Mahiwagang Doxycycline, Kailan Gagamitin?
ni Chester Leangee Datoon
Bugnutin at ubod ng lungkot na naman ng kalangitan. Kay lamig ng ihip ng hangin, ngunit di yata’t nasobrahan ito — lumilipad na ang Micromatic na payong ng tindero ng turon sa lansangan. Tila makabagong Ilog Mesopotamia na naman ang Taft Avenue sa panahon ng tag-ulan; kaunti na lang ay titirik na ang mga kotse at dyip dahil sa burak at baha. Hindi rin nakaligtas ang mga pasilyong nilalakaran ng mga estudyante’t manggagawa. Nakalatag na ang mahiwagang tabla upang tawiran nila; sa halagang limang piso’y makakatawid na sila habang kumikita naman ng extra ang mga manininda.
Doxycycline, Ikaw Ba ay Para sa Akin?
Para sa mga mag-aaral ng University of the Philippines Manila (UPM), tiyak na pagsubok ang pagpasok sa unibersidad at pag-uwi sa bahay dulot ng mabilis na pagbabaha kahit na sa kaunting ulan lamang. Para sa mga komyuter, dagdag pasakit din ito buhat ng paglala ng trapikong usad-pagong. Nariyan pa ang pagtaas ng panganib na sila’y magkaroon ng sakit tulad ng leptospirosis — isang nakahahawang sakit mula sa genus ng bakterya na Leptospira na nakukuha mula sa kontaminadong lupa, tubig, at pagkain na inihian ng hayop na may ganito ring sakit.
Bukod sa panganib nito sa mga estudyante’t empleyado na sumusuong sa baha, dagdag peligro rin ito para sa mga pasyente ng Philippine General Hospital (PGH), na maaaring makapagpalala ng kanilang karamdaman. Kaakibat nito, ang leptospirosis din ay karaniwang nakikita sa mga manggagawang madalas ay may interaksyon sa hayop tulad ng mga beterinaryo, matadero, at tagapangalaga ng manok, baboy, at baka. Laganap din ito sa mga manggagawang palaging nakababad ang mga binti sa tubig, tulad ng mga mangingisda at magsasaka.
Maaaring abutin ng isang buwan bago maranasan ang sintomas ng leptospirosis tulad ng lagnat, pananakit ng ulo, paninilaw ng balat, pagsusuka, pagkahilo, pagtatae, at iba pa. Kung hindi maagapan nang maaga, maaari itong humantong sa sakit sa atay at bato o makaranas ng meningitis o pamamaga sa bahagi ng ulo na nagpoprotekta sa utak. Dahil isa itong impeksyon buhat ng bakterya, kalimitang ginagamit ang mga antibiotic tulad ng doxycycline, amoxicillin, penicillin, at azithromycin upang matugunan ang sakit depende sa kalubhaan nito.
Ang doxycycline ay isa lamang sa samot-saring antibiotic na kasalukuyang ginagamit sa buong mundo upang labanan ang iba’t ibang impeksyon ng bakterya. Kapag umiinom nito, asahan na makararanas ng mga sintomas ng pag-iiba ng kulay ng ngipin, pananakit ng lalamunan, at pangangati o pamamantal kapag matagal nang nakabadbad sa ilalim ng sikat ng araw. Hindi rin ginagamit ang doxycycline sa mga buntis at nagpapadede dahil sa maaaring epekto nito sa bone development ng bata sa sinapupunan. Kinakailangan ang ibayong pag-iingat kung gagamitin ito ng mga may sakit sa atay at bato.
Ngunit ayon sa Centers for Disease Control (CDC), mabisang gamitin ang doxycycline bilang isang post-exposure prophylaxis (PEP) o gamot na nakakapagpababa ng tsansa na magkaroon ang isang indibidwal ng leptospirosis matapos niyang lumusong sa baha, lalong-lalo na kung hindi ito maiiwasan o may sugat sa paanan. Kung walang sugat, posible pa rin namang uminom ng dalawang tabletang 100 mg nang isang beses sa isang araw, subalit iilang ebidensiya lang ang nagpapatunay na epektibo ito.
Kung may sugat, kinakailangang ipagpatuloy ang pag-inom ng gamot hanggang limang araw. Dagdag pa rito, nagagamit din ang doxycycline bilang PEP upang labanan ang iba’t ibang sexually transmitted diseases (STDs) o mga sakit na karaniwang naipapasa dahil sa pakikipagtalik. Kung nakipagtalik na walang suot na condom, mainam na uminom din ng dalawang tableta ng 100 mg na gamot, isang beses sa isang araw.
Doxycycline, Saan Ka Ba Hahanapin?
Para sa mga mag-aaral at empleyado ng UPM, maging pasyente ng PGH at bantay nila, ang paglusong sa baha ang natatanging paraan kung minsan para makarating sa kanilang pupuntahan laluna ngayong tag-ulan. Buhat nito, makatutulong ang paggamit ng doxycycline bilang PEP sa halip na hintayin pa ang matagal na paghupa ng baha.
Gayunpaman, ang hiwaga ng doxycycline ay hindi pa lantad sa karamihan. “Hindi ko pa naririnig yan [ang doxycycline], wala namang announcement sa health center,” saad ni Joseph Narag, isang manininda sa bangketa ng Pedro Gil. Maging mga estudyante mismo ng UPM ay hindi pa rin gaanong naririnig na may ganitong klase pala ng gamot na maaaring gamitin para labanan ang leptospirosis. “Recently ko lang siya narinig gawa ng sunod-sunod na bagyo,” wika ni Jean Baguion na isang estudyante mula sa College of Arts and Sciences (CAS).
Kaya naman, para makaiwas sa banta ng leptospirosis, mga pangkaraniwang panangga lamang gaya ng pagsusuot ng bota ang alam ng karamihan. “Palaging magdala ng bota, tapos ‘yung sapatos lagyan ng plastic cover,” wika ni Rachele Gondong mula sa CAS. Ngunit labas nito, limitado na lang ang nalalaman ng masa. “Kung ‘di talaga maiwasan, mabuti na ‘wag na lang talaga pumasok sa trabaho o sumuong sa baha,” pahayag ni Oscar Pregola, isang guard sa pamantasan. Dahil hindi lubusang kilala ng masa ang doxycyline, pili lang ang nakakagamit nito bilang gamot panlaban sa leptospirosis.
Mahalagang tandaan na ang doxycycline, tulad ng ibang antibiotic na nasa Pilipinas, ay isang prescription medicine. Ibig sabihin nito, kailangang kumonsulta muna sa doktor para makakuha ng reseta at mabili ito sa botika. Ngunit sa lipunang ginagalawan natin, nabibili pa rin ng masa ang mga antibiotic kahit na walang reseta. “Nakakabili pa naman ako [ng antibiotic], ginagamit ko nga minsan kung may namamagang sugat,” pag-amin ng isang cleaning staff ng unibersidad.
Sa Pilipinas, isa sa mga balakid sa pagpatupad ng programa upang labanan ang antimicrobial resistance (AMR) ay ang kawalan ng edukasyon sa mamamayan hinggil dito. Sa kaunting ubo, sipon, at lagnat lamang, naiisip agad ng maraming Pilipino na gumamit ng antibiotic sa halip ng over-the-counter na gamot para rito. Halimbawa na lamang nito ay ang pagbudbod ng dinurog na penicillin o amoxicillin sa bukas na sugat para daw mas mapabilis ang paggaling nito.
Bagaman maraming benepisyo ang dala ng doxycycline, kinakailangan ang responsableng paggamit nito upang maiwasan ang antimicrobial resistance o ang pagkatuto ng mga bakterya na labanan ang mga antibiotic na ginagamit upang mabawasan ang impeksyon. Kapag hindi nagagamit nang buo at tama ang mga antibiotic, unti-unting nakabubuo ng depensa ang mga bakterya upang labanan ang mga kemikal na ito sa kani-kanilang katawan.
Kahit na ang konseptong ito ay laganap na sa mga manggagawang pangkalusugan, may pagkukulang sa implementasyon ng mga polisiyang pumipigil sa patuloy na paglala ng AMR. Kaya naman, nakikita sa lipunan ang samot- saring anyo ng maling paggamit ng mga antibiotic.
Doxycycline, Napakahirap Mong Abutin
Mayroon mang mga health center sa mga lungsod, dagdag gastos lang din ang pagiging diagnosed, dahil nariyan na ang reseta ng mga gamot na kailangan nilang bilhin at inumin. Kaya naman kadalasan kapag nareresetahan ng antibiotic, hindi nila nabibili ang lahat ng bilang ng gamot na nakasulat sa reseta dahil limitado ang mga health center na nagbibigay ng libreng gamot. “Kailangan din kasi isipin ‘yung accessibility ng health centers, kunwari sa mga nagtitinda sa bangketa o palengke, kung malayo ‘yung health centers o clinics sa kanila, iniisip nila na kaltas ‘yun [pagpunta sa health center o clinic] sa pwede nilang makita sa araw-araw,” salaysay ng nakapanayam mula sa College of Public Health.
Minsan din, hindi na tinatapos ng pasyente ang pag-inom ng gamot kapag nararamdaman na niyang gumaling na siya sa sakit. “Mahal kasi ang antibiotic minsan, kaya kung nararamdaman ng pasyente na magaling na siya, ititigil niya na kasi dagdag-gastos lang iyon,” paliwanag ng nakapanayam mula sa College of Dentistry. Ang mga ganitong kagawian ang nagpapalala sa AMR dahil hindi nasisiguro ang pagpuksa ng bakteryang nabubuhay sa pasyente.
Subalit, hindi ito nangangahulugang ang pasyente lang dapat ang sisihin sa patuloy na paglala ng AMR. Nakaatang din sa mga manggagawang pangkalusugan tulad ng mga parmasyutiko ang hustong pagpapaliwanag at pagbabahagi ng impormasyong mauunawaan ng pasyente nang sa gayon ay masigurong nasusunod ang wastong pag-inom ng gamot.
Hindi nakatutulong na marami pa ring mga botika sa bansa ang nagbibigay ng antibiotic kahit na walang reseta. Sa ganitong talamak na kalakaran, nakikita na may pagkukulang sa pagbibigay ng impormasyon hinggil sa AMR at angkop na paggamit ng antibiotic sa mga pasyente. Nagbago naman ang sistema ng pagtutura ng parmasya tungo sa isang patient-centered na kasanayan, hindi pa rin nawawala ang pagiging profit-centered ng maraming botika sa bansa. “Talamak ‘yan sa probinsya [pagbebenta ng antibiotic nang walang reseta], kahit nga mga sari-sari store mayroon kasi hinahanap naman ‘yan ‘pag may sakit,” salaysay ni G. Narag.
Ang manipestasyon ng patuloy na paglala ng AMR ay hindi lamang natatapos sa medikal na aspeto kung saan hindi na gumagana ang antibiotic dahil naging resistant na ang bakterya rito. Nagiging usaping sosyo-ekonomikal din ito sapagkat tumataas ang gastusin ng pasyente upang maagapan ang kanilang sakit buhat ng paghaba o paglala ng gamutan, dulot ng paggamit ng mas malakas na antibiotic na kalimitang mabigit para sa bulsa.
Doxycycline, Ikaw ay Mapapasakin
Upang masolusyunan ang krisis na dala ng AMR, kinakailangan ang pagtutulungan ng mga mamamayan at manggagawang pangkalusugan. Sa tamang pag-inom ng gamot na inirereseta ng doktor, napapababa ang posibilidad ng paglala ng AMR. Katuwang nito, angkop na sa bawat konsultasyon o bago ibigay ang gamot sa pasyente, natuturuan sila hinggil sa AMR at mga paraan upang mapigilan ang paglala nito sa mga aksyong kaya nilang gawin.
Mahalaga ring masolusyunan ang mga sosyolohikal na batayan sa paglala ng AMR sa bansa. Marapat lamang na masigurong ang mga pondong nakalaan para sa pampublikong kalusugan sa badyet ng bawat lokal na pamahalaan ay naibubuhos sa mga proyektong sinisiguro ang kalusugan ng madla. Katuwang nito, nararapat ding isaayos ang kalbaryong sistema ng pagbili ng gamot sa mga pampublikong ospital at pamahalaan na kalimitang nagbibigay ng mga expired o mababang kalidan na gamot.
Sa pagsisiguro na abot-kamay ng bawat Pilipino ang magandang kalusugan, maiiwasan ang isyu ng self-medication kung saan sila na mismo ang pumupunta sa botika at pumipili ng gamot na sa tingin nila’y magpapagaling sa kanila. Para maabot ito, kinakailangang pondohan ng pamahalaan ang pagpapagawa ng mga bagong ospital at pagbili ng materyales upang ihanda ang mga health center sa bansa sa mga sakit na karaniwang nararanasan ng mga residente sa bawat lugar.
Gayundin, sa konteksto ng leptospirosis, ang pagpapaigting ng mga programa hinggil sa waste management at pag-aayos ng drainage system ng mga lungsod, partikular na sa mga residensyal na lugar, ay ilan lamang sa mga solusyong nakatutulong sa pagpapababa ng peligro na magkaroon ng ganitong sakit.
Nakatatak na sa kultura ng mga Pilipino ang paglusong sa baha, sapakat ito’y isang imahe na rin ng tinatawag na Filipino resilience. Sa paglusong sa baha, nariyan ang dagdag na peligro ng sakit tulad ng leptospirosis na posible sanang matugunan nang madalian gamit ang doxycycline — ngunit sa paglala ng AMR, posibleng mawalan din ito ng bisa.
Wika nila, ang pagtugon sa kalusugan ay mas maiging maging preventive imbes na curative. Ngunit sa hindi sapat na akses ng mamamayan sa sistemang pangkalusugan at sa kawalan ng sistematikong proyekto ng gobyerno hinggil sa kalusugan at kalikasan, malabong maging ligtas ang mga Pilipino sa sakit. Gayundin, mahihirapang mapuksa ang sakit sa mga taong naging hiyang na sa antibiotic. Kailangang tugunan ang mga pangangailangang ito nang hindi na magdusa pa ang mga Pilipino sa sakit — at sa gamot na napapawalang-bisa ng kasalukuyang sistema ng kalusugan.