ng kanyang amo.
Nabigyang-diin din sa pelikula ang iba pang salik na mas nagpapahirap sa kalagayan ng mga OFW — ang sistemang Kafala sa Gitnang Silangan na kung saan ay binibigyang kapangyarihan ng estado ang mga employer na gawin ang anumang naisin sa kanilang mga manggagawa, at ang usad-pagong na tugon ng administrasyon sa Pilipinas sa mga kaso ng paglabag sa karapatang-pantao ng mga OFW. Sa ganitong kalagayan, tila mailap ang milagro para sa mga kontemporaryong bayani. Gayunpaman, matapang na sinabi ni Marina sa palabas na patuloy silang lalaban dahil sila’y hindi alipin, kundi mga manggagawang may karapatan.
‘Paano ba gumawa ng milagro?’
Marahil ang iba sa inyo ay nagtataka kung bakit ang “milagro” ang ginamit na metapora sa rebyu na ito. Ang sagot diyan ay ang tumatak na linya ni Arturo “Turing” Manalastas sa pelikulang “Bayan Ko, Kapit sa Patalim.” Nang magpatung-patong na ang kinahaharap na problema — kakulangan ng sapat na sweldo at benepisyo bilang Minervista sa pinapasukang imprenta, malaking gastusin sa ospital dahil kapapanganak lang ng asawang si Luz, at ‘di pagpayag ng ospital sa kahilingan niyang mailabas na ang mag-ina upang ‘di na lumaki pa ang bayarin — napatanong si Turing sa kanyang sarili, ‘Paano ba gumawa ng milagro?’
Para sa katulad ni Turing na nasa laylayan ng lipunan at araw-araw ipinapanalangin sa Diyos at sa mga diyos-diyosan na makalasap ng kahit kaunting grasya at katarungan, milagro na ang mapagbigyan sa kahilingan. Kung pagbibigyan naman, dapat ay magkikibit-balikat ka sa kanilang mga paninikil. Ang ganitong eksena ay naipakita sa pelikula nang muling nakiusap si Turing kay Mr. Lim, ang kanyang amo, na bumale para may maipambili ng gamot sa noo’y buntis nitong asawa. Bago pagbigyan ay tinanong muna niya si Turing kung siya ba’y kasapi ng itinatayong unyon sa kanyang kumpanya, at nang malamang hindi, pinapirma niya ito ng waiver na nagsasabing ‘di kailanman ito sasali. Sinasalamin ng eksenang ito ang pagiging tuso ng isang kapitalistang naninigurong sa huli, hindi sila ang magiging kawawa.
Bagaman ang timeline ng pelikula ay sa panahon ng Batas Militar, mapagtatanto ng manonood na ang mga naranasan ni Turing at ng iba pang kasamahan niyang manggagawa ay patuloy pa ring nararanasan ng mga manggagawa magpahanggang ngayon. Pinapatunayan lamang nito na timeless ang mga isyung nilalaman ng mga pelikula ni Lino Brocka, na bagama’t yumao na ay nagpapatuloy pa rin ang mga obra nito sa pagmulat sa manonood sa tunay na kalagayan ng masang binubusabos.
Hangga’t hindi pinapatay ang ugat ng paghihirap, mananatiling milagro na lamang ang maging malaya sa kamay ng pagdurusa. Subalit, lagi’t lagi tayong may magagawa upang basagin ang tanikala; buhay man ang itaya.