Malas Ka

The Manila Collegian
3 min readOct 13, 2023

--

ni Ashley May Selen

Sa bawat araw na ginawa ng Diyos (kung ika’y naniniwala pa), papalapit nang papalapit ang sandali ng iyong kamatayan. Ito ay may aninong walang porma o anyo; laging nag-aabang sa ilalim ng liwanag o dilim; walang pinipiling oras kung kailan papasok sa ating mga kalamnan at maghahasik ng kaniyang lagim. Walang pagkakaiba ang pananatili o paglabas ng bahay sa pagpapaliit ng posibilidad na ikaw ay mamamatay. Nakapirmi man o tumatakbong papalayo sa kaniyang anino, anumang oras ay kaya niyang lagutin ang iyong hininga. Maaaring nakatabi mo na siya sa sasakyan pauwi o pinagtangkaan ka na niyang tagiliran sa madilim na eskinita ng Padre Faura.

Kapag nakaharap mo na ang anino ng kamatayan, nagiging malinaw ang isang mahalagang tanong: “Tanggap mo ba ang iyong pagkatao sa anumang oras na bawian ka ng buhay?” Ang sagot dito ang tanging magtatakda kung nabuhay ka nang may kabuluhan. Ang banta ng pagkawala at ang pagpihit ng buhangin sa orasa ang nag-uudyok sa atin na gawing makabuluhan ang nalalabing oras sa mundo.

Mapalad ka man sa araw-araw na maisalba sa anino ng kamatayan, mayroon pang isang nag-aabang sa’yo — ang kamalasan. Sa mundong ginagalawan natin ngayon, tila kamatayan na rin ang mabuhay sa gitna ng mga “malas.” Maging itim na pusa man ito na babati sa iyo o ang pagtungtong sa ika-labintatlong palapag ng hagdan, bitbit daw ng mga ito ang kamalasan.

Sa pagsibol ng ating muwang sa mundo, itinanim sa atin ang ilang mga kagawian upang makaalpas daw sa kamalasan. Wala mang malinaw na paliwanag sa mga ito, natutuhan natin itong sundin dahil sa takot na tayo mismo ang magiging malas. Sabi pa nila, mas mabilis daw magtatanda ang tao kung gagamitin sa pagtuturo ang takot. Kaya naman, maraming magulang ang idinadaan sa pagmamaltrato ang pagdidisiplina sa kanilang mga anak. ‘Pagmamahal’ daw ang mga pasa at pantal mula sa sinturon at hanger na lumalatay sa mga braso at hita.

Ang takot ang siyang nagkintal sa ating isipan na maniwala’t sundin ang mga pamahiin nang kamalasan ay hindi natin sapitin. Nang dahil sa takot na ito, idine-disenyo ang bawat hagdan nang hindi magtatapos ang paglilitanya ng ‘Oro, Plata, Mata’ sa palapag ng kamatayan. Isinumpa ang bawat itim na pusa na masabuyan ng mainit na tubig o iligaw sa malayong lugar kung saan hindi sila makagagambala ng sinuman dahil sa bitbit daw nilang kamalasan. Iniiwasang kantahin ang ‘My Way’ ng mga lasing na nagkakaraoke dahil ‘di magtatagal, mayro’ng taong babarilin. Isinasantabing magwalis sa gabi dahil animo’y nagtataboy ka ng mga naipong grasya palabas ng iyong bahay. Lahat ng mga ito ay nagagawa nating sundin nang walang pag-aatubili dahil sa takot sa kamalasan.

Tuwing napapasabak sa hindi kaaya-ayang sitwasyon, ang pagsuway sa anumang mga pamahiin ang nagiging batuhan ng sisi; ang pagiging mapanuri at pag-aaral ng tunay ng kalagayan ay naisasantabi. Nauunahan ng takot ang pag-iisip nang rasyunal ng isang tao; hindi na nasisipat pa na ang bulag na pagsunod sa mga pamahiin ang siya mismong nagdadala ng malaking peligro.

Sino nga ba ang tunay na gumagawa ng malas? Hindi ito ang mga inosenteng itim na pusang nasisisi sa kapalpakan ng mga paglalakbay. Hindi rin ang hagdang nahahati ang mga palapag sa tatlo. Lalong hindi ito ang pagbirit ng kantang ‘My Way’. Ang tunay na gumagawa ng malas ay ang mga taong nagmamalinis. Silang mga nagpupumilit at nagsusumiksik sa relasyon ng iba sa pagbabalat-kayong “kaibigan”. Silang mga paulit-ulit na sumisipsip sa kaban ng bayan para maging liyamado ang mga sarili; nagnanakaw ng salapi at ng buhay. Silang mga pinipiling gumawa ng masama at tikom ang bibig sa pagsaksi ng mga kababalaghan. Sila ang mga tao sa likod ng kamalasan.

Marahil hindi ka pa sinusundo ng anino ng kamatayan dahil nakatakda kang baluktutin ang mga kamalasang naghahasik ng dahan-dahang kamatayan. Nananatili sa’yo ang desisyon na itakda ang iyong kapalaran. Ngunit mag-iingat ka, pinalilibutan ka nila.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet