Midyear Ay ‘Di Karera
ni Chester Leangee Datoon
Finals season na naman sa UPM. Hindi pa nga nakakamove-on ang mga estudyante sa hagupit ng ikalawang semestre pero heto’t humaharap na naman ang ilang may midyear courses sa walang katapusang hamon ng buhay. Halos dalawang linggo lamang ang naging pahinga ng mga masisipag na iskolar dahil sa midyear na nakatakda sa kanilang kurikulum. Tila wala nang puwang ang mga linyang “huwag mag-alala, buhay ay ‘di karera” sa mabilis na agos ng kanilang buhay kolehiyo.
Ang midyear — o summer class noong nakataon pa ito sa panahong tag-init sa Pilipinas — ay isang espesyal na semestre na kalimitang tumatakbo ng anim na linggo, at nagsisimula pagkatapos ng ikalawang semestre. Sa panahong ito, maaaring kumuha ng mga GE at PE na kurso ang mga estudyante nang may pahintulot mula sa kanilang adviser. May piling degree program din na nagtatakda ng iilang asignatura na dapat kunin ng mga iskolar sa panahong ito. Ang ganitong uri ng academic calendar ay hindi nangangahulugang tri-sem na ang UPM, sapagkat nahahati lamang sa dalawang semestre, na tumatagal nang limang buwan, ang regular na pasukan.
Kung ikukumpara ang academic load ng midyear sa regular na semestre, mas mababa ang bilang ng mga yunit na kinukuha ng isang mag-aaral. Ngunit, hindi ito nangangahulugang stress-free na ang mga estudyante. Katunayan, minsan ay mas nakakapagod pa ang midyear dahil isinisiksik sa mahigit-kumulang dalawang buwan ang isang asignaturang kalimitang kinukuha sa lima hanggang anim na buwan. Kaya, litaw pa rin ang paspasang pagtuturo upang masiguro lamang na matapos ang asignatura at maabot ang mga layunin nito.
Bagaman mabilisan ang pagtuturo at buhay-eskwelang nararanasan tuwing midyear, ang semestreng ito ay ‘di lang panahon para sa mga GE, PE, at foundational courses ng bawat programa; panahon din ito ng internships ng mga mag-aaral. Gawa ng kahirapang pagsabayin ang internship at mga kursong kinukuha sa regular na semestre — na minsan ay may kasama pang laboratory classes — malimit na inilalaan ang midyear para rito upang pagaanin ang bigat ng gawain ng mga estudyante. Subalit, ang kapalit naman nito ay dagdag hirap sa kakarampot na panahon.
Hindi rin nakakaligtas ang midyear sa umusbong nang kultura ng pakikipag-agawan para lamang makakuha ng slot sa kursong dapat pasukan. Nangyayari pa rin ito sa kabila ng mas mababang bilang ng mga estudyante, dahil hindi naman lahat ng degree program sa UPM ay may midyear sa kurikulum. Kung hindi mapagbibigyang sumali pa sa klaseng puno na, nagiging isang rason ito upang umasa sa prerogative ng isang propesor ang mag-aaral, at sa malala’y maging irregular.
Dagdag pa sa kahirapan ng pagkuha ng kurso, nagmimistulang makinarya sa mga pabrika ang mga estudyanteng may midyear buhat ng salat na pahingang nararanasan nila. Pagkatapos ng midyear, dadalawang linggo lamang ang panahong maaari nilang ilaan para sa kanilang sarili at mahal sa buhay bago muling sumabak sa unang semestre ng susunod na akademikong taon. Malabo ring mapagbigyan sila ng isang reading break sapagkat limitado na ang panahong nakalaan para ipagsisikan ang mga kursong dapat kinukuha sa isang regular na semestre.
Ang kulturang nananaig sa midyear ay isang manipestasyon ng pagiging neoliberal ng edukasyon sa Pilipinas. Ang neoliberalismo sa konteksto ng edukasyon ay ang pagtuon sa kompetisyon at pagpapahalaga sa edukasyon bilang isang produkto. Nagreresulta ito sa isang fast-paced na edukasyon, kung saan naglalayong mabilis na ihanda ang mga estudyante upang agad silang maging bahagi ng sektor ng paggawa, na inaasahang magdaragdag sa kanilang ekonomiyang halaga.
Sa pag-iral ng fast-paced na pagtuturo, kung saan primaryang pinahahalagahan ang pagtatapos sa isang kurso kahit na posibleng hindi talaga tunay na natuto ang isang estudyante, napapabayaan ang kanilang pisikal at mental na kalusugan. Kaya naman nagmimistulang ‘karera’ para sa mga estudyante ang pag-aaral dahil itinuturing silang mga produkto na dapat agarang ikalakal sa iba’t ibang sulok ng lipunan.
Sa pagharap sa mga isyu sa loob ng pamantasan — panahon man ng midyear o hindi — makikita rin ang lubos na kahalagahan ng isang aktibo at maka-estudyanteng konseho na maghahain ng mga suhestiyon at solusyon sa mga problemang #danas ng pamantasan. Ang mga suliranin hinggil sa kalidad ng edukasyon sa bansa ay deka-dekada nang problema, kaya naman hindi dapat humina ang boses ng mga mag-aaral sa hapag kung saan isinasagawa ang mga polisiya na magpapatibay ng edukasyon sa bansa.
Sa paghahapag ng mga isyung kinahaharap ng mga estudyante, responsibilidad ng administrasyon ng UP at ng pamahalaan na pakinggan ang kanilang mga hinaing at magsagawa ng karampatang aksyon hinggil dito. Kung kinakailangang repasuhin ang academic calendar upang mas maging maka-estudyante ay dapat itong pag-aralan at isaalang-alang.
Ang pagsasaayos ng sistema ng edukasyon ay nangangailangan din ng pagliligwak sa impluwensya ng neoliberal na mga polisiyang nagsisilbi lamang sa kapakanan ng iilan. Sa pagsusulong ng mga polisiyang pang-edukasyon, mahalagang tingnan ang mga estudyante hindi bilang isang produktong pambenta sa merkado ng lakas-paggawa, kundi bilang tao na nangangailangan ng gabay sa pag-aaral — mabilis man o mabagal siyang matuto.
“Walang masyadong mabagal, walang mabilis… Ika’y may hawak ng iyong hakbang,” ika nga ng BINI. Sa pag-abot ng kalidad na edukasyong magagamit para pagsilbihan ang bayan, iba’t ibang haba ng oras ang kinakailangan ng bawat estudyante. Kahit sa panahon ng midyear, kung saan ang lahat ng bagay ay minamadali, hindi pa rin dapat maging isang ‘karera’ ang pag-aaral ng mga iskolar ng bayan.
Kung talagang nais ng UPM na maisakatuparan ang bagong dagdag sa motto ng pamantasan — service — dapat tiyakin na makatatanggap ang mga iskolar ng sapat na oras, hindi lamang para sa pag-aaral kundi pati na rin sa kanilang sarili, at suporta sa proseso ng kanilang pagkatuto. Mahalagang lubos na maunawaan ng bawat mag-aaral ang paksa ng kanilang kinukuhang kurso, nang maigi nilang malinang ang mga sarili, hindi para maging alipin lamang ng salapi kundi para maging tunay na tagapaglingkod ng bayan.