Kung Paano Binubuhay ang Pag-asa sa Gitna ng Digma

The Manila Collegian
3 min readAug 25, 2024

--

ni Jermaine Angelo Abcede

Sa pinakamadilim na estero, sa paanan ng bundok, hanggang sa kuko ng liwanag ng mga lansangan ay nanunuot ang mga istoryang pinagdaanan na ng panahon. Ang mga istorya ng pakikibaka, kasaysayan ng tunggalian, at panawagan para sa lupa at nakakabuhay na sahod — bawat tagpo ay nakatatak na sa buhay at dugo ng bawat Pilipino. Sa pagdaluyong ng bansa sa iba’t ibang krisis, tumatagos ang mga istoryang ito at humaharap tayo sa digma ng pabago-bagong pulitikal at ekonomikal na klima. Sa panahong ito, malinaw at matingkad ang pangangailangan para sa mga pahayagan kagaya ng The Manila Collegian na mag-ulat, magmulat, at buhayin ang pag-asa.

Patuloy ang pagtaas ng mga presyo ng bilihin sa kabila ng kakarampot na sahod ng mga manggagawa. Mailap pa rin ang mga di makataong kondisyon sa paggawa, lalo na’t nanatiling kontraktwal ang mga Pilipino. Sa gitna ng krisis sa paggawa, ang itinutugon ng administrasyong Marcos Jr. ay pagpapapasok ng mga dayuhang kumpanya at pagpayag sa foreign investments sa bansa na magiging daan lamang para mas lalong gatasan ang likas na yaman at lakas-paggawa ng Pilipino, at panatilihing komersyalisado ang mga serbisyo sa bansa. Sagka ang mga ganitong pagpayag sa pagkamit ng tunay na kalayaan ng mga Pilipino.

Kinakaladkad ni Marcos Jr. ang bansa sa giyera. Sa pagiging tuta niya sa Estados Unidos at kawalan ng pangil upang matiyak ang kaligtasan ng mga mangingisda sa West Philippine Sea mula sa pandarahas ng Tsina, nalalagay sa alanganin ang soberanya ng bansa. Kailangang ipaglaban ng Pilipinas ang sarili nitong awtonomiya at pumiglas sa kapit ng mga imperyalistang bansa.

Sa kanayunan, patuloy ang laban ng mga pesante para sa tunay na reporma sa lupa. Patuloy ang pagpapahirap ng mga panginoong maylupa sa mga magsasaka at pangangamkam ng lupa ng mga burgesya komprador, Ipinagkakait ang lupa na dantaon nang sinasaka. Wala ring binibigay na tulong ang pamahalaan para mapaunlad ang mga paraan sa pagsasaka sa mga pinakaliblib na kanayunan, kaya hanggang ngayon, nanatiling atrasado ang sistema na ginagamit ng mga magsasaka. Hindi rin sila ligtas mula sa pambobomba at pagpapadanak ng dugo ng reaksyunaryong pwersa ng estado.

Hindi pa rin abot-kamay ang kalusugan sa maraming Pilipino. Marami ang namamatay araw-araw nang hindi man lang nasisilayan ang mga pagamutan. Marami ang namatay nang hindi man lang nabigyan ng pagkakataon na makainom ng gamot at mabigyan ng lunas. Sa halip na gamitin ang pondo ng bayan para paunlarin ang sektor ng kalusugan, binubulsa ito ng mga pinuno ng PhilHealth para sa kanilang sariling interes.

Maraming bilanggong pulitikal ang nasadlak sa piitan dahil lamang sa mga gawang-gawang kaso. Maraming aktibista na ang nawawala pa rin hanggang ngayon at hindi na naililitaw, pagkat sila’y tuluyan nang binusalan ng boses.

Kasaysayan na ang nagpapatunay na malagim ang sinapit ng mga Pilipino sa loob ng mahabang panahon. Bilang isang kampus pahayagan, kahingian sa The Manila Collegian na tumagos sa apat na sulok ng silid at itampok ang tunay na danas ng masang anakpawis. Masalimuot na ang sistema, kaya’t lalong dito dapat magmula ang kwentong isinisiwalat ng mga manunulat. Higit sa lahat, kailangang alamin ng mga makabagong peryodista ang konkretong karanasan ng mga Pilipino at irehistro ang hinaing ng mga batayang sektor, saan mang dako ng mundo sila mapadpad.

Kailangang buhayin ang pag-asa sa gitna ng digma. Kailangang mangingibabaw ang kagustuhan na baliktarin ang mapaniil sa sistema sa paniniwala sa kapangyarihang taglay ng mga panulat at papel, pagkat kasaysayan na ang nagsasabing kaya nitong baguhin ang kasalukuyang lagay natin. Dahil sa tibay ng puso na umuugat sa prinsipyong paglingkuran ang sambayanan, walang bala ng baril ang makakapagpayuko sa mga mamamahayag.

Ang editoryal na ito ay batay sa ibinigay na paksa: “…How should the Manila Collegian as an organization make critical sense of this socio-structural reality, taking into full account the emerging and re-emerging issues, dilemmas, and challenges in journalism praxis? As social and cultural provocateurs, how do you make sense and envision the future of campus journalism in the Philippines in general and in UP Manila in particular? Corollary to this, how should the campus press tackle and come to grips with this impending turn of complex events?” noong kumuha ng pagsusulit ang mga aplikante para sa susunod na punong patnugot ng pahayagan, Agosto 3.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet