Buhay si Jonas
Mga Kuwento ng Paglubog at Paglitaw sa Alipato at Muog
nina Benedict Ballaran, Casandra Peñaverde, at Justine Wagan
“Mas mabuti pa iyong mga namatay na may puntod, may nitso kang pwedeng pagluksaan.”
Sa pagitan ng ating pagsilang at pagpanaw, kikislap ang milyon-milyong alipato buhat ng alab ng pagmamahalan sa mga nabuong muog na ating pinamahayan at pamamahayan. Madalas, ang alipatong ito’y napupundi at ang muog ay nagigiba. Ngunit sa iba, ito’y kusang pinupundi; ito’y ginigiba.
Ito ang hatid na kwento ng “Alipato at Muog,” dokumentaryo ni JL Burgos na naglalayong ihatid sa puso ng masa ang kwento ng kaniyang kapatid na si Jonas, isang desaparecido na sapilitang dinukot ng estado habang nasa linya ng pakikibaka kasama ang mga magsasaka.
Labingpitong taon nang nagpapatuloy ang pangangatok ng pamilya ni JL — ngunit hindi sila nawawalan ng pag-asa na balang araw, may isang Jonas na sasalubungin sila ng isang mahigpit na yakap.
“Kasalanan ko na hindi nila kilala si Jonas”
Nanlumo si JL Burgos nang matuklasan niyang hindi kilala ng kabataan ang kanyang kapatid. Para sa kanya, ito na ang hudyat na gumawa ng mas malaking hakbang higit pa sa sarili — ang itala ang katotohanan sa porma ng sining.
Pilit na pinagtatagpi-tagpi ng pamilya Burgos ang mga piraso ng kwento mula sa mga tala ng mga saksi, dokumentong nagdidiin sa militar, at testimonya ng mga sekyu na apat na lalaki at isang babae ang nagtulungan para dakipin si Jonas sa Ever Gotesco Mall, Quezon City noong Abril 28, 2007.
“Naiinis nga ako eh. He had other choices,” bulalas ni Neil, kababata ni Jonas, sa piniling landas ng kaniyang matalik na kaibigan. Sunod sa yapak ng peryodista niyang ama, naging kasapi si Jonas ng Alyansa ng Magbubukid ng Bulacan, isang pagpapasyang humulma ng kaniyang kapalaran.
Kilala si Jonas na masayahin at palabiro sa kanilang pamilya, ngunit siya’y ibang-iba sa oras ng pagkilos. Aminado si JL na si Jonas ang humubog sa kung sino at ano siya sa kasalukuyan. Nang maglaho ang kuya, sinubukan ng direktor na punan ang iniwan nitong puwang — hindi lamang sa gampanin bilang isang organisador, kundi bilang ama kay Yumi na tatlong taong gulang lamang noong siya’y naiwan.
Sa kabila ng lahat, unti-unting tinanggap ni JL ang mga desisyong pinili ng kaniyang kuya, at dumating ang sandali na sinundan niya ang mga hakbang na inilatag ni Jonas.
“Pa’no kung balikan kayo?”
Kung ang lahat ng pinto ng kinauukulan ay nakatok na ngunit ang katarungan ay mailap pa rin, saan pa hahanapin nilang mga walang puntod ang hustisya?
Si JL Burgos, taumbayan ang tinakbuhan. Pelikulang nagmumulat ang kaniyang naging sandata. Para sa direktor, ang pag-alam sa tunay na lagay ng lipunan ang paunang hakbang upang mabigyan ng hustisya ang libo-libong biktima ng sapilitang pagkawala. Ginampanan ito ni JL sa pamamagitan ng paglikha ng Alipato at Muog. Isiniwalat ng dokyumentaryong ito ang katotohanan — takot ang estado sa kakayahan ng mga katulad ni Jonas.
Ang tugon ng mga nakaupo sa likha ni JL ay mas lalong nagpapatunay sa kanilang kaduwagan. Sa unang rebyu ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), pinatawan ng ‘X-rating’ ang dokyumentaryo ni JL — isang lantarang pagtatangka ng censorship mula sa estado. Nang kwestyunin ng kampo ni Direk JL ang hatol, ang sagot sa kanila ay dahil mukha itong “makakaliwa,” sabay lapag ng bantang, “Paano kung balikan kayo ni Sec. Año?” Takot sila sa ganitong klase ng pelikula sapagkat alam nila na mula sa panahon ni Marcos Sr. hanggang sa anak nito, may kapangyarihan ang ganitong sining na mapaalsa ang masa.
Sa patuloy na pagbusal ng mga nakaupo, mas lalong magpupumiglas ang bayan. Kinalampag ng kampo ni JL ang labas ng MTRCB, kinakampanyang bawiin nito ang naunang hatol. Nanindigan ang grupo ni JL — para sa malayang pelikula, para sa taumbayan, para sa mga desaparecidos, para sa kaniyang Kuya Jonas.
Kahit anong pagkubli ng gobyerno sa kanilang mga pinatahimik, sisingaw at sisingaw ito, sa paraan man ng pelikula o iba pa.
“Kung may baho, sisingaw”
Ang kwento ni Jonas ay nakatali sa kwento ng libo-libo pang mga Pilipino na biktima ng sapilitang pagkawala. Ito na ngayon ang kwento ng 16 na desaparecidos na kasalukuyang nawawala sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr.
Ang pagdakip at pambubusal sa mga progresibo ay isang lumang tugtugin na sabay sa ritmo ng pamamahala ng mga ganid. Ang mga kaso ng pagkawala, kagaya ng sinapit ni Jonas, ay bunga ng sintunadong tono ng akmang paniniil ng estado sa pamamagitan ng mga bulok nitong instrumento, na ngayon ay nagdidiwang-anyo sa porma ng Anti-Terror Law at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Sa likod ng sinasabing mga kontra-insurhensiyang inisyatiba, itinatago ang katotohanan na pinaglalaanan ito ng bilyon-bilyong piso upang ipanghugas-kamay ng pasistang estado — na ang pinakamadaling paraan ay ang pagpapatahimik sa mga sumusubok ilantad ang dungis nito.
Kaya, sa ngalan ng muling pagkislap ng mga alipato at pamamalik-tahanan sa ating mga muog, ang pakikibaka ay patuloy na mag-aalab. Bagaman hindi hihinto ang estado sa pagsuyod at pagkatok sa mga kasama mula lansangan hanggang kanayunan, hindi rin hihinto ang masang anakpawis na makibaka at ilantad ang katotohanan. Hindi alam ng estado na hindi tuluyang nawala si Jonas — buhay na buhay siya sa diwa ng sambayanang lumalaban at kumikilos.
Ang mga dinakip na hindi sigurado kung kailan babalik ay patuloy na mananahan sa mga tao at lugar na minsan na nilang naging kanlungan. Maging sa mga kalsadang kanilang nilakaran, basong ininuman, mga damit na hindi na muling malalabhan, at mga mahal sa buhay nilang hinagkan, hindi kailaman sila malilimutan. Sa yakap ng hangin na lang malalasap ng mga naiwan ang init ng yakap ng nawala. Sa parehong hanging ito lang din nila maipapanalangin ang wakas ng pangungulila. Panalangin na sana’y kagaya ng buwan at araw, ang minsang lumubog ay bukas lilitaw. Bukas. Sana. Lumitaw.