Mga Kabalintunaan sa Sistemang Pagkain

The Manila Collegian
6 min readAug 16, 2022

--

hango mula sa ‘Mga Kuwento sa Likod ng ‘Lutong Gipit’: Suring-Nilalaman at Suring-Diskurso sa Talanggunita sa Penomena ng Gutom ng mga Kababaihang Magbubukid ng Lupang Ramos, Cavite’
ni Bianca Ysabelle Baldemor

Dibuho ni Damsel Marcellana.

Sa kumbensyunal na paggamit, ang salitang ‘kabalintunaan’ o paradox ay tumutukoy sa mga proposisyon na mayroong kontradiksyon sa pagitan ng ngalan, terminolohiya, o pahayag, sapagkat sa realidad ay kabaliktaran ang naisasapraktika. Sa usapin ng pagkain — na sinasabing isang “unibersal na karapatan” — makikita sa mga salawikain at pagsiyasat ng mga praktika na kabalighuan lamang ang mga umiiral.

Maaaring makita ang manipestasyon ng mga kabalintunaang ito sa kaso ng Lupang Ramos, ang 372-ektaryang lupang agrikultural na nakaposisyon sa gitna ng rumaragasang industriyalisasyon sa Lungsod ng Dasmariñas. Bukod-tangi ang Lupang Ramos sapagkat isa itong parsel ng berde sa gitna ng urban sprawl ng mga mall, gusaling komersyal, at subdibisyon. Narito ang iilan sa mga kabalighuang lantad sa Lupang Ramos:

Kung saan ang taniman, iyon pa ang hunger hotspot

Ayon sa pagpapakahulugang itinakda ng Food and Agriculture Organization at World Food Programme, ang hunger hotspots ay mga bulnerableng lugar kung saan nakakaalarmang bahagi ng populasyon ay humaharap sa isang mabilis na pagkagutom at mataas na digri ng kawalan ng katiyakan sa pagkain, na naglalagay ng kabuhayan nila sa panganib.

Kung pakikinggan ang talanggunita ng mga kababaihang magbubukid, namamayani ang penomena ng gutom sa kanila sapagkat sila’y naghihikahos maski sa yugto ng produksyon pa lamang. Sa panahon ng produksyon ay may pagkukulang at kakapusan na, ang mga susunod na yugto — distribusyon, konsumpsyon, at pag-iimbak — ay deteryorado na rin at patuloy lamang sumisidhi ang estadong hunger hotspot ng Lupang Ramos, na para bang isang walang-hanggang siklo.

“Sumasakto lang o kulang pa. Kapos talaga rin. Kung may patubig sana, siguro tuloy-tuloy ang ani, kasi sama-sama at tulong-tulong naman kami dito eh.”
– Nanay Lolita, magbubukid sa Lupang Ramos”

Hindi sila nakakaalis sa ‘hotspot’ ng kagutuman, dahil mas lalo pang lumalala ang penomena ng gutom na namamayani sa Lupang Ramos. Para bang siklo ng mga patibong sa sistemang pagkain ang nagsasadlak sa kanila rito.

Kung anong itinanim, hindi siguradong aanihin

Ayon sa orihinal na salawikain, “kung anong itinanim, siyang aanihin.” Ipinagpapakahulugan nito na kung ano ang iyong pinapakita o ginagawa ay may karampatan na kinahihinatnan. Ang mabuting aksyon ay bibiyayaan ng magandang resulta, bilang halimbawa. Ngunit sa kaso ng mga kababaihang magbubukid sa nananaig na sistemang pagkain sa Pilipinas, hindi ganap ang esensya ng salawikaing ito sa kanila.

Isang malaking “sayang” para sa mga magbubukid na hindi namumunga nang maayos ang kanilang ipinundar na binhi at ang kanilang inalay na oras at pawis, dahil lamang sa kapabayaang suportahan sila sa patubig.

“‘Pag maganda ang ulan, maganda naman ang ani. Pero kung hindi maganda ang ulan, doon nagkukulang at maliit o kaunti ang aming ani. Kakapusin kami.”
– Nanay Lolita, magbubukid sa Lupang Ramos

Gamit ang Lupang Ramos bilang halimbawa, mataas ang digri ng kawalan ng katiyakan o uncertainty sa dami o kalidad ng aanihin sapagkat maraming kakulangan na hindi pa nasosolusyunan — ang pagiging dependente sa ulan at ang kawalan ng sapat na patubig para tuloy-tuloy at maayos ang pagsibol ng mga binhi. Ang pagkabigo ng isa o higit sa isang pangunahing pananim ay maaring sumira sa diskarte ng mga magbubukid sa Lupang Ramos.

Kahit may tiyaga, wala pa ring nilaga

Ayon sa orihinal at tanyag na salawikain, “kapag may tiyaga, may nilaga.” Ito’y nangangahulugan na ang pagsisikap ay bibiyayaan ng magandang gantimpala. Sa Pilipinas, ang nilaga ay metaporika na kumakatawan sa masarap na biyayang makukuha bunga ng kasipagan.

Taliwas sa diwa ng salawikaing ito, ipinahayag ni Nanay Lolita ng Lupang Ramos na “kung ginawa mo na lahat ng pagsisikap pero hindi pa rin nagbabago [ang buhay mo], ibig sabihin may hindi ka pa rin nakakayang gawin dahil sa sistema.” Batid ng mga kababaihang magbubukid na mismong sistema ang problema.

“Wala naman kasing magtutulungan kundi kami, at upang makapag-bahagi sa iba, [kailangang] patuloy na mabuhay muna sa kabila ng krisis bunga ng kapabayaan ng gobyerno sa panahon ng krisis.” — Nanay Lolita, magbubukid sa Lupang Ramos

Tulad ng nakaraang punto, hindi rin natatamasa ng mga kababaihang magbubukid ang salawikaing ito. Sa katunayan, literal na malayong-malayo pa sa isang “nilaga” ang nakukuha nila sa pagsasaka.

Magkatabi lamang ang balwarteng komersyal at agrikultural, ngunit magkasalungat ang estado ng pamumuhay.

Sa totoo lang, ikinararangal naman daw ng mga kababaihang magbubukid ng Lupang Ramos na “industrial giant” ang lungsod ng Dasmariñas. Ang ikinalulungkot lang nila ay ang pagsasantabi ng pagkilala sa mahalagang papel nilang magsasaka. “Napakalaki ng pokus ng plano ng lokal na gobyerno sa tuluy-tuloy na konbersyon ng mga lupang sakahan. Pero wala namang kaukulang plano kung paano ibabalanse sa pag-unlad na ito ang agrikultura na siyang pundasyon para sa seguridad sa pagkain ng lungsod,” paliwanag nila.

“ Kabilang kami itinuturing mga pinaka depressed area ng Cavite — iskwater nga ang turing sa amin… pinagandang katawagang informal settler.”
– Nanay Miriam, kalihim ng KASAMA-LR

Bilang resulta, para bang hinati ang lungsod — sa kaliwa’y kagipitan habang sa kana’y kaunlaran. Kahit na magkatabi pa sila, walang nagbabago sa stratipikasyon: yumayaman lalo ang mga mayayaman at humihirap lalo ang mga mahihirap. Habang ang grupo sa kanan ay mayroong surplus capital at mga makabagong puhunan, ang grupo naman sa kaliwa’y lakas-paggawa o labor lamang ang puhunan. Walang nagbabago sa surplus redistribution kaya parang minamana na rin ang kahirapan. Napapanatili lamang ng takbo ng pag-unlad ang namamayaning development gap dahil hindi naman nagkakaroon ng trickle-down ng benepisyo sa pagitan ng mga magkakaratig na espasyo. Samakatuwid, kaakibat ng nababakurang mga subdibisyon at industriyalisasyon ang pagkulong ng kauswagan at kaginhawaan ng buhay.

‘Pag binungkal ng magsasaka ang lupang nakatiwangwang, ito’y “kasalanan.” Pero ‘pag winasak at tinapalan ito ng semento, ito’y “kauswagan.”

Sa lipunan ngayon, kung sino ang mayroong titulo, pera, at kapital ay siya ring mananaig, sapagkat ang panig ng kapangyarihan ay nasa kanilang tabi. Isa sa mga bagay na binibili, pinapatag, inaangkin, at inaagaw nila ay walang iba kundi ang lupa. Sa kaso ng Lupang Ramos, dahil nakapuwesto ito sa gitna ng isang “industrial giant” na Dasmariñas, ang land use valuation o pagpapahalaga sa lupain nito ay mataas, lalo na para sa mga real estate at iba pang komersyalisadong layunin.

Dahil nga nasa panig nila ang sistema, napapanatili nila ang dominanteng naratibo na ang “kaunlaran” na kailangan ng bansa ay ang sunod-sunod na industriyalisasyon at modernisasyong nakaugat sa neoliberalismo, kahit na ang presyo nito ay pagwawalang-bahala sa matagal nang nalulugmok na sistemang agrikultural. Ipinalalabas nila na dalisay ang kanilang layunin at perwisyo’t sagabal naman ang mga ‘iskwater’ na magsasaka sa bukid na “hindi naman kanila.”

“Wala namang tanim doon, nakatiwangwang lang. Masukal naman at puro damo. Habang nakatiwangwang, dapat tamnan para mapakinabangan.” — Nanay Cely, magbubukid mula sa Lupang Ramos

Kilala ang Lupang Ramos sa mga banta tungkol sa pagmamay-ari at konbersyon ng lupain nito, lalo na’t may kalakaran ng industriyalisasyon at komersiyalisasyon sa “industrial giant” na Dasmariñas. Ngunit, taliwas sa ganitong pagtingin, mariin ang paninindigan nila na manatili, magbungkal, at magtanim rito. Para sa kanila, ang lupa ay hindi lamang kanlungan, ngunit lunduyan rin ng pag-asa sa buong komunidad.

Gayunpaman, ang pagtingin nila sa lupa ay para bang “patungan” lamang ng mga gusali’t establisyimento. Sa mga mata nila, ‘yun ang “halaga” ng lupa — bilang espasyong ang pakinabang lamang ay para maging pundasyon ng mga bagay na tingin nila’y mas mahalaga. Higit na malayo ito sa pagtingin ng mga magsasaka na ang lupa ay buhay.

• • •

Isinisiwalat nito hindi lamang ang mga kakulangan, ngunit pati ang mga kabalintunaan sa sistemang pagkain. Tulad ng binigyang-diin ng mga kababaihang magbubukid sa Lupang Ramos, dahil nasira at bagbag na ito sa yugto ng produksyon pa lamang ay maapektuhan na rin ang mga ssusunod na yugto: napapatid ang yugto ng distribusyon, lumalansag ang mga konsyumer sa yugto ng pagkonsumo, at nabubura ang yugto ng pag-iimbak. Ang depektibong sistemang pagkain ay isang napakalaking hadlang — hindi lamang sa pagtamasa ng karapatan sa pagkain para sa lahat, ngunit pati sa ningas ng pag-alpas.

Ang ‘Kuwento sa Likod ng Lutong Gipit’ ay, higit sa lahat, panawagan na tugunan ang hamon ng re-writing at re-righting ng kasaysayan. Kung gusto natin ng tunay na pagbabago, kaakibat dapat nito ang pagpapalaya sa ating mga kababaihang magbubukid. Kung hindi ito bibigyang-pansin sa madaling panahon, tatampalin ang lahat kapag maski mga magsasaka ay kailangan na rin nating angkatin. At kung dumating man ang araw na ito, hindi lamang ang mga marhinalisado ngunit maski ang karaniwang mamamayan at ang susunod na mga henerasyon ay magdudusa rin.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet