Mga manggagawa, nanawagan para sa agarang pagpapatupad ng P100 umento sa sahod

The Manila Collegian
2 min readMar 10, 2024

--

ni Casandra Peñaverde

Matapos ang desisyon ng senado noong Peb. 19 na aprubahan at ipatupad sa pangatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nagpapatupad ng P100 dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor, nanawagan ang mga manggagawa para sa agaran nitong pagpapatupad dahil ito’y matagal nang ipinagkait ng pamahalaan.

Noong 1989 pa ang huling taon na nakapagsabatas ang Kongreso ng dagdag sahod na nagkakahalaga ng P25 sa ilalim ng Wage Rationalization Act. Sa lagay ngayon, nakakuha na ang Senate Bill 2534 o “An Act Providing for a 100 Pesos Daily Minimum Wage Increase for Employees and Workers in the Private Sector” ng 20 na pabor na boto mula sa Senado.

Mula sa P503.23 na minimum na sahod noong Oktubre, pumapatak na sa P610 ngayon ang pasahod sa mga mangagagawa.

Lumalabas na kahit anong kayod ng mga Pilipinong manggagawa, doble o triple, naghihikahos pa rin ang mga ito maabot lang ang “sapat” sa araw-araw.

Sa pahayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU), iginiit nila na kung tutuusin, kulang na kulang pa ang inaprubahan na dagdag sahod sa gastusin ng mga Pilipino.

“Albeit welcome, we would like to highlight that this is insufficient for the daily needs of workers, especially amid the spikes in prices over the last few months. According to the IBON Foundation, the family living wage for a family of five is now pegged at P1193/day. Nonetheless, we expect the speedy passage and implementation of such a wage increase,” saad ng KMU.

Dagdag na rito ang hindi bumabagal na pagbaba ng halaga ng piso na nagresulta sa patuloy na paglobo ng mga presyo ng bilihin sa pagkain at iba pang mga pangangailangan.

Sa kabilang dako, mayroon ding pagtutol ang ilang mambabatas ng Mababang Kongreso, Federation for Economic Freedom, Employers Confederation of the Philippines (ECOP), at Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) sa dagdag-sahod dahil maapektuhan daw nito ang mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) at potensyal na foreign investors sa pagtaas ng gastos sa produksyon.

Sa pag-aaral ng IBON foundation, 7.1% lamang ng mga pribadong kumpanya ang saklaw ng panukala kaya imposibleng magresulta ito sa implasyon. Ipinapakita nito na hindi natatasa ng mga umaalma ang tunay na dahilan ng pagsusulong ng dagdag-sahod dahil babangga sa kanilang sariling interes ito.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet