Magsimula sa prinsipyo: Estudyante’t kaguruan ng CAS nananawagan ng #MoveTheSem

The Manila Collegian
6 min readJan 25, 2022

--

Ng Seksyon ng Balita

PHOTO FROM UPM CASSC

Sa gitna ng paglala ng sitwasyon ng pandemya at ang kamakailan na pagsalanta ng bagyong Odette sa kalakhang Visayas at Mindanao, ang mga mag-aaral at kaguruan ng College of Arts and Sciences (CAS) hanggang sa ngayon ay patuloy pa ring iginagapang ang unang semestre kahit ang susunod na semestre ay inaasahang magbubukas sa Pebrero 7.

Sa petsang ito, mistulang walang pahinga ang mga mag-aaral at kaguruan dahil sunud-sunod at sabay-sabay ang parating na pre-enlistment advising, patuloy na pagpapasa ng mga rekisito ng mga mag-aaral, at ang pagbibigay ng grado ng mga guro hanggang Pebrero 3. Matapos nito, magkakaroon naman ng online registration week para sa susunod na semestre, kung saan inaasahan ng mga mag-aaral na muli silang makakaranas ng isyu kaugnay sa Student Academic Information System (SAIS). Ang pagpapanatili sa petsa ng pagbubukas ng ikalawang semestre ay magbibigay lamang ng apat na araw na paghahanda para sa mga mag-aaral at kaguruan.

Kaya naman ang CAS Student Council (CASSC) ay naglunsad ng kampanyang #MoveTheSem kung saan kanilang iginigiit na magkaroon ng ‘tunay’ na pahinga para sa mga kabahagi ng CAS.

Tunay na Kalagayan

Ayon sa isinagawang Health and Safety survey ng administrasyon CAS, na unang nailathala sa Position Paper ng CASSC, ay lumabas ang kalunos-lunos na sitwasyong pinagdadaanan ng mga mag-aaral. Simula Enero 10 hanggang 17 ay mahigit 57.8% ng mag-aaral sa CAS ay nakararamdam ng sintomas ng COVID-19. Kaugnay nito, mahigit 11.1% ng mga estudyante ang nagkaroon ng COVID-19 sa nakalipas na tatlong linggo, habang 25.3% ng mga estudyante ang nagsabing may kapamilya silang nagkaroon rin ng COVID-19. Samantala, nasa 5.9% naman ng mag-aaral ng kolehiyo ang lubhang naapektuhan ng bagyong Odette.

Ang mga datos na ito ay nagtulak sa CASSC na imungkahi ang pagpapaliban ng pagsisimula ng academic calendar upang mabigyan naman ng dalawang linggong ‘recovery break’ ang mga taga-CAS.

Matatandaan na nauna nang binatikos ang pagiging compressed ng academic calendar, mula 18-linggo ito ay ginawang 15-linggo sa isang semestre. Nagdulot ito ng pangamba sa mga mag-aaral simula pa lamang ng nakaraang semestre.

“A shorter period may mean shorter suffering, pero ibig sabihin non super condensed ng mga lessons for that sem. Right now, I’m feeling na sobrang rushed ng sem na to na ang ginagawa ko lang ay aral, test, kalimutan, move on tapos paulit-ulit lang yon. A shortened semester means that there is less time to actually study or teach the subject so mahirap to both teachers and students,” paliwanag ng isang estudyante mula sa Public Health sa dating panayam sa the Manila Collegian.

Dagdag pa sa pangawagan ay ang pagpapatupad ng academic ease sa pamamagitan ng mga sumusunod: (a) tanggalin ang stringent deadlines; (b) patuloy na ipatupad ang “no fail policy”; © pagbibigay ng deferred grade (DFG) kung saan bibigyan ng isang taon, o hanggang sa katapusan ng unang semestre A.Y. 2022–2023 para kumpletuhin ang mga rekisito; (d) pag-we-waive ng prerequisite courses; (e) pagbibigay ng konsiderasyon sa mga magsisipagtapos na mag-aaral; (f) at pagbuo ng academic safety net para sa mga mag-aaral na magpopositibo sa COVID-19 kung saan sila ay bibigyan ng dalawang linggong recovery period at i-we-waive ang mga nakatakdang deadlines.

Para naman sa kaguruan, nagsagawa ng sarbey ang Unyon ng faculty ng CAS, upang alamin ang kalagayan ng kanilang mga kasama. Ang kalakhan ng fakulti ng CAS ay sumasang-ayon na itulak ang pagbubukas ng semestre sa Pebrero 7 dahil marami sa kanila ang naapektuhan din ng kasalukuyang kalagayan ng pandemya, habang may ilang naapektuhan din ng bagyo kamakailan.

Mailap na tugon

Matatandaan na sa kasagsagan ng panawagan, habang patuloy na hindi ito pinakikinggan ng administrasyon, ay nagdeklara ang pamahalaang panlungsod ng Maynila ng isang linggong ‘health break’ sa mga nasasakupan nito.

Subalit, sa inilabas na memorandum ng Office of the Vice Chancellor for Academic Affairs (OVCAA), ang anunsyo sa pagkansela ng mga klase ay hindi naaangkop sa UP Manila dahil ang mga klase ay natapos na noong ika-21 Disyembre 2021.

Sinabi ng OVCAA, sa parehas na memorandum, na para sa mga kursong may nakabinbing aktibidad para sa unang semestre, ang mga guro ay binibigyan ng kakayahang umangkop upang gawin ang mga kinakailangang pagsasaayos sa mga iskedyul at mga deadline na alinsunod sa interes ng mga guro at mga mag-aaral. Kaya ang tanging tugon ng administrasyon ay ang pagbibigay ng palugit sa mga mag-aaral at guro upang tapusin ang kanilang mga kinakailangan mula sa Enero 28 hanggang Pebrero 3, ang nakatakdang petsa para sa pagsumite ng mga grado.

Pilit na ibinababa ng administrasyon ang pasanin sa kaguruan nito.

Noong Sabado, Enero 22, sa ginanap na diskusyon ng CASSC sa Twitter spaces, parehas na naniniwala ang mga mag-aaral at kaguruan na hindi sapat ang isang linggong ‘health break.’

“Walang genuine na pahinga ang mga estudyante. For instance, dahil late na nagkaroon ng extension ay pinilit kong tapusin ang mga backlogs ko kahit may trangkaso ako for a week. Imbis na pahinga ang inatupag, akademiko pa rin dahil sa ilusyon na baka nga hindi makahabol sa mga gawain at sa pag-aalangan na makakuha ng INC. Ergo, kailangan pa nating i-move ang semestre para isang maayos at payapang pahinga,” ikinuwento ng isang mag-aaral sa sarbey ng CASSC.

Ngayong araw ay kinumpirma ng All U.P. Academic Employees Union na napagdesisyunan ng UP central administration na ituloy ang pagbubukas ng semestre sa Pebrero 7. Sa kabila nito ay ipapatupad ang “Easing into the semester policy” kung saan walang ipapataw na mga deadline, hindi magkakaroon ng synchronous classes at mga miting and unang dalawang linggo ng bagong semestre.

Ang panawagan

Kaya iminumungkahi ang pagpapaliban sa pagbubukas ng semestre ay upang makapagpatupad ang kolehiyo ng isang genuine na health break. Ang ayaw mangyari ng nakararami ay magpatupad ng break habang patuloy naman na pumapatong lamang ang mga nabibinbin na trabaho.

Maituturing man na tagumpay sa parte ng mag-aaral ang pagkakaroon ng fixed reading break sa opisyal na academic calendar, matatandang kinailangan pa ito ilaban ng mga mag-aaral noon. Tuwing may bagyong nanalasa sa bansa ay kailangan pa rin magsumite ng mga konseho ng liham sa kinauukulan upang magpatupad ng mga hakbang ukol dito.

Ani ng isang estudyante ay mas aakma ang trademark ng unibersidad, na “honor and excellence”, kung isasaalang-alang muna ng administrasyon ang sitwasyon ng bansa bago ituloy ang mga nakasulat at inaprubahan sa akademikong kalendaryo.

Samantala, ayon naman sa isang guro ng CAS, kung sa prinsipyo man lamang ay ang pagbibigay ng dagdag pahinga sa kaguruan ang pinaka-makataong desisyon na dapat gawin ng administrasyon ng kolehiyo. Hindi umano sasapat para sa paghahanda ang apat na araw na pagitan sa pagsusumute ng grado para sa nakaraang semestre at ang paglulunsad ng susunod na semestre.

Ani nila, hindi naman robots ang mga guro at tulad ng nakakaraming Pilipino ay humaharap rin sila sa problemang may kaugnayan sa akademiko, pangkalusugan, pampamilya, at ekonomiko.

Sa kasalukuyan ay umabot sa 1000 katao at organisasyon ang pumirma sa #MoveTheSem campaign ng CASSC.

Kaukulang aksyon

Kahit na nararapat bigyan ang kaguruan ng break, ay may pangamba pa rin sila lalo na para sa mga kasamahan nilang mga lektyurer na “no work, no pay.” Sa panig naman ng mga mag-aaral ay nangangamba sila para sa mga magsisipagtapos na mga mag-aaral na maaaring maaapektuhan ng break ang kanilang aplikasyon para sa post-graduate programs.

Kaya naman sa petisyong isinumite ng Unyon ay hiniling nilang buo ang sweldong ibigay sa mga lektyurer para sa ikalawang semestre. Katuwiran nila na may mga paghahandang ginagawa ang mga lektyurer bago pa man magbukas ang klase.

Higit sa lahat ay nanawagan sila sa admin na ibigay na ang mga nakabinbing benepisyo tulad ng year-end incentive at course pack honorarium.

Humihingi naman ang CASSC ng agapay sa administrasyon sa direktang pakikipag-ugnayan sa mga institusyon kung saan mag-aaplay ang mga nagtapos at para sa pagpapabilis ng pagkuha ng mga dokumentong kinakailangan para sa trabaho at aplikasyon sa graduate school.

Ani Claude Naco, Chairperson ng CASSC, ay maraming mga isyu pa rin ang hindi binibigyang pansin ng UPM kaya naman napaka-importanteng ipakita ng buong kolehiyo ang kanilang pagkakaisa. Kung nais n’yo maging kabaghagi ng kampanya ay marapatin lamang na sagutan ang GForms na ito: https://bit.ly/MoveTheSemSupport.

Para naman sa karagdagang impormasyon ay bisitahin ukol sa kampanya, ay bisitahin ito: https://bit.ly/MoveTheSemMaterials

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet