Mitsa sa Daigdig ng Bumbilya
nina Chester Datoon, Kristian Bautista, Bea de Guzman, at Jo Maline Mamangun
Sa bawat yabag ng aking mga paa patungong eskwela, rinig ko ang nakaririnding ingay ng mga bagon ng tren mula Quirino Avenue. Wala ring takas ang ilong ko sa nakakasulasok na amoy ng Taft Avenue. Ilang buwan na rin mula nang nagbago ang mukha ng lugar na aking kinagisnan. Ang kinukumpuni pa lamang na LRT noon at ang nag-iisang Cathedral of the Holy Child, ay napapalibutan na ngayon ng samot-saring matatayog na tore.
Taliwas sa dagundong ng buhay sa Taft, tanaw ko sa ‘di kalayuan ang nakabakod na paaralang nagmimistulang isang museo. Habang pinagmamasdan ko ito, rinig ko sa likuran ang matinis na boses ng aking kaklase. “Uy! Your outfit is giving throwback talaga, it’s super 1980s inspired!” maarteng saad nito. Hah, inspirasyon. Natawa na lamang ako sa aking sarili dahil sa kanyang tinuran, habang isa-isang bumabalik ang mga alaalang tila ‘di ko na mababalikan.
“Imperyalismo, ibagsak!” Imperyalismo. “Pyudalismo ibagsak!” Pyudalismo. “Burukrata Kapitalismo, Ibagsak!” Buru-ano raw? Ayan na naman sila; sa lakas ng kanilang boses ay rinig na rinig sila mula rito sa aming eskinita. Hindi ko naman maintindihan kung ano ang sinasabi nila. Noong una, tingin ko’y nag-aaksaya lamang sila ng oras — kabataan, estudyante — ang mga tulad namin ay dapat nasa paaralan at nag-aaral, hindi nagsisisigaw sa kalsada. Ngunit hindi ko inakalang magiging isa rin pala ko sa kanila — mga kabataang makabayan na bumoboses para sa karapatan at kalayaan. Matapos madakip ang aking mga tiyuhin nang minsang lumagpas sila ng kaunting minuto sa curfew, tuluyang nagbago ang aking pagtingin sa rehimeng ito.
Totoo pala talaga ang sabi na kapag ika’y direktang naaapektuhan, ikaw na rin ang mismong titindig at lalaban. Ngayon, mas naiintindihan ko na ang kaibahan ng ingay na nakakagising sa ingay na pumapatay. Mas mainam na sa akin ang sigaw ng mga aping ipinaglalaban ang kanilang mga karapatan, kaysa ang putok ng bala ng mga militar na nilalagay ang mamamayan sa panganib — taliwas sa prinsipyong kanilang dapat na itinataguyod.
Tanda ko pa noong unang araw namin sa EDSA, tinawag kami, hindi ni Cardinal Sin, kundi ng matagal na naming kagustuhang wasakin ang rehas ng lagpas 20 taong pananamantala. Sa mga sumunod na araw, mga malalaking sasakyang pandigma ang ipinantapat sa amin. Akala mo kung sino ang kakalabanin, ngunit kapwa Pilipino lang naman. “Pilipino kayo, bumaba na kayo!” Sigaw namin sa mga sundalong lulan ng mga sasakyan. Tanda ko rin ang pagtapat ng isang sundalo ng kanyang baril sa aking mga mata. ‘Di ko naiwasang mapapikit at pagdilat ko’y–
*RING. RING.* Napalitan ang sigawan sa paligid ng malakas na pagtunog ng isang bilog na batingaw. Ang kalsada’y naging silid-aralan at ang kanina’y mga kabataang demonstrador ay naging mga estudyanteng nagliligpit ng kanilang gamit. “Anong nangyayari? Nasaan ako?” ang mga unang tanong ko sa sarili nang magising ako sa panahong ito. Panay ang tingin ko sa paligid, ino-obserbahan ang mga bago’t hindi sa aking mga mata.
Sa silid na ito, mataas ang pagpapahalaga sa pananampalataya sa Diyos kung kaya’t nakapaskil ang imahe nito sa pader. Bukod sa mapuputi’t malilinis na dingding, may natatanaw rin akong dalawang kahon na pamilyar sa akin. Mukhang TV at aircon ang mga ito, ngunit mas pinaganda.
Noong una, inakala kong nasa ibang bansa ako dahil sa tuloy-tuloy na pag-i-Ingles ng mga tao sa paligid. “Dude, are you going to make kain sa labas or here na sa canteen?” Kinalauna’y narinig kong sinambit ito ng isa kong kaklase. Hindi ko alam kung ipagpapasalamat ko na karamihan sa kanila ay pinaghahalo ang Ingles at Tagalog kapag nagsasalita. Nasa Pilipinas pa rin pala ako, subalit hindi ito ang Pilipinas na kinagisnan ko.
Sa lugar kung nasaan ako ngayon, tahimik. Sa umpisa’y ang sarap sa tenga. Napagtanto kong ang tagal ko rin palang inasam ang ganitong katahimikan.
Ito na ba ang bunga ng paglaban naming mga kabataan noon? Tahimik na nakapag-aaral ang mga estudyante. Maaliwalas ang paligid, tiyak na makapag-iisip kung malapit na ang pagsusulit. Taglay ng tinatapakan ko ngayon ang mga katangiang tingin ko’y inaasam ng lahat ng estudyante.
Subalit, nakabibingi rin pala ang katahimikan. Kahit ano pang ganda ng bukirin, kung hindi ito ang iyong kinalakihan, ay magiging katakot-takot ang itsura pagsapit ng gabi. Ayoko rito, mababaliw ako rito. Sambit ko sa sarili. Kailangan kong makahanap ng paraan upang makabalik.
Para akong isang pasyenteng may sakit na nakalimot at nakawala sa kanyang kwarto — palakad-lakad, paligoy-ligoy, binabaybay ang tila langit na eskwelahan upang maghanap ng kasagutan pauwi. Subalit, ibang sagot ang nakita ko.
“Ba’t po ‘yan nakasabit?” Tanong ko sa nagbabantay nang mapadpad ako sa isang magarang silid-aklatan. “Natural, iho, siya ang presidente ngayon, eh. Saang lupalop ka ba nagmula at hindi mo ‘yan alam?” sagot nyang may bahid ng pagtataka. Nakabandera kasi sa harap ko ngayon ang isang malaking larawang kahit ‘di ko pa tinitingnan ang pangalan, alam ko nang isang Marcos dahil sa kanyang wangis.
Tulala akong lumabas ng silid, hindi makapaniwala sa katotohanang tumambad sa akin. Kung makikita lamang iyon nina Mildred at Arman, mga kasamahan ko sa organisasyon, paniguradong tataas din ang kanilang mga dugo sa galit. Isa na namang Marcos?! Bakit walang pagkatuto sa mga anak nitong bayan kong sawi?
“Totoo bang anak ng isang diktador ang pangulo natin ngayon?” Pagtatanong ko sa isang estudyanteng malapit sa akin. “Yeah. Sucks, right? He’s the worst,” komento niya bago tinawag ang mga kaibigan.
Worst? Eh bakit binoto? Sa isip-isip ko. “Kung ayaw niyo rin sa kanya, anong nangyari? Bakit siya nahalal?” Pagtatanong kong muli sa kanya. “Well, maraming fanatics and shit. We tried, but it is what it is, pare,” sagot ng isa niyang kasama.
“Alam niyo, hindi nangyayari ang rebolusyon sa loob lamang ng komportableng pamamahay. Kung gusto nating lumaban, kailangang lumabas at harapin ang kalsada!” galit kong pananalita.
Napailing lamang sila. “You mean rallying? I mean, we do that here sa campus naman. Not all of us have time lang ‘coz of acads. Dude, Calculus is killing me. Besides, have you heard of student activists getting kidnapped and even killed? Can’t risk that,” saad naman ng isa pa. Kung alam nyo lang. Noon pa ma’y gawain na ‘yan ng estado — sinusupil ang sinumang nagtatangkang suungin ang kanilang agos.
Sa patuloy kong paglalakad, narating ko ang isang malawak na espasyong kinukumutan ng luntiang damo. Malapit na pala ko sa labas. Sambit ko sa sarili habang tanaw ang reyalidad — ang mahihirap ay patuloy na naghihirap, ang mga korap ay ‘di nawala’t bagkus patuloy na nagpapakasasa — sa mga puwang ng mahabang bakod na naghihiwalay sa paraiso’t karimlan.
Tatlumpu’t walong taon na ang nakalipas, subalit sa aking mga nasilaya’t narinig, tila napalitan lamang ng mga kapwa pasista ang pinatalsik noon sa EDSA. Wala pa ring pagbabago sa labas. Maski rito sa loob, marami pa ring mga kabataan ang napapalagay na lang sa apat na sulok ng kanilang eskwelahan, kung saan tahimik, kung saan tingin nila’y ligtas. Nakalaya man saglit sa tanikala ng madugong diktadura ang bansa, masyado nang nasanay ang bayan sa kanser ng lipunan na tila iniisip nila na bahagi na ito ng sistema at hindi na maaalis pa.
“Sir papasok po ba kayo o hindi?” Napabalik ako sa kasalukuyan nang tanungin ako ng gwardya. Sa haba ng pagbabalik-tanaw ko sa unang araw ko rito, hindi ko na namalayang dinala na pala ako ng aking mga paa sa gate. “Papasok po, kuya, at marami pa po akong dapat gawin.”
Sabi nga nila, lahat ng bagay sa mundo ay nangyayari nang may dahilan. Hindi ko man natapos ang pakikibaka ko noon, marahil, maaari ko iyon ipagpatuloy ngayon, kasama ng mga kabataang aking pakikilusin.
“Imperyalismo, Pyudalismo, at Burukrata Kapitalismo — sila ang tatlong salot sa ating lipunan. Sila ang dahilan kung bakit hindi lahat ng bata ay nakakapag-aral, ang iba’y maagang nagtatrabaho. Sila rin ang puno’t dulo ng kahirapan ng ating mga kababayan… Sa mga susunod na pag-aaral ay mas papalawakin pa natin ang ating diskusyon hinggil sa kanilang tatlo. Kaya naman…” nandito ako ngayon, sa panahong pinili kong manatili, upang magbigay-aral at matuto pang muli, hanggang ang bawat kabataan ay kaya nang basagin ang katahimikan sa loob ng kanilang silid-aralan.