KULTURA | Ika-6 na Taon: 1-Star Rating Teleserye Starring Tatay [NOT CLICKBAIT!]

Ni Joanna Pauline Honasan

The Manila Collegian
6 min readJul 27, 2021
Dibuho ni Vince De Dios; Disensyo ni Vince Julius Balaga

3, 2, 1…

Sabi nila, napaka-unrealistic daw ng mga teleserye at pelikula na pinapalabas sa TV, pero bakit ganito umakto si Tatay? Pa-charming at may karisma kuno raw siya tuwing lumalabas at nakikipagkamay sa mga kasosyo, pero mas mabilis pa sa kidlat kung dumilim ang mukha’t duruin at mura-murahin si Mom. Hindi man lang natinag kahit sa harap pa ng hapagkainan. Guess what? Hindi pala ako ang dapat pagsabihan na ayusin ang “asal,” kundi ang lalaking kapapasok lamang sa kanyang kwarto; natural, may kasama munang pagdadabog — siya raw kasi ang batas sa bahay.

Bawal umangal, bawal magbigay ng rason, at bawal magkomento kahit mas maliwanag pa sa sikat ng araw ang kaniyang pagkakamali. Salita ni Tatay ang batas; ang tumutol ay tiyak pauulanan ng bala ng panunumbat.

Paano ba namang hindi mapapahikbi ang aking ina kung ganitong klaseng tao ang pinakasalan niya?

Sanggang-dikit kami ni Mom mula noong bata pa ako; maalaga, maunawain, at madiskarte siya, kaya napakahirap lang tanggapin na sa ganitong lalaki siya nauwi. Kung tutuusin, kaya naman ni Mom na itaguyod ang buhay naming mag-ina, ngunit hindi niya sukat-akalaing kakayanin siya ng mga kontrabidang nagpapahirap sa amin — ang hirap, gutom, mababang sahod sa trabaho, at syempre, ang walang katapusang panlolokong nararanasan niya.

Ilang lalaki na rin ang dumaan sa buhay ni Mom, bitbit ang perpektong formula ng matatamis na pangako at ang nakakatulirong “Ipaglalaban kita, Pina!” na siyang bumihag sa kaniyang puso. Sa una’y naniwala si Mom sa kanila; walang kundiman ng kaniyang panahon ang makakapantay sa kaniyang nadama. Sa dulo, si Mom ay pinagpalit lamang nila sa isang babaeng Amerikana.

Alam kong kabisado na ni Mom ang iskrip ng mga tulad nila, kaya dapat, hindi na kami nauwi sa masalimuot na sitwasyon ngayon. Ngunit kahit anong pag-ahon namin sa kumunoy, lumilitaw nang lumilitaw ang mga posas. Labag man sa kaniyang kalooban, pinakasalan ni Mom si Tatay dahil ipinagtulakan siya nang husto nina lolo’t lola rito. Kapag ‘di raw siya sumunod, malulugmok daw sa hirap ang buhay namin at nina lolo’t lola…ha! Ang sabihin lang nila, ayaw lang nila malugi ‘yung sikat nilang subdivision, taniman, at kung ano-ano pang negosyo nila. As if namang may nakukuha kami ni barya mula sa kanila! Kakarampot lang din naman ang binibigay nitong mokong — este — ni Tatay sa amin ni Mom. Patak ng ambon nga lang ang natatanggap naming pera mula sa kaniya; mas madalas pa nga siyang pumutak at magpaulan ng mga maling akusasyon!

Hindi rin namin kailanman naramdaman na naging ligtas kami kasama siya. Sa una pa nga lang eh punong-puno na ng r̶e̶d̶t̶a̶g̶s red flags si Tatay! Tingin din ni Tatay ata sa lahat ng bagay ay red, kaya parati siyang beast mode. At dahil pinangatawanan na yata niya ang pagpapayabong ng redta — red flags — nilamon na siya nang tuluyan ng kulay na ito. Tulad ng pula, ubod rin ng layo ang wavelength ng pag-unawa niya sa amin ni Mom.

At syempre, hindi makukumpleto ang mala-teleserye naming buhay kung walang special appearance ang mga kerida’t manloloko. Daig pa nga ni Tatay ‘yung lalaking pinag-aagawan sa Ika-Anim na Utos dahil ‘di lang isa, kundi dalawa ang kabit niya! Kaya pala kahit umaaray na ang bulsa namin ni Mom, parating mayroong resibo si Tatay mula sa mga mamahaling restawran sa BGC at sa Forever 21. ‘Yung Amerikanang turista na overstay na sa Pilipinas at Chinese businesswoman na mahilig sa beach naman pala ‘yung tunay na pinaglilingkuran ni Tatay!

Kaya kung mukha mang walang gana sa hapagkainan si Mom, si Tatay ang may kasalanan. Sila nina lolo’t lola ang sanhi sa paglumbay ng mga mata ni Mom; umaandap-andap na ang dating kislap ng kaligayahan sa kaniyang mga mata. Kami’y mga mayang ikinulong sa hawla — may pakpak ngunit hindi makawala sa mga tanikala. Ang salitang sinasambit ni Tatay ang batas na umuupos kay Mom at bumubusal sa aming mga bibig — sa aming kalayaan.

Di kalauna’y nagsimulang lumitaw ang batik-batik na suga’t pasa sa balat ni Mom. Ito’y manipestasyon ng pagbabagong-anyo ng salita — ng batas. Mahapdi ang latay ng bawat salita ni Tatay; ito’y may katumbas na kumpas ng karahasan, pisikal man o emosyonal. Mababakas ang hagupit nito sa aming buhay — mula sa pag-inda ni Mom sa kaniyang mga sugat, hanggang sa kung paanong gabi-gabi na lamang tumutulo ang luha sa aking mga mata dahil wala akong pambayad sa matrikula.

Mag-a-anim na taon na mula nang nakasama namin si Tatay, ngunit wala pa ring bakas ang pagbabagong kaniyang ipinangako. Nagsasama raw sila sa hirap at ginhawa, ngunit kami lang naman ang naghirap at sinolo ni Tatay, lolo, at lola ang ginhawa. Isang gabi’y narinig ko rin si Tatay sa telepono, patagong nakikipagtransaksyon ng dagdag na utang na hindi namin alam para saan.

Samantalang kami ni Mom, kailangan pa naming kumayod nang extra para may maipangtustos ako sa eskwelahan. Muntik na akong hindi tumuloy sa kolehiyo, pero alam man lang ba ni Tatay ito? Alam man lang ba ni Tatay na mahirap para sa akin at sa mga propesor ko ang online setup; na mas kinakailangang tustusan ang edukasyon ko? At alam ba ni Tatay na muntik nang bawian ng buhay si Mom noong nakaraang taon dahil napakamahal ng bayarin sa ospital? Hindi ko maunawaan kung paanong nasisikmura ng isang haligi ng tahanan — ng isang tao — na walang gawin sa mga sitwasyon na ito.

Sa bagay, kami’y pawang instrumento lamang para sa kanila — ginamit at iniwan sa byahe nila tungo sa kaginhawaan. Kahit ilang eksena pa ng pagpapahirap sa bida ang ipalabas sa mga teleserye, hindi nito mahihigitan ang pang-aaping nararanasan namin. Imbes na magbigay ng pera pampaaral at pampagamot, gastos all you can si Tatay sa pagpapatakbo ng shooting range niya, pag-i-invest sa kung ano-anong negosyo ng mga kasosyo niya, at sa pagpondo sa dalawang kabit niya.

Matagal na kaming pagod ni Mom kay Tatay. Sa loob ng halos anim na taong naging haligi siya ng tahanan, wala siyang ginawa kundi maging marupok at gibain ang pundasyon ng aming pagkatao. Si Tatay ay diktador ng tahanan, ang numero unong kontrabida sa mala-teleserye naming buhay, ang hawlang kumikitil sa kalayaan ng maya. Si Mom ay bulang diniktahan ng ihip ng hangin, umaasang mamumuhay sa alapaap ng mga pangakong binitiwan ni Tatay; pinaikot-ikot lamang hanggang sa siya’y pumutok sa kawalan.

Pinipilipit ng paghahari-harian ni Tatay ang aming kalamnan. Nararapat lang talaga na bumaba na si Tatay! Alam kong alam ni Mom na ito ang kasagutan upang wakasan ang aming paghihirap — ang putulin ang anumang uri ng koneksyon namin sa lahat ng kontrabidang nagpapahirap sa amin; ang putulin ang tanikalang pumipigil sa aming pagpagaspas.

Sumasayaw sa ritmo ng hangin ang papel na kasalukuyang hawak ni Mom ngayon — ang kontrata ng pag-iisang dibdib nila ni Tatay; ang kandadong pumipigil sa aming paglaya. Tahimik ang kusina, ngunit alam kong malakas ang pagdagundong ng pagkasabik sa aming mga puso. May munting sigá na nagbabadyang sumiklab sa likod ng mga mata ni Mom; sa lahat ng beses na kumain kami sa kusinang ito, ngayon ko lamang nakitang naging mas maliwanag sa malamlam na ilaw ang kaniyang mga mata.

Tulad sa mga teleserye, kadalasang hudyat ng pagwawakas ang mga sunog. Kaya nang unti-unting nilamon ng apoy ng nagngangalit na galit ang bawat salita sa kontratang kumikitil sa aming kalayaan, alam naming magwawakas na ang pang-aabuso. Sa paglamon ng apoy sa kontrata, nawalan na ng kapangyarihan si Tatay, at pinutol na namin ang aming koneksyon sa ganid na si lolo’t lola. Wala kaming kailangang iba; ako at si Mom — sapat na ang magkasama kaming dalawa.

Sumisiklab sa puso namin ni Mom ang apoy na mapagpalaya — ang apoy ng pinagsama-samang sigaw para sa hustisya at pag-asa para sa hinaharap.

Sa huling episode ng 1-star teleserye na ito’y tumitig si Mom sa bintana. Sinong nakakaalam? Marahil ay nakatingin siya sa maliwanag na bukas, o baka nakatitig lang siya sa harap ng iskrin ng telebisyon. Marahil ay kinakausap niya ang mga manonood na nangangailangan ding sunugin ang kani-kanilang kontrata.

--

--

The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.