KULTURA | ‘Tay, Panagutan mo si Pepe
Ikalawa sa Tatlong Isyu ng GIMBAL: Antolohiya ng mga Istoryang Lulan ng Bagyong Ulysses
nina Sophie Echivarre at Mikaela Santillan
MALALIM NA ANG GABI, TAHIMIK ang lahat maliban sa walang tigil na pagkulog at pagkidlat. Sa isang barong-barong ay matatagpuan si Salinpipi. Isang dalagang nagbubuntis at nagbabadya nang manganak, ngunit siya’y nag-iisa at lubos nang nababalisa sa tila paparating na delubyo. Hindi nakarating sa kaniya ang balitang kailangan nang lumisan noong umaga, sapagkat buong araw ay napako si Salinpipi sa kaniyang kama, lubos na nanghihina sa malubhang sakit at hindi makatawag ng tulong mula nang pumutok ang kaniyang panubigan. Sa kabila nito ay hindi pa rin umuuwi ang kaniyang asawang inaasahan niyang sasagip sa kanila. “Drigo, nasaan ka na ba?” mangiyak-ngiyak na pagtawag ni Salinpipi habang mahigpit na tanan ang tela ng kaniyang bistida na basa ng pawis at namantsahan na ng dugo mula sa kaniyang sinapupunan.
Mababakas sa mukha ni Salinpipi ang dating nakabibighaning ganda na mistulang ninakaw na ng paglipas ng mga panahong puno ng pagsubok at trahedya. Sa gitna ng kaniyang takot ay inalala ni Salinpipi ang mga panahon ng pagsasama nila ni Drigo.
Apat na taon na mula nang una siyang awitan ni Drigo ng matatamis na pangako ng bagong buhay noong mga panahong siya ay sawi pa rin sa mapapait na alaala ng mga nakalipas niyang kasintahan. Hindi nagtagal ay nagtanan sila at sa panandalian ay nakuntento si Salinpipi sa mga salita ng bago niyang pag-ibig.
Sa paglipas ng mga taon, hindi maitatanggi ni Salinpipi ang tila paulit-ulit na pagkakasala sa kaniya ni Drigo — pambababae, ilegal na droga, maging pagpapaslang — ngunit sa ngalan ng pag-ibig ay paulit-ulit niya rin itong pinatawad at tinanggap dahil naniniwala siyang para ito sa ikabubuti ng kanilang pagsasama.
Ngunit nang si Salinpipi ay tuluyan na ngang nabuntis, laking gulat niya nang tila hindi ito nagustuhan ni Drigo. Ayaw daw ni Drigong “lumago pa” ang kanilang pamilya dahil dagdag gastusin lamang ito sa kanila. Iniwan ni Drigo si Salinpipi, at ikinulong mula Marso hanggang Nobyembre sa bahay upang hindi na pakialaman pa ang kaniyang sanggol.
Sa katotohanan ay marami nang inanakan si Drigo kaya isanasantabi niya si Salinpipi. Nariyan si Bongga na laging nakaaligid sa kaniya, si Sinasa na tila wala sa sarili, at siyempre si Roka, ang tsismosa nilang kapitbahay. Ang pinakamalapit ay si Jinpa na singkit ang mata at marami sa mga anak nito ay nakasalamuha ni Salinpipi noong Enero. Lingid sa kaalaman nila ang malubhang sakit ng mga anak ni Jinpa kung saan nahawa si Salinpipi.
“AAAAAAAAAAAAAAAAAH!” Sigaw ni Salinpipi na muling nabalik sa kinahaharap niyang realidad nang maramdaman ang sobrang kirot sa kaniyang sinapupunan. Kasabay nito ay ang malakas na pagbuhos ng ulan at sa bagsik ng paghampas ng hangin ay natangay na ang magaang na yero ng kaniyang munting tahanan. Basang-basa na si Salinpipi, lubos na tumatangis, at tila naliligo na sa sarili niyang luha.
Dahan-dahang binuksan ni Salinpipi ang kaniyang mga mata, patuloy ang pagpatak ng tubig sa kaniyang paligid at tila dinuduyan siya ng mga alon sa dagat. Pinilit ni Salinpipi na maupo at sa kaniyang pagkakatindig ay tumambad sa kaniya ang perpektong imahe ng mga damdamin ng pagkakalunos at malalim na malalim, napakadilim na pighati. Siya ay nakaupo sa kaniyang kama na lumulutang sa mistulang dagat ng malabnaw na putik, at sa gitna ng kaniyang mga binti ay ang kaniyang napanganak na sanggol, mistulang natutulog ngunit hindi na muli magigising pa.
“Hindi.” tulala at nangangatog sa galit, paulit-ulit na sinambit ni Salinpipi ang salitang ito. “Hindi.” Hindi sana mangyayari ito kung siya ay hindi iniwan ni Drigo sa simula pa lamang. “Hindi.” Hindi sana ito mangyayari sa kaniya kung hindi niya na tinanggap si Drigo sa simula pa lamang. “Hindi.” Hindi sana ito nangyari sa kaniya. Kung pwede lang, kung pwede lang ibalik ang nakaraan. Ngunit hindi, hindi na nga pwedeng baguhin ang nangyari na. Subalit sa kabilang banda, hindi, hindi rin ito dapat magtapos sa ganitong kalagayan. “Hindi, hindi ako papayag na makaalis siya nang ganoon na lamang.”
Sa di kalayuan ay natanaw ni Salinpipi ang isang pulang bangka, sakay nito ay walang iba kundi si Drigo na kasama si Bongga at iba pang kalalakihan. Nang makalapit sa kaniya, dinig niya ang galit na pagbubusa nito sa mga kasamahan sa bangka, “Kasalanan niyo ‘to eh mga p*t*ngina niyo! Tingnan niyo nangyari sa anak ko, kanina ko pa kayo hinanap, waswasan ko kayo, alam niyo may pulong ako kanina kaya di ko mapuntahan.”
“Hindi,” wika ni Salinpipi. Napatingin sa kaniya si Drigo at ang mga kasama nito sa bangka. “Hindi sila, Drigo, ikaw. Ikaw ang Tatay na nawala sa panahon na kailangan ka ng anak mo. Iniwan mo kami kaya panagutan mo, “Tatay,” panagutan mo si Pepe.”
“Anong pinagsasabi mo diyan, wala na ko magawa, nangyari na eh kasalanan nga ng mga p*t*ngina nito, alam mong hindi ako natutulog sa gabi, at hindi ako nawala-” “Oo nga!” naputol ang pagsalita ni Drigo sa sigaw ni Roka mula sa papalapit na bangka. “Salinpipi, hindi ka iniwan ni Drigo, alam mong ikaw lang ang mahal niya at lagi siyang nasa piling mo!” “At isa pa,” sapaw ni Bongga, “Paano naman mananagot si Drigo sa’yo, patay na si Pepe!”
“May paraan,” banayad ang boses ni Salinpipi ngunit sa lalim nito ay ramdam ng mga nakapaligid sa kaniya ang pagtayo ng kanilang balahibo, tila niyayakap sila ng nakakikilabot na lamig. “Bumaba ka sa kinatatayuan mo, Drigo.” pagtatapos ni Salinpipi.
“Hindi kita maunawaan, mahal, anong ibig mong sabihin? Lunurin ko ang sarili ko sa bahang ito?”
“Oo. Bumaba ka, akuin mo ang iyong mga pagkukulang at pagkatapos ay pagbayaran mo sa akin ang mga babaeng pinagtustusan mo noon. Ibibigay mo sa akin ang bawat piso na pinagkait mo sa akin lalo na nang pinagbuntis ko si Pepe habang ako ay nagkasakit at nakulong sa sarili kong bahay.”
“Hindi ko maintindihan, Salinpipi, ano naman mapala mo kung pagbayaran ko yon? Patay na nga si Pepe! Wala akong magawa!
“Mananagot ang dapat managot at magbabayad ang dapat na magbayad. Ang nawala sa nakaraan ay hindi na nga maibabalik, ngunit ang pananagutan mo sa kasalukuyan ang magtutulak sa akin upang makaahon nang lubusan sa hinaharap.”
“Bumaba ka na Drigo, mula sa kinatatayuan mo. Bumaba ka at magbayad. Bilang Tatay, panagutan mo si Pepe.”