KULTURA | ‘Wag Kang Lilingon
Una sa Tatlong Isyu ng GIMBAL: Antolohiya ng mga Istoryang Lulan ng Bagyong Ulysses
nina Joanna Honasan at Natalie Lüning
SA PANAHONG PINALILIPAS ANG MATITINDING bagyo, ako’y nababagot. Halos mawalan na rin ako ng pasensya kahihintay sa pagbalik ng kuryente, marahil ay nangingibabaw na ang kagustuhan kong makapag-wifi at makausap ang mga kaibigang nagyayayang kumain sa labas.
Sa pagkakataong ganito, wala akong ibang magawa kundi manood mula sa bintana at makipagtalo sa langit. Kung gaano kabigat ang pagbuhos ng ulan, ganoon din kalaki ang aking inis sa tagal nitong lumisan.
Higit pang lumala ang aking inip kinagabihan. Sa mga oras na ito, tanging ilaw lang mula sa nagliliyab na kandila ang nakikita ko. Isa, dalawa, at umabot pa sa isang dosena ang nasindihan, hindi pa rin tumitila ang ulan at patuloy pa rin sa pagdilim.
Sa bawat oras na dumaraan, wala na akong ibang magawa kundi manalangin, bagot na nakatingin pa rin sa bintana. “Papa Jesus, patilain mo na ang ulan! Gusto ko nang lumabas!”
Kinaumagahan, wala na ang bagyo at ang aking inis. Katunayan, lumusot pa sa uwang ng bintana ko ang maalinsangang sinag ng araw. Maaari na ulit akong lumabas at bumalik sa mga normal na kinagawian! Parang walang lumipas na delubyo, pagka’t wala naman kaming nasirang kagamitan at wala namang naapektuhang buhay.
Iniisip ko, pagkalabas ko ng bahay ay makikita ko ang mga mukha ng aking kababayang nasalanta rin ng bagyo. Natitiyak ko na kahit gaano pa kalakas ang ulan at kahit pa malunod sa baha ang buong bayan, makakabangon muli ang mga tao rito. Sa taunang gawi na pag-aabang sa pagdalo ng mga bagyo sa aming bayan, naging parte na ito ng kwentong katatagan sa harap ng anumang problema.
Yan ang bayan ko! The Filipino people are resilient and can go through anything, ika nga.
Habang nilalakbay ko ang lubak na daan patungo sa bayan, nakapagtataka na halos walang taong makita sa paligid. Sa mas maiging pag-obserba, napansin kong nakulayan na ng putik ang aking puting sapatos at sa pagtingala ko sa mga nasirang bahay, halos putik na rin lamang ang makikita rito.
Nang pabalik na ako sa bahay, may nakita akong isang matanda. Halos makipagtitigan ako sa kamatayan nang makita ko ang mata nitong puno ng pagdadalamhati. Nanginig ang buong katawan ko. May dala itong balde at pala na gagamitin upang tanggalin ang tambak ng putik sa ibabaw ng bahay.
“Tay, anong nangyari? Asan po ang mga tao?”
Tiningnan ito nang may halong pagtataka. “Hija, halika rito. Tulungan mo ako.”
Kataka-taka. Nang banggitin ito ni Tatay, tila pininturahan ng abo ang kalangitan kasabay ang biglaang paglamig ng ihip ng hangin. Uulan na naman ba? Hindi pa nga humuhupa ang baha sa tabing-ilog at makapal pa rin ang putik sa mga kalsada. Kung uulan na nga, e bakit di muna sila mag-evacuate? Bakit ba nandito pa rin sila?
Hay! Alam na ngang bahain ang lugar, diyan banda pa sa delikado titira.
Sa sandali ring iyon ay kumurap si Tatay; mabagal na para bang mata ng isang bagyo, na siyang sinundan ng… mamula-mulang pagkislap? Pula… puti — ha?
Bago pa man ako makapagtanong, naunahan na ako ng pag-ihip muli ng malamig na hangin. Dapat pala nagdala ako ng jacket. Wala na ang nakakairitang sikat ng araw na tumutusta sa aking balat kanina, kaya naman tumayo pa muna ako sa tabi ni Tatay para makipag-kuwentuhan.
“Bakit pa ho kayo andito? Bakit hindi kayo lumikas?”
Lumalakas muli ang hangin, na para bang ako lang ang pinaroroonan nito. Dagliang kumalabog ang puso ko nang biglang lumagapak pasara ang bintana ng aking kwarto. Pumagaspas palayo ang mga ibon; nagsayawan ang mga sanga ng puno namin. Nagliparan muli ang mga naputol na sanga dahil sa bagyo. Sa bawat segundong lumilipas, lalong nagdidilim ang langit.
Naputol ang patay na tingin ni Tatay sa bandang tagiliran ko, bago siya malamlam na ngumiti sa akin at nagpatuloy sa pagpala ng natitirang putik. Tumalsik muli ang putik ng lubak na kalsada sa puti kong sapatos, dahilan upang mapayuko ako at punasan ito.
Ano ba yan! Ba’t ba kasi ako nagsuot — huh?
Pagtingin ko sa aking paanan, nakahanay ang hindi mabilang na kamay na nagmumula sa putikan. Naramdaman ko ang mahigpit na pagkapit ng isang kamay. Kahit anong pilit kong pagtanggal dito, ay mas lalong dumidiin ang kapit. “Tama na, bitawan nyo ako!” Gusto kong tumakbo, ngunit bakit ang daming lumilitaw na kamay?
At saka… bakit may mga pulang mata na nakatitig sa akin? May bigla pang sumigaw; nanghihingi ng saklolo!
Pula… puti… pula… puti, kumikislap ang patay nilang mga mata mula sa maputik na baha sa tabi ko. Matalim ang tingin nila sa akin, nakikipagtitigan sa nanginginig kong mga mata, kasabay ang pag-angat ng sari-saring mga kamay. Umakyat ang kaba sa aking ulo, tila ba kumakabog din ito sa pagkalito.
“‘Tay!” bulyaw ko, humihingi ng tulong kay Tatay, ngunit balewala lang ito. Mga mata ang bintana tungo sa kaluluwa ng tao, at ngayong nakatingin ako sa mata ni Tatay, dama ko ang poot na kumukulo mula sa kaibuturan ng kaniyang puso.
Garalgal siyang tumangis, “Hija… huli na. Hindi dumating ang abiso!”
At sa sandaling iyon, lalong kumalat ang kaba sa aking dibdib nang biglang matunaw ang hapo niyang pigura at naging putik — tulad ng putik na puno ng pulang mga mata at mga kamay na humihingi ng saklolo. Nagpanting ang tenga ko nang binulahaw ako ng sari-saring mga boses, mga tinig na puno ng hinagpis at desperasyon, makalaya lamang sila sa pagkakakulong sa putik.
Ito nga siguro ang bintana sa kabilang mundo. Nasa tabi ko ang mundo ng mga patay, ang mundo ng mga taong napaaga ang pagbalik muli sa alabok at putik nang sila’y bawian ng buhay dahil sa bagyo.
Desperadong silang humingi ng tulong, ng kasagutan, ng hustisya, sabi pa nila — at habang nasasaksihan ko ito, lalo lamang lumalakas ang paghatak nila sa aking kamay, damay na rin maging ang aking mga binti, at kalauna’y ang aking buong katawan. Walang humpay ang pagtulo ng aking mga luha habang nilalabanan ang kanilang puwersa, ngunit mas makapangyarihan ang pinagsama-samang pagsusumamo nila.
Ramdam ko ang unti-unting paglamon ng putik sa aking katawan, ang desperadong pagkapit ng mga kamay sa aking mga braso. Ibinuhos ko ang lahat ng aking lakas sa pagsigaw habang nakalingon sa aming tahanan, nakikiusap sa langit na sana, may dumating na saklolo. Ngunit balewala lamang ito.
Napagawi ang aking tingin sa bintana ng aking kwarto — may kalumaan ngunit malinis, ni wala man lang bakas ng putik na dulot ng delubyong nagdaan. Napakunot ang noo ko at tumaas ang aking mga balahibo nang may maaninag ako na di inaasahan; mula roon, kita ko ang repleksyon ng aking pigura. Kamukhang-kamukha ko ang babae sa kuwarto na nakatanaw sa delubyong sitwasyon ko. Siya’y bagot na bagot, naiinip.
Sa huli, nagtagumpay silang hatakin ako pailalim sa karimlan. At bago ako tuluyang lumubog sa putik, nakita ko ng huling beses ang sarili ko mula sa kwarto. Sa sandaling iyon, nakatitig na siya sa akin, nakaporma ang labi sa isang malademonyong ngiti habang kumikislap ang patay niyang mga mata.
“Patawad..patawad! Naiintindihan ko na! W-wala kayong kasalanan!”