Mga kawani, pasyente, pasan ang kabagalan sa pagkilos ng pamunuan ng PGH

The Manila Collegian
3 min readMay 3, 2024

ni Jermaine Angelo Abcede

Sa patong-patong na krisis na kinakaharap ng Philippine General Hospital (PGH) ngayong taon, lumilitaw ang kakulangan ng pamunuan ng ospital sa pagbibigay ng agarang aksyon sa mga suliranin na parehong pinapasan ng mga manggagawa at pasyente.

Nito lamang Abril 11, nagpadala ng liham ang All U.P. Workers Union (AUPWU)-Manila/PGH kay Gerardo Legaspi, direktor ng PGH, upang umapela na ibigay nang buo ang uniform allowance na nagkakahalaga ng P6,000 matapos kaltasan ito ng pamunuan ng ospital ng P2,000 nang walang konsultasyon sa mga manggagawa ng ospital.

Bagaman naibigay ito sa mga manggagawa nitong Abril 24, kinailangan pa ng unyon na maglunsad ng iba’t ibang dayologo, signature campaigns, protesta, at pagkakabit ng balatengga upang makamit ito.

Nitong nakaraang Pebrero, naiulat din sa pambansang pagamutan ang kakulangan ng laboratory reagent na kailangan para sa iba’t ibang medical tests. Dulot nito, tumungo pa ang mga pasyente sa mga pribadong ospital at klinika upang makakuha ng naturang tests.

Sa isang panayam kay Karen Faurillo, pangulo ng AUPWU-Manila/PGH, iginiit niya na patuloy ang pagtindi ng understaffing sa ospital lalo na sa direct patient care.

“Nananatili yung isyu ng understaffing, hindi pa rin iyon tumitigil. Hindi pa rin fully na-a-address lalo na sa clinical areas kung saan may direct patient care. Kulang na kulang [ito],” ani Faurillo.

Dagdag pa rito, inirehistro rin ng unyon ang panawagan na itaas ang sahod ng mga manggagawa ng ospital sa kabila ng nagtataasang presyo ng mga bilihin.

Samantala, ikinababahala rin ng mga manggagawa ang sunod-sunod na kaso ng sunog sa pambansang pagamutan. Nitong Marso 13, sumiklab ang isang sunog sa Ward 1 at 3 ng ospital. Wala mang nasaktan sa insidente, kinailangang ilikas ang hindi bababa sa 165 na pasyente mula sa apat na wards, Central Adult and Pediatric Intensive Care Unit, at Medical Intensive Care Unit. Kasama rito ang intubated patients na huling nailikas dahil sa kakulangan ng oxygen supply.

Nasundan ito ng isa pang sunog nitong Abril 20 dakong 11:16 ng gabi sa isang renovation site malapit sa emergency room ng ospital. Tinatayang 140 ang inilikas sa Ward 7 at Henry Sy Sr. Hall upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasyente.

Bagaman may pondong nakalaan na P260M para sa fire prevention ng ospital, hindi pa nagsisimula ang proseso ng procurement nito. Ito ang inaasahang maghahanda sa ospital sa mga ganitong kaso ng sunog.

Sa mensahe ng isang kawani ng ospital sa pahayagan, ibinahagi niya na nakababahala na sunod-sunod ang mga sunog at wala man lang aksyon mula sa direktor ng ospital upang malutas ito.

Sa kabila ng mga isyung ito, walang inilabas na anumang pahayag ang pamunuan ng ospital tungkol sa buong detalye ng mga pangyayari at ano ang konkretong hakbang ng ospital hinggil dito.

Hinaharap ng mga manggagawa at pasyente ang bunton-buntong suliraning ito sa gitna ng P450M na tapyas-pondo ng ospital ngayong taon.

--

--

The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.