Mga progresibong alyansa, tagumpay sa pagpapatalsik kay Sara sa pwesto
ni Ronnell Manilag
Matapos ang mahigit dalawang buwang pangangalampag ng mga progresibong grupo laban sa katiwalian ng bise-presidente, nilagdaan na ng 215 miyembro ng Kamara, lagpas sa ⅓ lamang na kailangan, ang ika-apat na impeachment complaint laban kay Sara Duterte noong Pebrero 5.
Kabilang ito sa tatlong impeachment complaints pa na isinumite ng iba’t ibang grupo, na bawat isa’y may grounds of accusation na umiikot sa makasalanang paglabag sa konstitusyon, pandarambong, panunuhol, at pagtataksil ng bise presidente sa tiwala ng publiko.
Sa mga dokumentong ito, idiniin ang lantarang pang-aabuso sa kapangyarihan ni Duterte, mapagmula pa lamang noong siya ay alkalde ng Davao, hanggang sa kanyang pagkaluklok bilang pangalawang pangulo.
Sa unang impeachment complaint na ipinasa noong Disyembre 2, pormal na inireklamo ang partisipasyon ni Duterte sa extrajudicial killings ng kaniyang ama, pagbabanta sa buhay ng pangulo, at ang kawalan ng tugon sa agresibong Tsina sa West Philippine Sea.
Sa ikalawa at ikatlong impeachment complaint naman na isinumite noong Disyembre 2 at 17, inireklamo ang pandarambong ni Duterte–ang iligal na paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na umabot sa P612.5 milyon. Kabilang na rito ang P16 milyon na siyang ginamit sa renta at maintenance ng “safe houses” na ginamit nila.
Nang mahuli sa pandarambong, sinundan niya ito nang magsumite siya ng mga pekeng acknowledgment receipt sa Commission on Audit (COA). Noong Disyembre 9, inanunsyo ng COA na non-existent ang 405 sa 677 na recipients ng confidential funds ng dalawang kagawaran. Palyado rin ang mga resibo na may mga mali-maling petsa at malalabong mga lagda.
Kapag naendorso na ng isang miyembro ng Kamara ang impeachment complaint, kinakailangang maisama ito sa order of business ng institusyon sa loob ng 10 session days matapos matanggap ang dokumento. At kapag nagawa iyon, kinakailangang maibigay ito sa Committee on Justice ng kamara sa loob ng tatlong session days, nang mahatulan kung ang dokumento ay may sapat na ebidensya.
Ibig sabihin, nabusisi na dapat ito ng kamara bago pa mag Enero 13, at naiendorso na sa naturang komite bago mag Enero 20 upang masuri ang dokumento.
Ngunit sa tatlong impeachment complaints na ipinasa ng mga multisektoral na grupo’t koalisyon, walang dumaan sa due process. Ayon sa pahayag ni House Secretary General Reginald Velasco, plano niya pa lamang ipasa ang mga nasabing dokumento sa unang linggo ng Pebrero — mahigit dalawang buwan na ang nakalipas nang ipasa ang unang impeachment complaint.
Sa isang joint statement naman nina ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, at Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel, kinondena nila ang mabagal na pagproseso ng kamara sa impeachment complaints. Bagay na bunga ng hindi pagsang-ayon ng pangulo sa pagpapatalsik sa kaniyang bise-presidente.
Ayon sa kanila, ang pahayag ng pangulo na hindi mahalaga ang mga hinaing impeachment complaint laban kay Duterte ang pinakamalaking dagok sa proseso ng pagpapatalsik sa kaniya.
Sa gitna ng kawalan ng kaganapan sa kongreso hinggil sa mga inihaing impeachment complaints, dinala ng mga progresibong grupo ang aksyon sa daan. Nagsagawa ng malawakang pagkilos noong Enero 31 sa People Power Monument, EDSA Shrine, Liwasang Bonifacio, at iba pang lugar sa Pilipinas. Pinangunahan ng Koalisyon ng Akbayan, Magdalo, at Tindig Pilipinas ang pakikibaka laban sa impeachment proceedings na hindi umuusad sa Kamara.
Pinangunahan naman ng mga lider ng Simbahang Katoliko gaya ni Bishop Soc Villegas ang rally sa Dagupan noong Enero 30. Kasama niya ang Clergy and Citizens for Good Governance sa paghingi ng pananagutan mula sa rehimeng Marcos-Duterte at sa Kongreso.
Ngayong na-aprubahan na ng Kamara ang impeachment complaint sa bise-presidente, dadaan na ito sa Senado na kung saan ayon sa batas, 16 sa 24 na nakaupo ang kailangang sumang-ayon sa upang maisakatuparan ang pagpapatalsik kay Duterte.
Sa mabagal na pag-usad ng dokumento sa kamay ng Kamara, inanunsiyo ni Senate President Chiz Escudero na sa Hunyo pa muling mailalatag ang isinumiteng impeachment complaint sa Senado.
Ayon naman sa isang pahayag ng Buhay ang EDSA People Power Network hinggil sa pagkaantala ng impeachment proceedings sa senado, iginiit ni Ging Deles na sa oras na matanggap ng Senado ang impeachment complaint, kailangang simulan kaagad ang impeachment trial para rito.
“For the senators, this is the time for them to take advantage of the opportunity to show if they are going to stand for democracy or be an enemy of it,” ani Volt Bohol ng August 21 Movement (ATOM).
Patuloy na nakikibaka ang iba’t ibang mga progresibong grupo upang ipanawagan ang tuluyang pagpapatalsik kay Sara Duterte. Kabilang na rito ang mga konseho at publikasyon ng UP System, na nagsagawa kilos-protesta, kasama ang Koalisyong Makabayan, sa ikalawang araw ng kumbensyon ng 58th General Assembly of Student Councils noong Pebrero 7.