Langit Lupa, Masang Laging Taya
nina Hyacinth Aranda at Veronica Guinto
Ang langit-lupa, nilalaro lang sa lansangan. Hindi dinadala sa senado at mas lalong hindi simbolismo sa pagbaluktot ng kasaysayan.
Tila nagmistulang palaruan ang senado nang ihain ni Sen. Robin Padilla ang Senate Bill №452 o Unsung Heroes Day Bill na naglalayong ideklara ang Setyembre 21 bilang special non-working holiday. Nais niyang baguhin ang madilim na kasaysayan na naganap noong ika-21 ng Setyembre 1972, nang lagdaan ng diktador na si Marcos Sr. ang Proklamasyon Blg. 1081 na nagkulong sa Pilipinas sa tanikala ng Batas Militar. Sa halip na alalahanin ang libo-libong Pilipino na naging biktima ng dahas at pang-aabuso sa ilalim ng diktadurya, binabaon pa sa limot ni Padilla ang alaala ng mga nakibaka laban sa pasistang rehimen.
Upang bigyang hustisya ang deklarasyon ng Batas Militar, iginiit ng diktador na ito ay upang protektahan ang bansa mula sa mga komunista at mga rebeldeng puwersa na nagnanais pabagsakin ang gobyerno. Ngunit sa mga ganitong naratibo, tila nalilimutan na ng estado na hukayin ang ugat kung bakit nga ba umaalsa ang masa. Ang paglaban ng mamamayan ay makatarungan gayong abot-langit ang pasakit sa politikal, sosyal, at ekomikong kondisyon ng mga Pilipino sa bigkis ng diktador.
Dahil hindi pumapabor sa mga Marcos ang katotohanan, nais ni Padilla na ilipat ang lente ng komemorasyon sa mga militar na nagbuwis ng buhay upang isalba ang Pilipinas sa diumano’y paglaganap ng komunismo. Sila ang mga nais niyang ituring na unsung heroes — ang mga salarin sa libo-libong enforced disappearances, pang-aabuso at pagkitil sa buhay ng mga tumutuligsa sa gobyerno.
Ang red-tagging ay bantang kinakaharap ng buong bansa. Kahit una itong ginamit upang bigyang-katwiran ang Batas Militar, ito ay ginagamit na ring kasangkapan upang hadlangan ang malayang pamamahayag. Ang mga hakbang tulad ng “Unsung Heroes Day” ay nagbibigay-katwiran hindi lamang sa rebisyonistang naratibo, kundi pati na rin sa namumulaklak na kultura ng pang-aalitang-panakot.
Nagmistulang mukha ng red- tagging ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na naitatag sa ilalim ng Executive Order 70 noong 2018. Saad ng NTF-ELCAC, kinikilala ng estado ang papel ng aktibismo sa pagpapaunlad ng bansa, ngunit aaksyunan nila ang anumang radikalisasyon at karahasan mula sa mga progresibong grupo. Makikita ba natin ang karahasang ito sa kasalukuyan?
Noong ika-2 ng Setyembre 2023 lamang, ang mga aktibistang sina Jhed Tamano at Jonila Cruz ay dinakip ng mga armadong lalaki sa Orion, Bataan. Ang naratibo mula sa NTF-ELCAC ay boluntaryo silang sumuko sa 70th Infantry Battalion ng Hukbong Katihan ng Pilipinas. Ating tanungin: anong uri ng pagbabalik-loob ang hinahangad ng NTF-ELCAC? Kung lahat ng aktibistang ‘di-umano’y sumuko sa gobyerno ay binigyan ng pagkakataong makasalita, “boluntaryong pagsuko” rin ba ang itatawag nila sa kanilang pagbabalik sa lipunan?
Muli, nais ni Padilla na magtatag ng Unsung Heroes Day upang ipagdiwang ang mga sundalo na nagbuwis-buhay noong panahon ng Batas Militar. Gayunpaman, ayon sa Amnesty International, higit 64,000 sa 71,000 na naitalang biktima nito ay wala pang natatanggap na anumang kompensasyon para sa pang-aabusong dinaranas nila. Sa komemorasyon ng Batas Militar, dapat alalahanin ang bawat biktimang tinanggalan ng plataporma, pondo, at proteksyon at lumikha dapat ng espasyo para sa kanilang kwento.
“We felt betrayed,” sabi ng NTF- ELCAC, hinggil sa pahayag nina Tama- no at Cruz. Ngunit mas malalaking pag- kakabigo ang hindi pagbibigay-pansin sa boses ng inaalipustang masa. Sa huli, ang tunay na unsung heroes ay hindi ang pinaparangalan at pinopon- dohan ng pamahalaan, kundi ang mga tagapagtanggol ng kalayaan na tuluy- ang nalilimutan. Ang pagbabaluktot ng kasaysayan ay pagbabalewala ng kanilang pagdurusa sa ilalim ng ber- dugong rehimen.
Kung ito ay larong langit lupa, ang mga berdugo ang prenteng nakaupo sa tronong puno ng dungis mula noon hanggang ngayon. Ilang dekada man ang lumipas, sila ang nananatili sa kapangyarihang itinuturing nilang langit samantalang ang masa ay matagal na panahon na ring nakalubog sa lupa. Ang pag-alala sa malagim na kasaysayan ang isa sa paraan upang hindi malimot at maulit ang trahedya na sinapit ng lipunan. Subalit kung ang mga nang-api ay ituturing na bayani, may pag-asa pa kayang matamasa ng masa ang langit sa sariling bayan?