Mga Lihim sa Museo Doloris
Nina Tyrese Dela Cruz at Joanna Pauline Honasan
Ayon sa bulung-bulungan, sa pinakamadilim na sulok ng museo matatagpuan ang mga obra maestrang makapanindig-balahibo dahil sa taglay nilang kariktan. Nanlilisik ang tingin ng mga pigura, pinapanood ang bawat galaw ng mga bisita. Lahat ng pinturang pula ay mapagkakamalang sariwang dugo na anumang oras ay handang lumuwa mula sa mga larawan.
Ngunit sa balintataw ng isang batang nangangarap mag-maniobra ng brotsa at pintura balang-araw, lahat ng nakapintang larawan sa silid ay buhay. Marahil ito’y dahil tila tumatagos mula sa kambas ang pighati’t pasakit na paulit-ulit nilang nararanasan. Ang mga obra’y salamin ng mundong kanyang ginagalawan; sinasampal siya ng katotohanang ang magarang museo ay ‘di para sa katulad nyang iginagapang sa hirap ng tatay na tsuper.
Bitbit ang kuryosidad sa mundong ginagalawan, sinuong ng bata ang museong tanging mararangya lamang ang maaaring pumasok. Mga tinging sintalim ng patalim ang nakabantay sa kaniyang bawat kilos; mula sa mga gwardya’t lalo na sa mga bisita.
Gallery I: The Burning in Neo-Manila
Madilim at malamig sa museo kapag naglalakad sa gabi, ngunit lahat ng pangamba’y nabura nang may makita siyang umaandap na ilaw sa dulong silid. Habang wala ang gwardya, kumaripas siya rito, at bumungad ang larawan ng dalawang babaeng nakagapos sa gitna ng siyudad na nilalamon ng apoy ng modernisasyon.
Busal man ang mga bibig ay nagpupumiglas ang dalawang babae; maya’t maya pa ay narinig ng bata ang malakas nilang tinig kahit pilit itong nilulunod ng ugong ng mga bulldozer at crane, pati ng mga nagkikiskisang bakal at naghahalong semento. Sa kagustuhang lumaban mula sa mga puwersang bumbusal sa kanila, biglang dumilat ang talukap ng kanilang mga mata.
Nagulantang ang bata. Kinuskos niya ang kanyang mga mata ngunit nanatiling nakadilat ang kaninang walang malay na nakagapos sa larawan. Mistulang humihingi ng tulong ang kanilang mga titig, desperadong makahulagpos mula sa mahigpit na pagkakatali.
Biglang binalot ng katahimikan muli ang silid. Lumalakas na ang yabag ng paa ng mga gwardya; naaninag ng bata ang liwanag ng flashlight, kaya naman dali-dali na siyang nagtago sa likod ng istatwa.
Gallery II: Rape and Massacre in Ancestral Lands
Sa paghina ng yabag ng paa ng mga gwardyang nagroronda’y sumabay naman ang putok ng kanyon sa ‘di kalayuan. Napuno ang silid ng daing ng isang buong kabahayan; umalingawngaw ang kanilang hinagpis laban sa mapang-aping mga kalalakihan. Nagulat pa lalo ang bata nang biglang mamantsahan ng pula ang kanyang pantalon — ang dugong nasa obra lamang kanina ay ngayo’y tumatagaktak na. Ito’y sariwa’t matingkad, at ang larawa’y gumagalaw na rin!
Nagpupumiglas ang babae sa gitna, lumalaban sa gapos ng militar na ipinadala sa payapa nilang lupain. “Pakiusap, tulungan at damayan mo kami! Kailangan nilang lumayas sa tahanan namin!” pagmamakaawa ng babae, habang pilit lumalaban at dinedepensahan ang kanyang supling.
“Interes sa yaman ng lupa ang numero unang dahilan kaya’t narito sila sa aming lupain. Nais nilang pagsamantalahan ang mga kababaihan at ang aming lupang ninuno. Mga walang hiya’t sakim!” dagdag pa niya. Sumagi sa isipan ng bata ang patagong pag-uusap ng kaniyang magulang noong isang gabi ukol sa mga armadong lalaking nagpapalakad-lakad sa bahay ng kaniyang lola.
Doon sa probinsya, nakatira ang kanyang lola sa malawak na lupaing isang siglo nang sinasaka ng kanilang pamayanan. Tahimik silang namumuhay dito, nang biglang pagkainteresan ng malalaking kumpanya ang kanilang hitik sa yamang kalupaan.
“Maski sa mga lupaing malalayo, doon sa ibang bahagi ng mundo, ay pinagsasamantalahan din sila nang ganito,” sabi pa ng babae habang pilit na inaagaw ang kutsilyo mula sa militar. “Lilipulin nila maski isang buong lahi. Wawasakin nila ang mga kabahayan, pagamutan, at pananiman — sa ngalan ng pagkagahaman!”
Napakurap lamang saglit ang bata, at ngayo’y bahagi na muli ang babae ng isang obrang nakakulong sa pinta at midyum.
Gallery III: Kinupot
Nagising ang diwa ng bata nang may marinig siyang mga boses na humihiyaw sa loob ng museo. Hinanap niya ang pinanggalingan ng mga ito. Sa kaniyang bawat hakbang ay lalong lumalakas ang sigaw na kanyang naririnig. Halo-halo at magulo; may matinis, garalgal, iyak ng bata, at daing ng matanda. Unti-unting bumilis ang kaniyang paghakbang, hanggang sa ang lakad niya ay naging takbo, at mapadpad siya sa harap ng isang eksibisyon.
Mga hindi mawaring pigurang kinuha, pinagsama-sama’t isinupot gamit ang puting tela.. May anyo ng kamay, paa, siko, braso, at mukha sa ilalim ng tela na hindi makaalpas. Marahil ang ibang katawa’y patay na, o kung buhay man ay nag-aagaw-buhay.
Akmang hahawaka’t aalisin ng bata ang puting tela, pakakawalan ang ikinulong nitong mga kaluluwa, nang mapalitan ng dagundong ng boses ng gwardya ang hiyawan sa paligid.
Gallery IV: Sa Himlayan
“Sino ‘yan?!” napatalon sa gulat ang bata. Hindi sapat ang poste ng istatuwa upang itago ang kanyang musmos na katawan, sapagkat nakatutok na sa kaniya ngayon ang flashlight — para bang isang pesteng nahuli sa palayan na nais puksain dahil wala siya sa kaniyang dapat kalagyan.
“Lintik na — boy, paano ka nakapasok rito?!” singhal ng gwardya, sabay pito sa tahimik at malamig na pasilyo. Akmang tatakbo pa ang bata nang biglang may dalawang putok ng baril na umugong sa silid. Isa sa tagiliran, isa sa dibdib — siya’y bumulagta sa malamig na sahig, dama ang malapot at mainit-init niyang dugong kumakalat mula sa kanyang katawan.
“Bata lang po ako,” bulong niya habang unti-unting nanghihina. Napatingala siya sa kuwadrong naglalaman ng ikaapat na obra sa loob ng silid. Wala na ang imahe ng lalaking nakabulagta sa likod ng baliktad na watawat ng Pilipinas; bagkus, isang silipan ang naroon, kung saan natatanaw niya ang mga mararangyang personalidad na palakad-lakad. Siya’y sinisilip lamang nila, pinagmamasdan mula sa malayo gamit ang malamlam at walang kaemo-emosyong mga mata. Ang iba’y kinukuhanan pa siya ng larawan, o pumu-postura sa harap niya, na para bang hindi nila naririnig ang kanyang daing.
Ito ang mga lihim ng Museo Doloris — ang museo ng pighati, kung saan ang mga obrang salamin ng realidad ng lipunan ay ikinukulong lamang sa loob ng mga pader ng silid na tanging mga makapangyarihan at mayayamang personalidad lamang ang nakakakita. Sapagkat ang pighati ng mga obra’y kanilang kaligayahan. Gayunpaman, sila’y nananatiling nagngangalit, naghihintay ng panibagong batang mangangahas tahakin ang pinagbabawal na landas upang basagin ang tanikala at isiwalat sa mundo ang mga ikinukubling dalita.