Mga bakanteng posisyon sa UPM USC, banta sa tunay na representasyon ng mga mag-aaral

The Manila Collegian
4 min readApr 21, 2024

ni Casandra Peñaverde, Jermaine Angelo Abcede

Matapos ang pagbitiw ni Vice Chairperson Brandon Deichmann sa pwesto at ang pagpasa ng Leave of Absence (LOA) ni Chairperson John Venedict Cabrera nitong Marso 24, lumilitaw ngayon sa University of the Philippines Manila University Student Council (UPM USC) ang mga balakid sa pagkamit ng tunay na representasyon sa bitbit na panawagan at kampanya ng sangkaestudyantehan.

Saad ni Cabrera sa kaniyang liham, ang kaniyang desisyon ay bunga ng kaniyang personal na kalagayan at patong-patong na responsibilidad lalo na bilang magtatapos na estudyante ng BS Pharmacy. Halos ganito rin ang dahilan ng pagbibitiw sa pwesto ni Deichmann nitong Marso 4.

Dahil sa magkasunod na pagkabakante ng mga posisyon, pansamantalang umupo bilang Acting Chairperson si USC Councilor Aija Lajara at Acting Vice Chairperson si USC Councilor Kyla Benedicto. Nang bumalik sa pwesto si Cabrera nitong Abril 7, si Lajara na ang tumayong Vice Chairperson ng UPM USC. Bunsod nito, si Benedicto na lamang ang natitirang councilor ng konseho.

Noong 2018, ika-39 na termino ng USC, pa huling nakumpleto ang konseho. Ito ang panahon kung saan buhay pa ang iba’t ibang partido sa UPM at napupunan pa ang lahat ng pwesto sa konseho — malayo sa kasalukuyang lagay nito ngayon.

Sa mga nagdaang eleksyon, pababa nang pababa ang naitalang voter turnout ng mga mag-aaral ng UP Manila. Noong 39th USC, pumalo sa 58.24% ang turnout, subalit bumagsak ito sa 47.9% sa ika-40, 43.42% sa ika-41, at 47.84% sa ika-43 USC. Nitong pinakahuling halalan, pumalo lamang sa 47.5% ang turnout.

Muling nagbukas ang UPM University Electoral Board (UEB) ng aplikasyon para sa special elections ng 44th USC nitong Enero ngunit ilang linggo matapos ito buksan, walang mag-aaral ang nagsumite ng aplikasyon sa kahit anong posisyon.

Nitong Marso 2, naghain si UPM USC Councilor Kyla Benedicto ng resolusyon na naglalayong maglunsad ng mga konsultasyon ukol sa abstention at 50+1% threshold. Gayunpaman, hati ang mga mag-aaral kung ang mga hakbang na ito ay magpapalakas sa representasyon o sasagka sa karapatan ng mga mag-aaral.

“The present situation of student representation and participation in UP Manila is proven to be the result of the unconstitutional, arbitrarily, and illegally imposed provisions on distorted abstain vote and 50%+1 threshold. These have promoted multiple vacancies in the USC and local councils for six years now,” paliwanag ni Benedicto sa kaniyang Facebook post matapos maaprubahan ang resolusyon.

“Our students deserve a complete and functioning [c]ouncil, but the past five councils have failed to maximize their fullest capacity as a student institution because they lack manpower… a student council that lacks manpower does not equate to genuine student representation,” dagdag ni Benedicto.

Ang bersyon ng resolusyong naaprubhan ng konseho ay hindi ang orihinal na inihain ni Benedicto. Mula sa pagtatanggal ng mga nasabing probisyon, inamyendahan ito ng USC sa paglulunsad lamang ng online consultations sa bawat kolehiyo hinggil dito.

Binabanggit ng resolusyon ang mga kaganapan noong 2018 USC elections bilang isa sa mga dahilan ng kawalan ng tunay na representasyon sa pamantasan. Noong 2018, ginamit ng UEB ang 50%+1 threshold sa pagluklok ng councilors sa konseho, ngunit dalawa lamang sa pitong kandidato ang nakaabot ng threshold.

Matapos ang dayalogo kay dating Office of the Student Affairs Director Blesile Mantaring at dating Vice Chancellor for Academic Affairs Nymia Simbulan, nagdesisyon ang UEB na tanggalin ang patakaran upang makapagpaupo ng mas maraming mag-aaral sa konseho. Sa resulta ng eleksyon, hindi rin naupo ang dalawang kandidato sa Chairperson at Vice Chairperson dahil mas mataas ang bilang ng abstain votes sa kanilang mga nakuhang boto.

Inulan ng batikos ng mga mag-aaral ang desisyon ng UEB na tanggalin ang 50%+1 threshold sa councilor candidates. Giit nila, hindi nito nirerespeto ang naging kahinatnan ng eleksyon at pulso ng sangkaestudyantehan na hindi maupo sa pwesto ang ilang kandidato.

Matapos nito, muli nilang ibinalik ang patakaran at ang dalawang councilor canidates lamang ang pormal at pinal na naupo sa konseho. Mula ng taong ito, nagpatuloy ang pagtaas ng bilang ng mga kandidatong hindi nauupo sa pwesto dahil sa mga naturang probisyon.

Sa tala nitong Abril 11, 169 sa 6,782 pa lamang ang nakapagsagot ng online consultation form ukol sa mga probisyon. Kung hindi maabot ang kalahati ng populasyon ng bawat kolehiyo at SHS units hanggang Abril 25, hindi gugulong ang anumang pagbabago na ipapaabot ng konseho sa magiging takbo ng halalan at pagkilos ng konseho sa pamantasan.

EDITOR’S NOTE: Ang naunang bersyon ng infographic na inilathala sa Volume 36 Issue 9–10 noong Abril 17, 2024 ay naglalaman ng mga college representatives na may mga posisyon sa Executive Committee. Binago ito upang ipakita lamang ang mga opisyal ng USC (Chairperson, Vice Chairperson, at mga Councilor) na nahalal o na-appoint sa mga nakaraang taon.

--

--

The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.