Lakbay
ni Janine Liwanag
Saksi ang mga lansangan ng Maynila sa kasaysayan hindi lamang ng Pilipinas, kundi pati ng bawat Pilipinong kahit minsan lang ay napadaan sa lungsod na ito — mula sa pag-aaral ni Jose Rizal, hanggang sa kasalukuyang estado ng Unibersidad ng Pilipinas na dito nagmula.
Umuusbong din sa mga kalye nito ang iba’t ibang uri ng pagmamahal na siyang nagpapalaya sa mga tao rito. Ngayong Pandaigdigang Araw ng Panulaan, basahin ang ilang kwentong dala ng siyudad na hindi matatagpuan sa anumang aklat.
#WorldPoetryDay
I. Padre Faura
Una kitang nasilayan sa mahabang pasilyo;
sa gitna ng ospital na nalagpasan ang iba’t ibang giyera,
minarkahan ko agad ang petsa bilang bahagi ng ating kasaysayan.
Isang upuan, isang titik ang pagitan
ngunit hindi ko pa rin nakuha ang iyong pangalan.
Nang masalubong kita sa Rizal Hall,
napagtanto ko na hindi naman pala ganoon kalayo
ang Pedro Gil sa Padre Faura;
kahit kilometro pa ang lakbayin araw-araw
nang masulyapan lamang kita.
Sa kalagitnaan ng unang semestre,
nang minsang ayaing kumain sa Bocobo
noong natagpuan kitang muli;
kaibigan ng kaibigan — at sa isang tinginan,
biglang napalapit ang ating dalawang mundo.
Ito kaya’y manatili hanggang dulo?
Sa sumunod na araw ay nagpahula agad ako
sa mamang lagi kong nadaraanan sa tapat ng DOJ,
para malaman kung kasama ka ba sa aking kapalaran
at hindi niya ako binigo.
Dinamayan mo ako sa mahahabang gabi ng pag-aaral
at pinagsaluhan natin ang munting almusal bago magklase;
samantalang ang grupo ng magkakaibigan
ay lumiit nang lumiit sa bawat pagkikita.
Ang mga talaarawan ay napuno
at mga katawan ay napagod,
subalit ikaw ay nanatili.
Pasado nga ako sa Math 11,
sa pagsusulit ng KAS 1 naman ako nahirapan,
dahil sa mahabang listahan ng petsa at bayani na kailangang isaulo,
palibhasa’y pangalan mo lagi ang tanging naalala ko.
Sa wakas, tapos na ang unang mga buwan ng paghihirap;
naiiyak na ang dapat iiyak, naipasa na ang dapat ipasa,
nakuha na ang dapat makuha — nakuha na kita.
Ang dalawang mundo ay naging iisa,
at ang kaibigan ng kaibigan
ay naging bahagi ng aking kasalukuyan.
II. Pedro Gil
Kung samot-sari ang tao rito sa siyudad, samot-sari rin ang mga damdamin ko para sa Maynila. Umaalab, namamatay. Makulay tulad ng dapithapon sa Dolomite Beach, nagmimistulang abo tulad ng nalalanghap kong yosi sa tapat ng eskwela. Ang pagtawid ng kalsada’y nagiging larong patintero, at ang bawat araw tila’y habol-habulan. Kahit ilang buwan, ilang taon ang lumipas, narito pa rin sa kaibuturan ko ang batang babae na kailan lamang ay pinangarap makarating dito. Minsan ay hindi ko siya mahanap. Minsan nama’y hindi ko siya matakasan.
Sa gitna ng kaguluhan, naroon ka. Ikaw ang kalaro sa taya-tayaang salitan ng paghatid sa susunod na klase, ikaw ang ka-pares sa Pinoy Henyo ng haynayan. Kapag petsa de peligro na at bente na lang ang mayroon ako, naaalala kong katumbas din ito ng sampung tig-dos na malunggay pandesal na ibinebenta sa tapat ng Calderon; apat kung may keso. Hindi ko na masasagot ang pamasahe mo, pero maaari kong tanungin kung kumusta ang araw mo habang naglalakad pauwi. Maaari tayong tumigil sa Agoncillo St. at doon magmeryenda kasama ang mga tsuper. Bente na lang ang mayroon ako ngunit wala ka namang ibang hiningi sa akin kundi ang kaunting oras. Kaunting pagtingin.
At nakikita kita. Sa magtatahong bumabati sa akin bawat umaga, sa mga puno ng kalachuchi sa loob ng kampus, sa mga dumaraang dyip na nagpapatugtog ng budots — nakikita kita.