Mga Sandata ng Paglaya

The Manila Collegian
10 min readMay 2, 2024

ng Seksyon ng Kultura

Dibuho ni Pilar Florento

Kapag sinabing sandata, baril at iba pang mga armas pandigma ang unang pumapasok sa isip ng marami. Ngunit, ang lahat ng bagay ay maaaring maging sandata, lalo pa kung ang tumatangan nito’y may layuning makibaka. Tulad ng maso, sa pagpapanibagong hubog nito, naitataas ang kanyang kaukulan — mula simpleng kagamitang pamukpok tungong sandatang may kakayahang lansagin ang isang sistemang bulok.

Sa patuloy na pagtutulak ng gobyerno sa Charter Change (Cha-Cha) — pagbabagong sa kanila lamang pumapabor — ating basahin kung paanong ang mga bagay o katangiang taglay ng iba’t ibang manggagawang Pilipino ay maaari nilang maging sandata sa mga umiiral nang pasakit sa bansa, na mas palalalain pa ng Cha-Cha.

Bisig

ni Jo Maline Mamangun

Mas pipiliin nilang magtiis kaysa magreklamo dahil baka mawalan pa ng trabaho. Pinagkikibit-balikat na lang ang pananamantala ng mga kapitalista, at pang-aalipin ng mga mayayamang uri, para sa inaasam na ginhawa. Iyan ang reyalidad na kinahaharap ng mga manggagawa sa industriya ng pagseserbisyo.

Streetsweeper, service crew, barbero, kolektor ng basura, manikurista, at kargador — ilan lamang sila sa marami pang halimbawa ng mga manggagawang ‘isang kayod, isang tuka’ ang matagal nang katotohanang araw-araw sa kanila’y gumigising. Dumagdag pa sa bigat ng pasanin ang kawalang-respeto ng mga taong mataas ang tingin sa sarili, ginagawang biro’t katatawanan ang mas nakabababa sa kanila — pinapahiran ng icing sa mukha, idinadahilan ang kaarawan para sa buktot na gawa.

Pagtatamasa ng batayang karapatan sa paggawa — kabilang ang magalang na pagtrato — ang kanilang hiling. ‘Di man nila ito laging naisasatinig, sapagkat kulang pa ang isang araw sa pagtatrabaho, ngunit sa sandaling sila’y magkapit-bisig, at mapagtantong ang kanilang pinagsama-samang lakas ay kayang baguhin ang mundo, tiyak na higit pa sa mga simpleng hiling ang kanilang matatamo.

KARITON

ni Renato Bolo III

Whole package na po, kalesa libot sa Intramuros! Ito ang pang-araw-araw na sambit ng informal workers habang naghahanap-buhay sa mga kalsada ng siyudad. Sila ang walang-pagod na nagtataguyod ng pambansang ekonomiya sa kanilang pagtatrabaho sa mumurahing turismo at tabi-tabing baratilyo — isang nakakubling puwersa, ngunit malawak ang sakop.

Ang informal workers ay bumubuo ng halos 73% ng puwersang manggagawa sa Pilipinas at kinikilala bilang gulugod ng ekonomiya. Ngunit sa mata ng estado, sila’y pawang panggulo’t dumi sa lansangan — isang nakapasahol na pag-uugali na nagtataguyod sa pagkalugmok ng ekonomiyang Pilipino at ng estado ng informal workers.

Makikita ito sa paulit-ulit na mga insidente ng mga kawani ng gobyerno na sapilitang binabaklas ang mga kariton at karwahe, at pinalalayas ang mga manininda sa tabi ng kalsada nang walang abiso, awa, at respeto sa karapatang pantao para lamang sa ‘pagpapaganda’ ng siyudad.

Bukod sa paninda, tangan ng mga kariton ng mga manggagawa ang panawagang ‘Ang pagtitinda ay hindi krimen.’ Sapagkat, patuloy na ginagawang krimen ang marangal nilang paghahanapbuhay sa lipunang masalimuot, kung saan ang namamahala’y lantarang isinasawalang-bahala ang kapakanan ng puwersang manggagawa para lamang sa pagpapaganda ng labas na anyo ng siyudad habang iniiwan na bulok ang sistemang nakapaloob dito.

KAMBYO

ni Matthew Louis Olaer

Mga jeepney driver — ang mga tinaguriang hari ng kalsada, kasama ng kanilang mga karwaheng payak, ang bumabaybay sa masasalimuot na mga kalsada ng bansa. Sa gitna ng usok at ingay ng lansangan, tahimik silang namumuhunan, lulan sa kanilang bisig ang buong bayan — mula sa mag-aaral hanggang sa trabahador.

Ang langitngit ng kanilang karwahe ay panalangin para sa pag-unlad, ngunit sa halip na pasulong ay tila paatras ang naging tugon ng pamahalaan. Ang ipinataw ng mga naghaharing-uri sa hari ng lansangan ay ang walang pakundangang pagpapatupad ng PUV Modernization Program na maaaring magbaon sa mga tsuper sa utang. Sa ilalim nito, nagtakda ang estado ng mga tunguhin at deadline na hindi makatotohanan, habang isinasawalang-bahala ang kahusayan ng mga lokal na manggagawa, pabor sa mga imported modern jeepney.

Ang jeepney ay umusbong sa gitna ng pagbangon mula sa karahasan ng mga banyaga. Ito naman ngayon ay pinapatay ng pamahalaan sa ngalan ng dayuhang pamumuhunan. Ang paglipol sa jeepney ay pagkitil sa buhay at pagsisikap ng mga tsuper na marangal na nakikibaka para sa kinabukasan ng kanilang mga pamilya. Sa inaasam na kaunlaran, dadagundong ang busina at pipihit ang kambyo sa makinarya ng modernisasyon tungo sa isang makataong pag-abante kasama ang mga tsuper.

PANALANGIN

ni Bea De Guzman

“Sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo …” pinaka-taimtim ang mga panalangin ng mga nasa paliparan. Nawawalay sa pamilya’t halos magkandakuba sa pagtatrabaho para lamang kumita ng mas mababa sa minimum wage ng mga dayuhan, tila alipin ang trato sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) imbis na bigyan ng gantimpalang angkop sa tinuringang mga ‘bagong bayani’. Nalalagay man sila sa panganib — abuso, diskriminasyon, at pagkakasangkot sa mga giyera ng bansang pinagtatrabahuhan — ngunit daing ng karamihan, “walang choice” dahil walang hanapbuhay sa Inang Bayan.

Sa nagbabadyang Cha-Cha, mas lalong ibebenta ang dugo’t pawis ng mga mamamayan sa kamay ng mga dayuhan. Ngayon pa lamang, mahigpit na ang kapit ng mga banyaga sa Pilipinas — mula sa pakikipag-kompetensya sa mga lokal na negosyo hanggang sa ekonomiyang nakaasa sa pag-angkat ng produkto at pagluwas ng mga manggagawa.

Ika nga nila, nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Kaya naman, hindi natatapos sa panalangin ang pagkilos ng mga manggagawang migrante. Mula sa ibayong dagat, tangan nila ang kanilang diwa at boses upang patuloy na ipaglaban ang kalayaan ng mga Pilipino mula sa pamamahala ng mga dayuhan. Sigaw ng ating mga bagong bayani: “No to Cha-Cha and foreign plunder, fight for decent jobs at home and not abroad!”

Puso

ni Chester Leangee Datoon

“Overworked, underpaid!” Mula pa noon, ito na ang daing ng mga manggagawang pangkalusugan sa bansa. Sa oras na kanilang ginugugol at mga overtime na inilalaan dahil sa kakulangan ng manggagawa, ang salaping natatanggap nila’y kakarampot kung ihahambing sa serbisyong alay nila. Lumipas na’t lahat-lahat ang pandemya, suntok sa buwan pa rin ang pagbibigay ng benepisyo sa kanila.

Hindi rin maitatangging nagdudulot ang kakulangan ng sweldo at toxic working environment sa pagtaas ng mga manggagawang pangkalusugan na nangingibang-bansa. Sa ilalim ng isang pamahalaang mas pipiliing pagbawalan kang lumabas ng bansa para makakuha ng sweldong bubuhay sayo kaysa bigyan ng dagdag na sahod, kahirapan lamang ang kahahantungan ng isang manggagawa sa pagseserbisyo niya sa pampublikong kalusugan.

Sa patuloy na panggigipit sa mga manggagawang pangkalusugan, pati ang mga pasyente ay naaapektuhan. Sa kakulangan ng kagamitang pang-ospital at manggagawa, kapos ang natatanggap nilang angkop at episyenteng aruga.

Ang ganitong kalagayang kinahaharap ng sektor ng kalusugan ay mas lalong nag-uudyok na sa halip na Cha-Cha ang pagkagastusan, ang pondo ay dapat ilaan sa pagbili ng kagamitang pang-ospital at pagbibigay ng agarang sahod at benepisyo sa mga manggagawang pangkalusugan. Sa buong puso nilang pangangalaga sa kalusugan ng mga Pilipino, buong puso rin ang suportang dapat nilang matamo.

Pluma

ni Kristian Timothy Bautista

Hindi mawawala ang panawagang “Defend Press Freedom!” sa bawat malakihang protesta. Kung sa termino ni Duterte, mainit-init ang pagturing sa mga peryodista — na binabansagang mga terorista ng estado — sa dami ng kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag tulad ni Percy Lapid, masasabing patuloy itong nananatili sa termino ni Marcos Jr., ayon na rin sa patuloy na paglaki ng datos.

Dahil sa umiiral na kultura ng impunidad sa bansa, hindi nawawala ang panganib na nararanasan ng mga mamamahayag. Ang redtagging ay isa sa uri ng pag-atake na kanilang nararanasan, kung saan kahit ang mga kilalang manunulat tulad ni Atom Araullo ay walang takas.

Mula sa extortion sa pagpapabrika ng mga istorya hanggang sa pagpapakalat ng fake news laban sa mga mamamahayag, walang pinalalampas ang estado. Isang halimbawa rito ang pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa mga itinuturing nilang kaaway — malinaw na makikita sa panggigipit sa mga mamamahayag, lalo sa hanay ng alternatibong midya, tulad nina Frenchie Mae Cumpio, na apat na taon nang nakakulong.

Ang kahalagahan ng mga manunulat ay hindi tikis na tinutugunan ng Cha-Cha, ngunit mabusising ginugugol ng mga ito ang kanilang oras upang talakayin at ilantad sa madla ang tunay na pagsisilbihan ng ganitong panukala gamit ang kanilang pluma, sa ngalan ng demokrasya.

Panitik

ni Sophie Echivarre

Madalas pagbanggain ang interes ng mga humahawak ng panitik sa interes ng mga gumagamit ng karit at maso o kaya’y nagmamaneho ng jeep. Nakikita ito sa paglalarawan ng transport strike bilang abala para sa mga papasok sa opisina o mga gurong pinilit na mag-online class. Mapanganib ang ganitong pag-iisip dahil sa katotohana’y pare-parehas lamang silang pinagsasamantahalan.

Matindi rin ang represyon na kinakaharap ng white collar workers at propesyonal sa akademiya. Sa unibersidad pa lang, hindi makapagtrabaho nang maayos ang mga mananaliksik dahil sa kawalan ng pondo at ang mga may practicum ay pinagsasamantalahan ng malalaking kumpanya para makalibre sa lakas-paggawa. Lumalakas din ang atake sa mga progresibong gurong inaakusahan ng pagbe-brainwash sa mga estudyanteng minumulat nila sa tunay na kalagayan ng lipunan. Pati ang mga abogado ay nire-redtag at pinapatay tuwing nakikiisa sila sa pakikibaka ng masa at ipinagtatanggol ang interes ng nakararami.

Makikita sa bilyon-bilyong pisong inilalaan sa pagraratsada ng Cha-Cha na kayang-kayang taasan ang sweldo ng mga guro, suportahan ang mga siyentista, at pondohan ang mga polisiyang ipinaglalaban ng mga progresibong abogado. Subalit, dahil hindi sila ang prayoridad ng gobyerno, ang panitik ng mga manggagawang ito na mismo ang magsasalaysay ng mga hakbangin upang makamit ang tunay na pagbabago.

Lambat

ni Alyosha Trinidad

Mula sa inihaw na Bangus hanggang sa pritong Tilapia, ang bawat hila ng mangingisda sa kaniyang lambat ay katumbas ng inihahanda sa hapag-kainan ng libo-libong Pilipino. Sa kabila ng kanilang hindi maikukumparang tiyaga, ang kanilang sektor ay nananatiling isa sa mga pinakamahirap sa bansa. Habang sila’y nanghuhuli gamit ang lambat, ang kanila namang pook-pangisdaan ay pinagpaplanuhang lambatin ng pamahalaan at pinagsisilbihan nitong mga dayuhan.

Maliban sa climate change at kakulangan ng gobyerno sa pagbibigay ng sapat na subsidiya at suporta sa mga mangingisda, isa pang problemang dumadagdag sa kanilang pasakit ang patuloy na paglunsad ng mga proyektong reklamasyon at demolisyon sa coastal areas na nagdudulot ng kawalan ng espasyo ng pangisdaan at nagbibigay daan sa mas lumalalang importasyon.

Tila ba’y isang lambat din ang Cha-Cha na dumadakip sa hanapbuhay ng maraming Pilipinong mangingisda. Malubha ang epektong maidudulot ng pang-ekonomikong probisyon nito sa kanilang kabuhayan sapagkat nagpapahintulot ito ng komersyalisadong pangingisda at direktang pagmamay-ari ng mga dayuhan sa malalaking barkong palakaya.

Sa patuloy na panglalambat ng gobyerno at dayuhan sa mga pangisdaan sa bansa, mahalaga na makiisa sa laban ng mga mangingisda, nang ang lambat ay manatiling panghuli ng isda at ang mga pook-pangisdaan ay manatiling para sa mga mangingisdang Pilipino.

Barikada

ni Joanna Honasan

Kayod-kalabaw sila para maabot ang quota ng ganid na kapitalista, ngunit hindi pa rin nila natitikman ang katas ng kakarampot nilang sahod. Ito ang katotohanan sa likod ng mga barikada — ng piket layn kung saan búhay at kabuhayan ay itinataya ng mga manggagawa para sa maalwang bukas na inaasam.

May bahid ng dugo ang kamay ng malalaking kapitalista, sapagkat ilang dekada man ang nagdaan, talamak pa rin ang hindi makataong pagtrato sa mga manggagawang kontraktwal sa mga pagawaan. Palibhasa’y itinuturing silang pawang pipitsuging makinarya lamang, kung saan madaling palitan ang murang lakas-paggawa. Barya na lamang ang kinikita ng manggagawa, lalo pa’t patuloy na tumataas ang presyo ng bilihin.

Ang mga manggagawang kontraktwal — nasa pabrika man o opisina, tulad ng mga kawaning pangkalusugan — ay napipilitang mag-unyon. Sa sama-samang pagkilos, pinapalakas ang kanilang panawagan para sa mas nakabubuhay na sahod tulad ng isinusulong ngayon na P750 minimum wage sa Maynila at P500 sa mga probinsya.

Gayunpaman, dinadahas sila ng estadong pabaya. Ang mga nag-uunyong manggagawa ay tinatanggal o tinatakot sa trabaho; sa mga piket layn nama’y ginigitgit sila ng mga pulis o militar. Kaya naman patuloy ang sama-sama nilang pwersa sa pagtahak ng lansangan, upang marinig ng taumbayan ang daing ng laksa-laksang manggagawang nagpoprotesta. ▼

Karit

ni Isagani Miguel Ranillo

Patuloy na nananaig ang pyudalismo sa bansa bunga ng nabigong repormang agraryo. Lupa’y monopolyo na ng mga haciendero, at ang mga manggagawang-bukid nama’y walang ibang magawa kundi magpaka-alipin para sa ‘di makatarungang sahod. “Mas mabuti pa ang kaunti kaysa sa wala,” ika nila, kahit binabaon sila sa kahirapan ng ganitong sistema, tulad sa Hacienda Luisita.

Sa ilalim ng Cha-Cha, mapapahintulot ang 100% na dayuhang pagmamay-ari ng lupa. Mas lalo nitong mabibigyang-daan ang mga base militar ng Estados Unidos at mapapalala ang militarisasyon sa kanayunan. Sa gayon, wala na nga silang lupa at mababa ang sahod — na ibinabayad lang din sa utang — magiging kolateral pa sila ng pagpaslang dahil sa militarisasyon. Sa halip na bigyan sila ng lupa at sapat na pondo, ang mga ito’y mapupunta sa pagpapalaganap ng dayuhang hegemonya. Sa Cha-Cha, isa lang ang tiyak — ang mga bukirin ay babahain, hindi lamang ng pawis ng mga manggagawang-bukid, kundi pati rin ng kanilang dugo.

Matagal nang nilalabanan ng mga pesante, kasama ang mga manggagawang pang-agrikultura, ang land-grabbing ng mga lokal at dayuhang korporasyon. Naninindigan sila sa mukha ng kawalang-katarungan — sa panre-redtag, pagdukot, at pamamaslang. Nakataas ang kanilang mga karit at umaalingawngaw ang panawagang tunay na repormang agraryo at hustisya para sa mga pesanteng nagdurusa’t pinapaslang.

--

--

The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.