Mailap na Pangarap

The Manila Collegian
4 min readDec 24, 2023

--

Ni Chester Datoon

Dibuho ni Renee Mailom

“Sabi nila, kapag nakumpleto mo raw ang siyam na Misa de Gallo, magkakatotoo ang hiling mo.”

Kasabay ng huling pagtunog ng kampana ang hudyat ng pagtatapos ng huling araw ng Misa de Gallo. Tanaw ko mula sa aking upuan ang iba’t ibang grupo ng tao. Mayroong magkakaibigan, mga manggagawa, at mga lolo’t lolang palagi kong nakikita sa kapilya. Paglabas, tumitingin muna sila sa mga nakahilerang kakanin tulad ng manamis-namis na sapin-sapin, biko, at bibingka.

Sa pag-aantay ko sa pagbalik nina nanay at tatay mula sa altar, kung saan sila nagsisindi ng kandila’t nagdarasal, iniisip ko ang mga nagdaang Misa de Gallo na aking nakumpleto. Kahit pa medyo inaantok dahil madaling-araw kami nagsisimba, sinisikap ko pa rin na makinig sa mahahabang sermon ng pari at taimtim na sumabay sa misa. Nakakatulog man ako sa kalagitnaan, natupad pa rin naman ang aking hiling noong aking unang Misa de Gallo — isang laruang sasakyan na nakita ko sa mall nang minsa’y kami napadaan ni tatay.

Walong taong gulang ako nang hiniling ko na magkaroon ako ng bagong damit, kahit anong klase pa ng damit basta’t ang disenyo ay paborito kong karakter na napapanood sa TV. Siyam na misa rin ang pinaglaanan ko ng buong atensyon, sa pagbabakasakaling magkakatotoo ang aking hiling. Kinaumagahan, pagkagising ko sa Pasko, ‘di lang damit ang aking natanggap kundi pati na rin bag at sapatos! Kaya sa sumunod na taon, cellphone naman ang ipinagsimba ko. Sa school kasi, kapag mayroon ka nito, sikat ka. At syempre, gusto ko ring sumabay sa mga kaibigan kong may cellphone na.

Para bang pinakikinggan talaga ng Panginoon ang aking mga hiling! Kasabwat Niya ata si Tatay, dahil tuwing Pasko ay sumasakto talaga sa mga hiling ko ang kanyang mga regalo. Tila ‘di niya alintana ang pagod sa paghabol ng boundary sa pamamasada; kahit kakarampot lamang ang naiuuwi ni Tatay, manghang-mangha pa rin ako dahil talagang bago at magaganda ang kanyang mga regalo sa amin!

Hindi lang bagong damit o laruan ang aking mga ipinagdasal na matanggap noon. Minsan ko nang hiniling na sana ay gumaling si lolo, ang tatay ni inay. Nagkasakit kasi siya noon, cancer daw ang tawag sa sakit niya sabi ni nanay. Kahit hindi ko pa masyadong naiintindihan kung gaano ito kalala, hiniling ko pa rin na sana ay alisin ng Panginoon ang kanyang nararamdamang sakit. Tila malakas talaga ako sa Kanya dahil natupad na naman ang aking hiling. Nawa’y ngayong taon ay ganoon din.

Habang tinitignan ko ang taimtim na pagdarasal nila nanay at tatay, hindi man nila sabihin kung ano ang kanilang hiling, alam kong magkakapareho ang aming gusto. Isang taon na lamang at malapit na ako mag-high school kaya mas kailangan namin ng pera upang matustusan ang aking pag-aaral. Hindi man namin ito pinag-uusapan pero alam namin sa isa’t isa na ngayong Pasko, sana hindi maging alanganin ang hanapbuhay ni tatay.

Sa likod ng bawat naniniwala sa milagro ng Misa de Gallo ay ang samot- saring hiling na nagmula sa iba’t ibang kwento. Sa kuyang taimtim na nagdarasal na siya’y makapasa sa kanyang mga exam, o sa aleng patuloy na nagdarasal na makahanap na ng trabaho upang maitawid ang pamilya sa kahirapan, gabay ng Poong Maykapal ang nagsisilbing sandigan nila sa pagkamit ng kanilang pangarap. Pagkatapos ng misa, dala nila sa kanilang puso ang pag-asang magkakatotoo ang kanilang hiniling.

Subalit, gaya ng palaging litanya ni lola kapag tatamad-tamad kami sa paggawa ng assignment, “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.” Sa kuyang nagdarasal na makapasa, alam kong pursigido siyang nag-aaral. Sa aleng nagbabakasakali, walang araw na hindi niya pinapalampas ang bawat ‘We are hiring’ na poste na kanyang makikita. Na-realize ko na tayo rin pala ang bumubuo ng landas sa pagtupad ng ating mga hiling, at ang mga pamahiin at paniniwala ang nagsisilbing mitsa para makiayon ang daloy ng tadhana rito.

Kaya, sa ika-limang Misa de Gallo ko, hindi lang matatapos ang aking hakbang upang matupad ang aking espesyal na hiling sa pagdalo sa misa. Kahit munting bata’y may tinig din at kakayahang buuin ang kanyang hiling sa tulong ng kanyang sariling pagkilos at pagsusumikap. Alam ko na ang kagustuhan ng aking pamilya ngayong kapaskuhan ay ang kagustuhan din ng libo-libong pamilyang maaapektuhan, at ang laban namin ay laban din ng masang Pilipino.

Sabi nila, kapag nakumpleto mo raw ang siyam na Misa de Gallo, magkakatotoo ang hiling mo. Ngunit ngayong taon, hindi na lang ako basta umaasa sa milagro ng Misa de Gallo ngunit pati na rin sa sama-samang pagkilos.

Ang batang tulad ko’y may dasal na sana sa susunod na taon ay makayanan pa rin ng aking pamilyang tustusan ang aking pag-aaral. Minimithi ko na sa pagdating ng bagong taon, magkaroon pa rin kami ng pagkain sa hapag. Ninanais ko na sa nalalabing-araw ng taong ito, hindi na mangamba si tatay kung makakapamasada pa ba siya sa susunod na taon.

“Hiling ko ngayong taon na sana’y hindi tanggalan ng prangkisa ang jeep ni tatay.” Isang simpleng pangarap na pinagmumukhang mailap.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet