Mga Multong Humihingi ng Saklolo

The Manila Collegian
9 min readOct 10, 2024

--

nina Chester Leangee Datoon at Joanna Pauline Honasan

Sa mga pelikula, isang elementong kinatatakutan ng lahat ang mga multo na nagtatago sa dilim. Nakakataas balahibo nga naman ang mga alulong, pagkalabog, at pagdampi ng mga bagay na hindi nakikita o nalalaman. Marahil isang rason kung bakit kahindik-hindik ang mga ito ay dahil sa katotohanang takot ang tao sa mga bagay na hindi nito alam — fear of the unknown, ika nga nila.

Ngunit hindi lamang sa mga pelikula makikita ang mga multo. Sa loob mismo ng masukal at madilim na bahagi ng ating isip ay may nagtatagong elemento — isang enerhiyang makapangyarihan, sapagkat kaya nitong diktahan ang kilos, persepsyon, at haba ng buhay ng isang tao.

Bagaman it’s all in the mind, malaki ang impluwensya ng mental nating kalagayan sa ating abilidad na kumilos at mabuhay, sapagkat ang kalusugan ay hindi lamang pisikal. Kung kaya, mahalagang ugatin kung ano nga ba ang tunay na wangis ng mga multong nagtatago sa kailaliman ng ating isipan.

Shake: Pagkapa sa Kawalan

Sa bawat araw na lumilipas ay tila binabalot ka ng kumot ng lumbay. Animo’y pasan mo ang mundo, wala ka nang makitang rason kung bakit kailangan pang magpatuloy. Hindi na ikaw ang dating ikaw. Ngayon, mahirap na ang bumangon, mahirap kumain, at mahirap humarap sa mga tao. Ano kayang nangyayari sa’yo? Nagtataka, pilit mong kinakapa ang madilim na kawalan, naghahanap ng kasagutan.

Nitong mga nakaraang taon, kapansin-pansin ang pagtaas ng bilang ng mga may problema sa mental health sa Pilipinas, na siyang mas lumala pa nang nagkaroon ng pandemya. Hindi na nakapagtatakang kaliwa’t kanan sa social media ang uri ng content na nakasentro sa iba’t ibang mental health disorders tulad ng depression, anxiety, attention-deficit hyperactivity disorder (ADHD), at iba pa. Bagaman isang positibong bagay na mas kinikilala na ngayong panahon ang pagiging ‘totoo’ ng mental health, nagiging suliranin na rin ang pag-self diagnose ng mga tao sa kanilang mga kondisyon. Sapagkat mahal magpatingin sa mga eksperto tulad ng mga sikolohista, kadalasan ay sa internet o mga kaibigan at kakilala lamang kumukuha ng impormasyon ang mga taong may nararanasang sintomas imbes na isang propesyonal.

Hindi rin maiiwasan na umasa na lamang sa kung anong abot-kamay na materyal ang mga taong nangangailangan ng tulong. Sa Pilipinas, ang konsultasyon sa mental na kalusugan ay naisasagawa lamang sa mga pribadong klinika o ‘di kaya’y mga ospital, na hindi aksesible lalo na sa mga malalayong komunidad.

Kung sa bagay, ang unang hakbang para makalaya sa tanikala ng suliranin sa mental health ay ang pag-alam sa tunay na wangis nito. Kumbaga, bago harapin ang isang kalaban ay kailangang malaman ang paraan ng pagkilos, itsura, at kalubhaan. Mayroon ding ginhawang naidudulot ang pagkakaroon ng label o pag-alam sa tunay na natura ng iyong nararanasan, sapagkat tulad ng ibang sakit, mas nalalaman na ng isang tao kung ano ang kaniyang gagawin o kung anong klaseng tulong ang kaniyang kailangan.

Gayunpaman, ang self-diagnosis ng mental na kalagayan ay maaaring magdulot ng paglabnaw ng tunay na esensya o kahulugan ng isang sakit. Sapagkat masyadong malawak ang nilalaman o ‘di kaya’y parating laman ng mga biro sa mga bidyo o ‘relatable’ post ang mga problema sa mental health, pwedeng hindi na ito seryosohin o basta-basta na lang mag-diagnose ng sarili ang mga tao.

Mapanganib na umasa sa self-diagnosis sapagkat maaaring magkaroon ng maling diagnosis na siyang magreresulta sa hindi tamang aksyon o interbensyon ng isang sakit. Mahalagang isaisip ito lalo na’t talamak ang pagkalat ng maling impormasyon o payo sa social media gaya ng mga short-form video na tinatangkilik kadalasan ng mga tao. Dahil sa desperasyon na magamot ang sarili, dagdag peligro din ito dahil pwedeng bumili ng counterfeit na gamot online ang isang pasyente.

Rattle: Pagkauga Dulot ng Sistema

Sumigaw ka man, pakiramdam mo’y walang nakakarinig sa boses mo. Subukan mo mang halughugin ang iba’t ibang sulok ng mundo, hindi mo maaninag ang liwanag. Pagdilat mo’y nasa ilalim ka ng malalim na balon — walang makakapitan, walang kasangga, kahit gustuhin mo mang makaalpas.

Kung may impeksyon o lagnat ang isang tao, mas madali itong gamutin dahil may malalapitang doktor at libreng gamot sa mga health center. Ngunit kung ang pasyente’y nakararamdam ng labis na kalungkutan ng ilang buwan — isa sa mga sintomas ng depresyon — ay hindi kaagad sumasagi sa kanyang isip na magpakonsulta sa isang propesyonal o di kaya’y magpagamot. Dito pa lamang, makikita ang pagkakaiba sa kung paano itinuturing sa lipunan ang mga pisikal na sakit kumpara sa mga suliranin sa mental health.

Kung uugatin ang puno’t dulo ng krisis sa mental health, makikita na ang kakulangan sa aksesibleng klinika at propesyonal ang isa sa mga nagtutulak kung bakit tumataas ang estadistika ng mga nagkakaroon ng sakit sa mental health. Bagaman ipinasa noong 2019 ang Universal Health Care (UHC) Law, kung saan binibigyang importansya ang pagbibigay serbisyo sa mga primary health care facilities, hindi pa rin ito nasasalamin sa aspeto ng sikolohikal na kalusugan.

Ngunit bakit nga ba mailap pa rin sa mga Pilipino ang mga aksesibleng mental health services? Ayon kay Asst. Prof. Frances Lois Ngo, isang guro mula sa Kolehiyo ng Parmasiya sa Unibersidad ng Pilipinas Manila, itinuturing na specialized healthcare ang mental health sapagkat nangangailangan ito ng mga specialized healthcare worker tulad ng mga psychologist at psychiatrist. Kaya naman para tugunan ang paglala ng mental health ng mga Pilipino, kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang Kagawaran ng Kalusugan (DOH) sa mga pribadong klinika at non-government organization upang mapalawak ng serbisyo.

Bukod rito, sa bisa rin ng Mental Health Act noong 2018, sinubukang palawigin ang mga serbisyo sa pamamagitan ng Mental Health Gap Action Programme at pagiging bukas ng crisis hotline ng National Center for Mental Health. Ngunit hindi sapat ang ganitong mga paraan upang gawing abot-kamay ang serbisyo lalo na sa mga malalayong komunidad. Kaya naman dagdag pa ni Ngo na kailangang tasahin ang kasalukuyang mental health program sa Pilipinas kung akma at nakakaabot pa ito sa mga nasa laylayan ng lipunan.

Upang tugunan din ang isyu sa mental health ng mga Pilipino, marapat lamang na bigyang-pansin din sa bawat polisiya at iba pang proyekto ang anim na health system building blocks ng pampublikong kalusugan. Ayon sa World Health Organization, ito ay ang paghahatid ng serbisyo (service delivery), mga manggagawang pangkalusugan (health workforce), impormasyon (health information), mga gamot at medikal na teknolohiya (medicines and health technologies), pagpopondo (financing), at pamumuno at pamamahala (leadership and governance).

Ibig sabihin, mas kailangang paramihin pa ang mga klinikang nagbibigay ng konsultasyon sa mental health at maglaan ang pamahalaan ng mga inisyatiba upang magtrabaho sa bansa ang mga psychologist, psychiatrist, at nars. Importante rin ang pagbaka sa mga miskonsepsyon at pagwasak sa stigma sa pagpapakonsulta para sa mental health.

Bukod pa rito, kahingian din na magkaroon ng mas aksesible at abot-kaya sa bulsa na mga gamot para sa mga nangangailangan ng medikasyon. Higit sa lahat, mas gugulong ang mga programa sa mental health kung ito’y popondohan at hindi ibubulsa ng mga nasa gobyerno.

Roll: Ang Siklong Nagpapatuloy

Kasabay ng ugong ng tambutso ng mga sasakyan, nakaririnding ingay ng dumaraang tren, at kalabog ng karitong itinutulak ng manininda, rinig mo ang boses ni Satanas sa likod ng iyong utak. Ang pagdampi ng simoy ng hangin na waring galamay ni Leviathan na pumupulupot sa iyong katawan ay pinapalala ng mata ng mga anghel na pumalit sa mga bituin ng kalangitan kung makatutok sa’yo. Sa pagkurap ng iyong mata, binabaybay mo lang ang kahabaan ng kalsada — minumulto ka na.

Buhat ng labis na kakulangan ng sapat na akses sa mental health services para sa mga Pilipino, nananatiling ‘taboo’ ang usapin ito, lalong-lalo na sa mga nasa probinsya. Ang suliraning ito ay pinapalala pa ng samot-saring social media content hinggil sa mga karamdamang kaugnay sa mental health at maging ang paglalarawan ng mga pelikula’t palabas sa mga kondisyon tulad ng schizophrenia, bipolar disorder, at psychosis na palasak na nakikita sa temang horror o thriller.

Kaya naman, hindi na kataka-takang ang diskurso hinggil sa mental health sa Pilipinas ay mistulang paglabas ni Sadako sa telebisyon — nakakintal sa utak ng marami na ang mga kondisyon sa mental health ay nagdudulot na kausapin ang sarili o magmukhang sinasapian ng demonyo. Sa mga ganitong halimbawa, hindi na nakapagtatakang minsang umusbong ang mga terminolohiya tulad ng “saltik sa utak,” “topak,” at “sayad.”

Kabuhol nito, naiisip ng mga Pilipinong at risk sa mga kondisyon sa mental health na sarilihin na lang ang kanilang nararamdaman sa takot na maturingan ng lipunan na may problema sa utak. Makikitang it’s giving statistics ang estado ng pagda-diagnose ng mga sakit sa mental health sa Pilipinas buhat ng dami ng false positive at false negative. May mga pasyenteng pilit na itinatago ang kanilang kondisyon buhat ng naiisip nilang pangungutya sa lipunan, habang may healthy na Pilipino namang nilalapatan ang kanilang sarili bilang ‘clinicallydepressed buhat ng ’10 signs that you have anxiety’ na nakita nang i-Google ang sagot sa tanong kung bakit siya malungkot.

Subalit hindi mo rin masisi ang mga Pilipinong umaasa na lamang sa mga sagot sa internet upang sikap na intindihin ang kanilang sarili. Bukod sa kawalan ng mga psychologist at psychiatrist sa probinsya, malaking butas din sa bulsa ang bawat session kasama ang psychologist at pagbili ng nireresetang gamot ng mga psychiatrist para sa maraming Pilipino. Kaya para sa marami, dahil hindi pisikal na nakikita ang epekto ng mga sakit sa mental health, madalas ay itinatago na lamang ito, sapagkat ito raw ay sakit na nangangailangan ng ‘luho.’

Gayunpaman, sa kabila ng multo-fication ng mga sakit sa mental health, malayo-layo na rin ang narating ng lipunang Pilipinas sa pagbuo ng makabuluhang diskurso rito. Kung noon ay madalas na naririnig ang “kulang ka lang sa dasal iho/iha,” sa kasalukuyang henerasyon, kinikilala na ng maraming Pilipino ang reyalidad ng sakit sa mental health sa lipunan.

Ngunit malayo-layo pa ang kailangang tahakin ng bansa upang masigurado ang kapakanan ng lahat sa mental health. Isa na rito ay ang pagbalikwas sa hilig ng mga paaralang ulit-ulit na magkondukta ng mga mental health seminar na hindi rin naman gaanong pinalalalim ang pagpapabuti ng kapakanan ng mga estudyante. Sa pagpapahalaga sa mental health, mahalagang isaisip na may iba-iba ring social determinants na nakakaapekto, tulad ng pinansyal, edukasyon, sosyal at pangkomunidad na aspeto, akses sa dekalidad na serbisyong pangkalusugan, at kapaligiran.

Hindi Totoo ang Multo

Nakaugat man sa kasalatan ang persepyon ng mga Pilipino pagdating sa usapin ng mental health, nagsisimula na ring umusbong ang mga inisyatibang naglalayong bigyang akses ang mga Pilipinong clinically diagnosed sa iba’t ibang kondisyon sa mental health. Halimbawa na lamang ay ang pagpasa ng Medicine Access Program for Mental Health (MAP-MH) drugs ng Department of Health kung saan libreng makakakuha ang mga Pilipino ng gamot para sa kanilang karamdaman sa piling sangay ng kagawaran.

Kaakibat nito, napapanahon na rin ang pagsasanay sa ibang healthcare workers ng bansa, lalong-lalo na ang mga nars at parmasyutiko sa mga lalawigan, hinggil sa angkop na interbensyon sa mga senyales ng kondisyon sa mental health ng mga mamamayan. Kabuhol nito, nararapat lang din na palawigin ang programa ng bansa na isali ang mental health services sa pagbuo ng mga rural health units at health centers sa bawat rehiyon at probinsya, kahit pa na itinuturing itong specialized care. Maisasakatuparan ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na pondo at pagpapaigting ng benepisyong natatanggap ng mga psychologist at psychiatrist.

Layon ng UHC na ipaabot sa mga Pilipino ang dekalidad at patas na serbisyong pangkalusugan, subalit sa kabila ng mga sakit tulad ng kanser, hypertension, at diabetes, madalas nakakalimutan ang mga sakit sa mental health buhat lamang ng kawalan ng pisikal na sintomas nito. Sa halip na paghambingin kung saang sakit ang mas matimbang, marapat lamang na pagtuunan ng pamahalaan ang dalawang uri ng mga sakit na ito sapagkat danas ito ng mga Pilipino. Sa patuloy na pagsandig sa kawalang-kaalaman ng mga Pilipino sa sakit nila — mas pinipili na lamang nilang maniwala sa mga pekeng impormasyon at maling gawain para lamang maibsan ang ‘di mawaring karamdaman.

Sa pagmulat mo sa bawat umaga, nakapaligid pa rin ang mga anghel at demonyong tila lamok na bumubulong sa iyong tainga. Marahil pakiramdam mo’y paulit-ulit ka na lamang nahuhulog sa nakakasawang siklo kung saan ang iyong kalagayan ay hindi nakikita’t naririnig nino man. Ngunit ika’y hindi multo — marahil ika’y naturingan lamang — buhat ng sistemang pangkalusugang nakaligtaang akayin ka para bigyang kalinawan ang iyong nararamdaman.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet