KULTURA | Sa Ngalan ng Pagtatapos

Ikatlo sa Tatlong Isyu ng GIMBAL: Antolohiya ng mga Istoryang Lulan ng Bagyong Ulysses

The Manila Collegian
13 min readDec 3, 2020

nina Christina Cambiado at Gwyneth Cruz

LIGTAS NA KAMI NGUNIT PAKIRAMDAM ko ay may kulang. Sandali kong inikot ang aking mga mata sa paligid — nasa evacuation center na kaming pamilya matapos wasakin ng Bagyong Ulysses ang aming tahanan. Ramdam ko pa rin ang alulong ng hangin, ang bugso ng tubig na nagpupumilit pumasok sa makitid na butas sa aming dingding. Isang bangungot na paulit-ulit sumasagi sa aking isipan — isang delubyo na hinding-hindi ko makakalimutan at dadalhin ko hanggang sa hukay.

Ligtas na kami ngunit hindi ako mapakali. May kailangan akong balikan — shit, yung laptop at modules ko. Sayang naman kung hahayaan ko na lamang, may kuryente naman dito sa tinutuluyan namin at maaari akong makasagap ng signal kung sakali man kasi may data pa akong natira. Sayang kasi, konting kayod pa’t malapit na akong makatapos sa kurso ko, graduating kumbaga, mga sampung hakbang pa bago ko tuluyang makuha ang susi na makakapag-ahon samin sa kahirapan.

Kailangan ko nang umalis habang hindi pa masyadong malalim ang gabi, hangga’t may liwanag pa, nag-aalala rin ako sa kapatid ko pero alam kong makakaya niya kasi marunong siyang lumangoy. Ayokong maranasan muli kung paano lamunin ng gabi, kung paano gumapang ang nakakapanindig balahibong lamig, kung paano ako matahin ng paligid. Dahil ayokong masayang pa ang oras, dali-dali kong kinalabit si Nanay. Nagpaalam ako na may kukunin sa bahay ngunit pinigilan niya ko. Bigla ko siyang niyakap sabay sabing…

Mahal na mahal kita ‘Nay, mahal na mahal ko ang pamilyang ito. Hayaan niyong tuparin ko ang mga pangarap natin sa tanging paraang alam ko. Pangako ho, babalik ako. Hintayin ninyo ako.

Hindi ko na hinintay ang sagot niya at agad na kumaripas ng takbo. Pero bago ako tuluyang makaalis, nahagip ng paningin ko ang orasan — ganap na alas singko y media ng gabi. Hindi na masama, kaya kong kunin bago sumapit ang hatinggabi. Kahit medyo malakas ang buhos ng ulan, hindi na ko nagdalawang-isip na lumusong, kaya pa naman ang hanggang tuhod na baha. Sa pagpapatuloy ko sa pagtakbo, may nakasalubong akong matandang babae, si Aling Gloria — yumuko ako bilang paggalang at hindi ko na sana siya pagtutuunan ng pansin pa ngunit may sinabi siya na biglang nagpatigil sa aking sistema.

Iha, bumalik ka na sa evacuation center. Baka maulit na naman ang trahedya noong Ondoy.

Sa di malamang dahilan, bumilis ang tibok ng aking puso, nanlamig din at nagsimulang manginig ang aking mga kamay at tuhod. Nagbalik sa aking ala-ala si Tatay, kung paano siya kinuha sa amin noong taong 2008 dahil binalikan pa niya ang mga libro ko kahit lampas tao na ang tubig. Halos kamuhian ko siya dahil inuna pa niya yung mga libro ko kaysa sa asawa’t mga anak niya na humahagulgol sa harapan niya. Tadhana nga naman.

Kung nandito ka pa ‘Tay, ganito rin ang gagawin mo hindi ba? Like father, like daughter, huh?

Kinalma ko ang aking paghinga’t di ininda ang pakiramdam ko’y babala sa akin. Matagal na iyon, sisiguraduhin kong hindi mangyayari sa akin ang nangyari kay Tatay. Sa lalim ng iniisip ko, hindi ko namalayang malapit na pala ako, at tumaas na rin ang tubig. Tinanaw ko ang paligid at nakita ang iba kong kabarangay na humahangos pabalik sa evacuation center. Napailing ako, malayo na ang narating ko para matakot pa. Hinanda ko ang sarili sa paglangoy dahil hanggang dibdib ko na ang baha’t hindi ako biniyayaan ng tangkad. Hindi na ko nagulat dahil sobrang lapit na ng aming bahay sa ngayo’y umaapaw na ilog. Kahit malakas ang ulan, sinikap kong makarating at buksan ang pinto, agad kong pinuntahan ang aking kwarto’t natanaw ang laptop at modules na nakalagay sa bag ko sa taas ng aking kabinet. Matapos ang ilang pagtatangka, naabot ko rin. Mabuti naman at hindi pa gaanong nabasa.

Inangat ko sa ulunan ang nakuha kong gamit at lumakad na ulit palabas pero noong isang metro na lamang ang kailangan kong tawirin, biglang bumulwak ang tubig. Yumanig ang buong bahay at wala na akong nagawa kung hindi umakyat papunta sa bubong — mahirap na kung matabunan o mahulugan ako ng mga kasangkapan. Hingal na hingal kong hinila ang sarili ko pataas.

Nakaligtas ako. Hindi nangyari sakin ang nangyari kay Tatay.

Napahagalpak ako ng tawa. Magsasaya na sana ako ng may mapansin akong parang lumulutang sa di kalayuan. Inaninag ko ito nang mabuti pero binawi ko rin agad. Sa kalagayan ko ngayon, dapat ay sarili ko lang ang dapat kong isipin, hindi dapat ako madala ng aking emosyon. Sinubukan kong iwaksi ang aking nakita sa isipan ngunit sa huli’y hindi rin kinaya ng aking konsensya. Ang hirap namang maging mabait, bulong ko sa aking sarili habang hinihintay na anurin sa pwesto ko ang bagay na iyon. Habang papalapit, napansin ko na pamilyar ang hubog nito, binalot ako ng kaba pero hindi ko iyon pinansin at inabot na lamang ang sa tingin ko’y bagay pero… tao pala? Nayanig ako sa napagtanto pero nawala rin agad dahil napansin kong patuloy na tumataas ang tubig. Delikado na baka tangayin kami ng kasama ko. Sinulyapan ko ang katawan sa aking tabi’t sinubukang gisingin.

Gising, gising, kailangan na nating magma-da — Huh? B-bunso?

Doon ko lang naintindihan kung bakit ganoon ang aking naramdaman — lukso ng dugo. Shit. Sa sobrang daming tumatakbo sa utak ko, hindi ko namalayan na nabitawan ko na pala ang bag ko. Hindi maaari, shit. Gamit ang kaliwang kamay, dahil nakahawak sa braso ng kapatid ko ang isa, pinilit ko itong abutin. Mahigpit ko itong hinawakan kahit pa lumiyad na ang katawan ko sa bubong nang biglang dumilim. Hindi ako makahinga. Sumisirko-sirko na ang paningin ko. Tila naging laruan akong hinahampas- hampas sa kung saan.

Tulong! Tulong! Sinubukan kong sabihin ngunit binubusalan ako ng tubig o ng kung anu- anong bagay. Hindi maari, nalulunod ako! Nagpumiglas ako, pinilit kong igalaw ang aking mga kamay at paa ngunit tinatakasan na ako ng lakas. Rumagasa na naman ang tubig — tumilapon ako, tumama sa kung saan-saan, at sa pagkakataong ito, hindi na ako nakalaban.

Hindi! Pilit kong isinisigaw sa abot ng aking makakaya kahit tiyak na wala nang makakarinig pa sa mga salitang lumalabas sa aking bibig, na pinapasok na ng tubig na may halong putik. Bunso! Mahina ko na itong nasabi habang sinusubukang habulin ang aking hininga at kumawala sa paghila sa akin ng baha, pailalaim. Tatay! Huli kong naisambit bago ako tuluyang lamunin ng kadiliman.

Akala ko matatapos na ang lahat kapag sinimulan na akong yakapin ng kadiliman. Para siyang si Papa na ang higpit ng yakap. Nakagagaan ng loob. Teka, hindi pala. Masyado nang mahigpit ang kapit niya. Nararamdaman ko ang tila pagpisil niya sa aking baga na siyang dahilan ng paghabol ko sa aking hininga. Tama na! Ang pagdikdik sa aking puso’t bungo at ang pagbalikuko sa aking kalamnan habang tinatanggap nito ang mga hampas ng mala- trosong bagay. Wala akong makita. Hindi ako makahinga. Ayaw kong matapos ang lahat dito. Parang awa mo na.

Naalimpungatan ako nang walang tigil akong alugin ng aking ina. Binangungot lang daw siguro ako. Sa loob-loob ko naman, buti na lamang at hindi totoo ang mga pangyayari. Hindi pa ako handa, ayaw ko pang mamatay dahil nangako akong pagtatapusin ko pa ng pag-aaral si bunso. Napansin kong kaiba nga ang naging bagyo ngayon. Masyado na kasi kaming nasanay na binabaha’t nasisira ang aming tirahan taun-taon dahil sa pag-apaw ng ilog. Siguro’t sanay na rin kaming mamatayan. Ngunit mukhang mas magiging malubha ang pag-ulan ngayon, parang, katulad niya ‘yung bagyo noong nasa elementarya pa lamang ako. Masyado ring malakas ang paghampas ng hangin.

Sa isip-isip ko, ang tagal na pala ng pangyayaring iyon. Habang tahimik naming pinakikinggan ang pagkalampag at panginginig ng yero ng evacuation center, biglang nawalan ng kuryente. Hindi pa naman namin kailangang mag-panic at magsindi ng kandila dahil wala rin naman itong silbi, mamamatay lamang ulit ito.

Ngunit hindi sa hagupit ng bagyo ako kasalukuyang nababagabag. Ganito ang nararamdaman ko kung may nakakalimutan — tangina, yung laptop at modules ko. Sinulyapan ko ang aking nanay kung nakatuon pa rin ba sa akin ang atensyon niya. Ayos, hindi na. Dali-dali akong lumayo sa evacuation center. Tumingin ako sa kalangitan at mukhang hindi na masama. Magiging mabilis lang naman siguro ang pagkuha sa aking mga gamit. Saglit lamang talaga, ni hindi nga siguro mapapansin ni Nanay na nawala ako.

Nahagip ko ang orasan sa may loob ng isang klasrum, alas singko y media na pala ng gabi. Weird. Pamilyar yung oras para sa akin pero ipinagpawalang bahala ko na siya; mahirap na, baka abutin pa ako ng dilim sa daan. Hindi pa man din ako nakakalayo nang bahagya sa aking paglusong nang may nakasalubong akong matandang babae, si Aling Gloria. Bigla akong nakaramdam ng panlalamig at pananayo ng balahibo. Ito mismo ang mga nangyari sa simula ng aking bangungot. Pero, masamang panaginip lang naman iyon, hindi ba? Imposible namang maulit ito sa totoong buhay.

Masyado nang malayo ang sinuong ko para matakot pa. Dahil hindi naman ako katangkaran, napilitan akong lumangoy sa ga-dibdib na baha para kunin ang aking bag sa itaas ng aming kabinet na naglalaman ng aking laptop at modules. Sakto’t kamalas-malasan, pagkakuha ko ng aking pakay sabay namang rumagasa ang tubig papasok ng aming bahay. Wala na akong magagawa kundi umakyat sa aming bubungan, sa takot na matulad ako sa kapalaran ng aking Itay. Kung bakit naman kasi naisipan ko pang i-alay yung buhay ko para sa gamit kong pang-eskwela. Pero sayang kasi, ganito rin naman ang gagawin ng sino mang malagay sa posisyon ko; lalo na’t kandidato pa naman ako for Latin honors. Mahirap nang mapag-iwanan kahit na nasa sakuna. Hindi pa lumilipas ang ilang saglit, nakakita ako ng palutang-lutang na katawan, na mistulang bangkay, sa may di kalayuan.

Bagama’t labag sa aking konsensya, minabuti ko nang huwag nang paghirapan pang languyin ang katawan at naghintay na lamang sa kung ano man ang maging desisyon ng tadhana: kung aanurin ba siya papalapit sa akin, gaya ng nangyari sa panaginip ko, o sa ibang direksyon na lamang siya patutungo. Tila tumigil ang daloy ng dugo sa aking katawan nang makitang papalapit ang naturingang bangkay na nga… ang aming bunso? Biglang naguluhan ang diwa ko kung saan ba ako mas maninigas sa kaba: na may bangkay sa aking tabi, o ganito mismo ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari sa aking panaginip? Kung totoo man, kahit gaano kakatwa ang huli kong akala, ibig sabihin mamatay na lang rin ako sa dulo nito. Maliban na lamang kung, iiwasan kong magkamaling ulitin ang mga nasa bangungot ko.

Pinabayaan ko na lang na anurin ang aking laptop gawa ng mas hindi kakayanin ng budhi ko na matagpuan na lamang sa kung saan ang bangkay ng aking kapatid. Mainam na ako na lamang ang magdala sa kanya kina Nanay. Ano nga ba ang susunod na mangyayari? Naghanap ako ng mas matibay-tibay na maaakyatang puno upang maabot ko ang bubong ng aming kapit-bahay. Balita ko hindi rin planong magsilikas ng mga nakatira rito; baka naman makahingi ako ng tulong.

Huminga ako nang malalim nang makailang beses. Ito na, hindi ako mamamatay. Inuna kong i-akyat nang dahan-dahan sa may pinakamalapit na sangang maaabot ko ang bangkay ng aking kapatid; sinunod ko naman ang aking sarili. Ilang mga akyat pa, hingal at ngalay na ngalay kong narating ang pinakamataas na sanga ng punong ito. Siguro naman, hindi na kami maaabot ng tubig dito. Ito na ang pinakamataas na puno sa lugar malapit sa amin. Habang nangangatog at windang sa pagkamatay ng aming bunso, pinagmasdan ko ang daluyong ng burak at kung ano pang basura na paparating sa aming barangay. Mukhang alanganin din ang magiging lagay ng evacuation center kung magpapatuloy ang malalaking pag-agos. Tiwala naman ako na hindi kami madadali sa kinalalagyan namin ngayon, dahil ito na ang pinakamatayog na puno sa aming lugar.

Ngunit, nakalimutan kong isaalang-alang ang lakas ng hangin. Sa kung ano pa mang sumpa ng mga diyos sa akin, biglang napatumba ang puno — at nagising akong muli.

Maiyak-iyak at hindi ako mapakaling niyakap nang mahigpit si Nanay na katabi ko sa aking muling pagkagising. ‘Nay, patay na si bunso. ‘Nay patay na rin ako. Syempre, hindi siya naniwala sa sinabi ko dahil ika niya, kabaliktaran naman ang nangyayari sa panaginip o bangungot at ang nangyayari sa totoong buhay. Pinakalma nila ako at ilan pang sandali, hindi ko napigilan ang biglang paglitaw sa aking isipan ng aking laptop at modules.

Pinaalalahanan ko na ang aking sarili na mamamatay rin lamang ulit ako; pero, hindi ko alam kung bakit parang may tumutulak o kumokontrol sa akin na isugal muli ang aking buhay. At hindi na nga ako nakapiglas pa sa puwersang nag-uudyok sa akin na pumutok sa silakbo dulot ng nakalimutang laptop at modules, at maisampal sa aking paningin nang paulit-ulit ang wala nang buhay pang katawan ng aking kapatid. Pagod na pagod na akong gumising nang paulit- ulit. Ilang beses na akong nabigo na mailigtas ang dalawang makabuluhan sa aking buhay ngayon.

Sa ikatlong beses. Sinubukan kong huwag na lamang munang kunin ang aking laptop at modules at hinintay ang oras kung kailan ko makukuha ang aming bunso. Kahit na madali kong nahagilap ang aking kapatid at nakapunta agad sa medyo mababaw na parte ng baha; nang bigla akong mistulang hinigop pabalik ng baha at nalunod muli. Namatay ako.

Sa ikaapat na pagbalik. Sinubukan kong tumigil na lamang sa punto na kung saan nakatagpo ko si Aling Gloria. Ngunit hindi niya lamang sinabi na baka maulit ang naging trahedya na noong kabataan ko — binulungan siya mismo ng aking pumanaw na ama na isasama na niya kami ni bunso, sa kabilang buhay. Hindi pa lumalaon ang ilang oras habang sinusubukan ko nang bumalik sa evacuation center sa takot at pag-asang matatapos na ang siklong ito, biglang tumaas ang lebel ng tubig at nanigas ang aking katawan. Hindi ko na siya maigalaw ni subukan man lamang ilangoy. Namatay na naman ako.

Sa ikalimang pagtatangka. Sinubukan kong huwag na lamang umalis sa evacuation center; nang biglang lamunin kaming lahat ng dambuhalang baha, nang hindi namin lahat inaasahan. Lahat nakaligtas, pwera sa akin.

Sa ikaanim, sobrang hindi ko na kinaya ang pagkamuhi ko sa mga pangyayari. Hindi ko na rin alam ang mga ginagawa ko. Hindi ko na rin mawari kung dapat pa ba akong kumilos o ano dahil mamamatay rin lamang naman ako. Ay hindi, teka — bakit hindi ko subukan na lumayo-layo sa pagiging adik sa putanginang laptop at modules at humanap ng mas malikhaing paraan para makasama si bunso at si Tatay, tutal mamamatay rin lamang naman ako. Humanap ako ng malaki-laking tipak ng bato sa evacuation center. Ipinukpok ko ang aking ulo rito. Masakit siya sa unang beses ngunit ano pa ba paunang sakit, sa paulit-ulit na panggagago sa akin ng bangungot na ito? Nilakasan ko pa ang sumunod na beses. Ayos, nakakaramdam na ko ng pagkahilo at kaunting pagdurugo. Pinaka nilakasan ko ang ikahuling beses hanggang sa napapikit na lamang ako na may sumisigaw na babaeng takot na takot.

Napasigaw, napatawa at napaiyak ako sa ikapitong beses na nagising ako. Nasermunan ako ng aking nanay sa aking tabi nang bigla kong naibato ang pinakamalapit na gamit sa akin at sa kasamaang-palad ay natamaan siya. Syempre, hindi pa rin effective ang ginawa ko bago ang bahaging ito. Paano kung hindi lang pala dapat ako yung magdusa sa lahat nang ito? Paano kung isama ko na rin ang nalalabing miyembro ng aming pamilya, baka ito ang sagot? Masaya naman sigurong mamatay kapiling ang aking mga mahal sa buhay. Swerte na lamang at mayroon kaming naitabing rodenticide, na-trauma na rin siguro ang nanay ko na puro ngatngat ng mga peste yung gamit namin kahit saang lupalop pa kami mapadpad. Malay ko ba na may iba pa pala akong paggagamitan nito. Nilagyan ko ng ilang patak, habang wala pang nakatingin, ang bawat ayudang pagkain na mayroon kami. Naghintay pa ng mga ilang sandali, at sabay-sabay naming ninamnam ang ulam na hatid ng pahirap na “panginoon.”

Sa ikawalo, hindi pa rin natapos ang lahat. Wala rin silang ala-ala na pinatay ko na sila. Bakit ba kasi ako lang ang kailangang magdusa ng lahat ng ito? Bakit hindi na lang yung isa kong kapatid, o yung kapitbahay namin na mayaman? Bakit hindi si Aling Gloria? Bakit hindi na lamang yung iba? WALA NA KONG MAISIP NA GAWIN. PAGOD NA PAGOD NA AKO SA PUTANGINANG SISTEMANG PAULIT-ULIT NA ITO. Baka yung evacuation center ‘yung malas? O baka ako lang talaga?

Oo, ako nga siguro ang may problema. Baka kapag nagkahiwa-hiwalay na ang aking katawan saka pa lamang malilito ang mga tala sa kung sino ang simpleng taong paulit-ulit nilang pinapatay. Bagama’t tila natatakot na ako sa ideyang nakatampok sa kaibuturan ng aking isipan, kailangan ko pa bang pangunahan ng takot kung walong beses na kong paulit-ulit na binubura. Kailangan ko lamang pag-igihan ang pagkakabura.

Bago ako umalis sa evacuation center at pumatak ang alas singko y media sa orasan, kinuha ko na ang pocket knife sa may bulsa ng aking bag. Dali-dali akong tumakbo papunta sa medyo mataas-taas at hindi pa binabahang sementadong kalsada sa may lugar namin kung saan may mga sasakyang nagsisidaanan pa. Sunod ko namang sinubukan ang talim ng kutsilyo na aking bitbit sa pamamamagitan ng paghiwa ng bahagya sa balat malapit sa aking pulso. Dumugo, ayos.

Habang mas lumalakas ang pagbuhos ng ulan, at paghagupit ng hangin, alam kong mas nagiging mahirap para sa mga motoristang makita pa kung ano ba ang kanilang dinadaanan. Naghintay ako ng ilang sandali pa para matiyempuhan ang talagang pagdilim ng kapaligiran. Huminga nang malalim at ngumiti. Matatapos din ito. Humiga ako sa puwesto sa bangketa kung saan kalahati ng aking katawan ay nasa ligtas na posisyon pa; habang ang aking binti hanggang paanan ay nakalantad sa mga sasakyang kumakaripas kahit na sa gitna ng delubyong ito. Tandaan mo, hindi dapat matatapos ang lahat ng ito nang may tira-tira pa.

Ikasiyam…. natakpan ng dumadagundong na kulog at ulan ang sigaw dahil sa sakit na biglang lumabas mula sa aking bibig. Naputol na ang aking binti nang may dumaang sasakyan na hindi na nakaramdam sa nadaanan niya. Nagsimula nang maging pula ang aking paligid. Hindi na rin ako makahinga. Ayos, mawawala rin ang sakit nito. Hindi ko na sinayang ang ilan pang oras bago pumatak ang minuto sa aking panaginip kung saan umakyat ako sa bubong para sa aking kaligtasan. Gamit ang maliit na pocket knife, diniinan ko pa ang sugat sa hiwang ginawa ko na kanina.

Paunti- unti. matatapos din ito. Ito na lamang ang pwede kong magawa para matapos na ang mas matinding sakit na makitang paulit-ulit ang pagkawala ng lahat. Hanggang sa mahiwa ko na ang aking kaliwang kamay. Hindi ko naman magagawang ihiwalay pa ang aking kanang kamay. Kaya naman tinadtad ko ng hiwa ang aking mukha na tila bang binalatan ko na siya dahil nahihirapan at nangangalay na ako sa aking ginawa. Nauubusan na rin ako ng hininga.

Ikasampu… oras na para matapos ang lahat ng ito. Itinapat ko na ang kutsilyo sa aking lalamunan at —

Wala.

Nagising akong tagpi-tagpi ang aking katawan.

Pasok ka na naman sa next round Mr. President. Kumusta naman po ba ang game, masaya po ba? Masaya po ba na paulit-ulit na dumaranas ng hirap ang iyong player? Pero mukhang okay naman na sila, hano, Mr. President? Magiging bagong character lang ulit sila sa next game; aba’y hindi ‘yan makararanas ng hirap. Sanay iyan oh, tingnan mo, sirang-sira na ang katawan niya pero sige pa rin.

Iba talaga kapag Pinoy ang piniling player hano Mr. President? Ibang klase ang tibay.

--

--

The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.