Ligtas nga ba ang UPM sidewalks?
ni Liandrei Crisostomo
Sa isang pag-aaral ni Philip Legaspi mula sa MS Civil Engineering ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UPD), natuklasan na ang mga bangketa sa Ermita, kabilang na ang mga matatagpuan sa Padre Faura, Taft, at Pedro Gil, ay mayroong kawalan ng green spaces, makikitid at madidilim na daanan, at lantaran na polusyon sa hangin — mga pangamba para sa kaligtasan ng mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas Maynila (UPM).
Dahil dito, patuloy ang panawagan ng sangkaestudyantehan at taumbayan na palakasin at patibayin ang mga polisiya tungkol sa urban greening at kaligtasan ng mga mamamayan upang malutas ang mga naturang pangamba.
Ann, College of Pharmacy (CP)
Personally, I can’t say that the UPM sidewalks are the safest paths. Hindi nauubusan ng mga dumadaan na tao, kaya kailangan talaga maging maingat sa gamit lalo na sa gabi. Hindi rin ganoon kaliwanag ‘yong mga ilaw. This does not only apply to the sidewalks outside, but even inside the campus premises. Sana mapabuti ‘yong isyu sa lighting kasi maraming mga klase ang natatapos na sa gabi at nakakatakot maglakad kapag madilim.
*Juan, College of Nursing (CN)
Sa totoo lang, hindi eh. Bukod sa lubak-lubak ang ilan siguro dahil na rin sa kalumaan, madali rin mabaha ang mga ito. Kung kaya’t, bukod sa pagiging pisikal na panganib, maaari ding maging panganib ang mga ito sa kalusugan dala ng mga sakit tulad na lamang ng leptospirosis.
Jiboy, College of Arts and Science (CAS)
Para sa’kin, hindi lang hindi ligtas — sobrang delikado — ang sidewalks sa UPM. Bukod sa pagigiging bako-bako, talamak ang pag-sna-snatch ng cellphone sa mga sidewalk; hindi ganoon kalawak ang sidewalks at hindi rin pantay-pantay kaya madaling makapatid. Dagdag pa rito, napakadaling bahain ang sidewalks sa UPM dahil sa kakulangan ng maayos na drainage system dito.
Pat, College of Public Health (CPH)
‘Di ko tiyak na masasabing ligtas ang sidewalk kasi naroon ‘yong pangamba na anumang oras pwede akong manakawan o mahablutan. Dahil nag-do-dorm ako, lagi akong naglalakad mag-isa kahit sa gabi. Wala naman akong naging masamang karanasan pero naroon ‘yong minsang mga taong ‘di ko kilala na tumatawag sa’kin at ‘yong pangamba na baka may sumusunod sa’kin lalo na sa gabi.
Nicole, College of Allied Medical Professions (CAMP)
Para sa akin, hindi ligtas ang mga sidewalk sa UP Manila dahil sa dami ng mga nagtitinda sa gilid ng daan na nagiging sanhi ng abala para sa mga naglalakad. Madalas ay kailangang lumagpas sa kalsada o sumiksik sa masikip na espasyo upang makaiwas sa mga tindahan, na maaaring magdulot ng panganib sa kaligtasan ng mga naglalakad. Dahil dito, mas pinipili kong maglakad sa loob ng UPM, kung saan mas kontrolado ang trapiko at mas kaunti ang mga hadlang.
Karl, College of Pharmacy (CP)
Mapalad ako dahil hindi pa ako nakararanas ng mga hindi kanais-nais sa paglalakad ko sa UPM, ngunit naroon pa rin palagi yung takot na baka ako ay manakawan. Ang takot ay hindi lang nanggagaling sa mga bansag sa Pedro Gil, ngunit ito rin ay nanggagaling sa mga kilala ko rin na nakaranas ng mga hindi kaaya-aya sa paglalakad sa mga sidewalk ng campus natin. Dahil dito, masasabi kong hindi pa rin ligtas na maglakad sa mga sidewalk ng UPM.
Brianna, College of Dentistry (CD)
Sa tingin ko, hindi ligtas ang UPM sidewalks. Ang problemang ito ay bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng mga UPM constituents at gusto kong igiit yung aspeto ng pagiging lubak-lubak nito at masikip — maaari itong magdulot ng disgrasya. Dagdag pa rito, first-hand kong nasaksihan kung gaano hindi ito ka-inclusive sa mga physically disabled. Naging tour guide ako sa Freshie Tour ng The Freshie Initiative (TFI) ngayong taon at may mag-aaral na naka-wheelchair. Maliban sa masikip at lubak-lubak na sidewalk, nakikita kung paano maituturing na “second-thought” lamang ang paglagay ng mga ramps sa sidewalks. May mga pagkakataon ding naging saksi ako ng mga nakawan ng gadget sa Pedro Gil — mga sumisigaw ng “magnanakaw!” habang tumatakbo para habulin ito sa sidewalk — at mga namimilit na manlimos sa mga mag-aaral na may hawak na pagkain o inumin.
*Hindi tunay na pangalan ang ginamit batay sa kahiligan ng mga kinapanayam.