Pagpapanibagong-bihis
Lakas ng Kabataan Laban sa Batas ng Pananamit sa Lipunan
ni Justine Wagan
Lahat tayo ay ipinanganak nang nakahubad — walang saplot, likas na asal, o angking paniniwala. Ang sabi nila, ang lipunang iyong ginagalawan ang magbibihis sa iyo ng mga ito. Ngunit ang hindi nila nabanggit, ang parehong lipunang ito rin ang tatapak at pipilit sa’yong hubarin ang bawat telang nakatahi sa tunay mong pagkatao.
Lulubog-lilitaw kung maituturing ang iba’t ibang grupo ng mga kabataang may iisang bihis. Una nang umusbong ang mga Jejemon, sinundan ng mga Hypebeast, at ngayon, sinasabing dumating na ang mga “estetik” bunga ng paglitaw ng grupong kung tawagin ay Geng Geng.
Iba-iba man ang gayak ng bawat henerasyong nagdaan, iisa ang naging pagtanggap ng lipunan sa kolektibong paghahayag ng sarili ng kabataan: matinding pagkamuhi at pangmamaliit. Kung tayong lahat ay ipinanganak na hubad at ang basehan ng respeto’t dignidad ay lagpas sa materyal na kasuotan, sino nga ba ang tunay na kamuhi-muhi? Sino ang tunay na may ipagmamalaki?
Bihis ng Lipunan
Ang lipunang ating ginagalawan ay lulong sa panlabas na kagandahan. Labis ang ating pagpapahalaga sa pisikal na anyo habang ipinagsasawalang-bahala ang esensya at kabuluhan. Ito ay lalo pang nagiging malala sa isang lipunan kung saan malaki ang agwat sa pagitan ng mga uri — marami ang nagdarahop, habang iilan lamang ang nagpapakasasa sa yaman.
Ang pamamayani ng mga kulturang ito ay naihahayag sa kung paano natin binibigyang pagpapahalaga ang mga materyal na bagay gaya ng pananamit, kung saan pilit na itinutumbas ang respesto sa antas ng karangyaan at kakayahan. Ito mismo ang nagluwal sa mga grupo ng mga kabataang kung bansagan ay mga Jejemon, Hypebeast, at Geng Geng.
Pilit mo mang isuka, hindi mo maipagkakailang minsan ka nang naging Jejemon. Dati kang adik sa tokong, jejecap, at damit na tinatakan ng ‘Never Give Up’ habang ang mukha’y may tatlong-daliring pulbo at nagmimistulang puffer fish kakanguso sa Retrica.
Makalipas ang ilang taon, ang panibagong henerasyon ng kabataang sumunod sa yapak ng mga Jejemon ay tinawag na Hypebeast. Sila ang mga todo kanta sa ‘Hayaan Mo Sila’ ng Ex-Battalion habang naka-bucket hat, hapit at de-tastas na pantalon, jacket na may fur kahit tirik ang araw, at long socks na parang nilalagnat.
Kamakailan, naging usap-usapan ang sinasabing panibagong bersyon ng mga nagdaang grupo — ang mga tinaguriang Geng Geng. Sila raw ang mga “estetik” ang OwOwTedi (OOTD). Fashion forward na kasi ang mga ito: madalas naka-puting polo, neck tie, mahabang palda o ‘di kaya’y baggy pants na kadalasang ibinabalandra sa kanilang mga DIY photoshoot.
Iba-iba man ang mga naghaharing estilo ng pananamit kada henerasyon, may mga bagay na kailanma’y hindi magbabago. Ito ang likas na lakas ng pagkatao ng kabataan sa kabila ng paulit-ulit nilang pagharap sa pangungutya at pangmamaliit ng lipunan.
Estilo at Elitismo
Ang pamumukol ng tao sa mga kabataang kabilang sa grupo ng mga Jejemon, Hypebeast, at Geng Geng ay walang ibang pinag-uugatan kundi elitismo.
Ang estilo ng pananamit ng mga grupong ito ay hango sa mga nauusong moda ng mga mayayaman. Ang tanging pagkakaiba ay ang sa mga kabataan, karamihan sa mga ito ay binili sa mga lokal na palengke, tiangge, o murang bilihan online. Bukod rito, mapapansin na ang mga kabataang ito’y karaniwang naglalagi sa mga pampublikong lugar gaya ng parke, pasyalan, at, higit sa lahat, mga mall — mga espasyo kung saan tradisyunal na inaasahang mayayaman lamang ang nakikita.
Mula rito, lumilitaw ang katotohanang ang pangungutya sa mga kabataang kabilang sa mga nasabing grupo ay hindi lang upang maliitin ang kanilang estilo ng pananamit, kundi para ingudngod sila pailalim sa kinabibilangan nilang mababang uri sa lipunan.
‘Ang baduy naman!’ Nagsisimulang umalma ang mga mayayaman kapag ang marangyang pananamit at pamumuhay na kanilang kinagisnan ay tila nababahiran ng kababaang-uri. Gusto ng mga nakatataas sa lipunan na ireserba sa kanilang hanay ang karangyaan at pagiging astig o ‘cool’ kumbaga, kaya’t hindi nila kailanman tatanggapin maabot ng mas nakakababa ang kanilang estilo.
Dahil ang estilo ng pananamit ng mga nakatataas sa lipunan ang akmang ginagaya ng kabataan, masasabing ang mga mayayaman ang mga orihinal na Jejemon, Hypebeast at Geng Geng. Sila ang mga nauna ngunit tumiwalag nang lumaganap ang sistemang pinoproteksyunan nila. Kumbaga, sila ay mga konserbatibong pangkat na may pagka-matapobre at ang tanging pagkakakilanlan ay ang hindi pagkakabilang sa nasa laylayan.
Gayak ng Kabataan
Anuman ang gayak na umuso sa bawat henerasyon, mapapansin ang isang bultong laging masisilayan: mga kabataang sama-samang naglalagi sa mga lansangan at pasyalan, bitbit ang kanilang natatanging pagkakakilanlan at pinagsasamahan.
Repleksyon ito ng kultura ng pagiging kolektibo nating mga Pilipino, partikular na ng mga kabataan. Pariwara o panggulo man sa paningin ng iba, ang pagsasama-sama ay ang natatanging paraan ng kabataan upang humanap ng pagtanggap at kakampi sa mundong madalas silang isinusuka.
Ito rin ay salamin ng mas malawak na usapin ng hidwaan ng uri sa lipunan. Tulad ng mga kabataang ito, hindi mag-aatubiling magsama-sama ang masa upang bumalikwas laban sa sistemang patuloy na isinasantabi sila. Sa harap ng agresyon at mga agwat, panghahawakan nila ang kanilang sariling pagpapasya upang bumuo ng lipunang tumatanggap at kumakalinga sa kanila.
Sa patuloy na pagpapanibagong-hubog ng lipunan, nagpapanibagong-bihis ang kabataan upang sumabay sa agos ng paglaban. Nakatala na sa kasaysayan na hindi lang sa pormahan at mga gimik naisasapraktika ng kabataan ang kanilang kolektibong lakas, bagkus ito ay matagal na nilang ipinapamalas sa mga kilusang nagtatampok ng mga isyung panlipunan.
Hangga’t taglay ng kabataan ang likas na sigla ng isip at pangangatawan, magpapatuloy ang walang pag-iimbot nilang pagtuklas sa mga alternatibong hahamon sa anumang porma ng pananamantala at pagsasantabi — sa usapin man ng porma o sa mas malawak na usapin ng mga makamasang reporma.