Modernisasyong Pumapatay

The Manila Collegian
3 min readApr 30, 2024
Dibuho ni Damsel Marcellana

Ang modernisasyong nakaangkla para sa ganansya ng iilan ay pagtataksil sa sambayanang dapat na nakikinabang dito.

Kailanma’y hindi magiging marangal at makatao ang tugon na hindi makabubuti para sa lahat ng mamamayan, lalo na sa masa. Ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), na siyang tugon ng gobyerno sa lumalalang problema sa pampublikong transportasyon, ay sinasabing naglalayong gawing mas marangal at makatao ang sistema nito sa bansa. Nakasaad rito na papalitan ng mga bagong pampasaherong sasakyan ang mga dyip na mahigit 15-taon nang luma. Subalit, ang ganitong programa ay mananatiling bansot at walang kakayahang ayusin ang sistema ng pampublikong transportasyon hangga’t nagsisilbi ito sa interes ng iilan at ng mga dayuhan.

Marapat lamang na ibasura ang ganitong programa kung hindi isasakay sa biyahe patungong tunay na modernisasyon ang mga tsuper at ang kanilang mga dyip, na bahagi na ng kulturang Pilipino.

Lumang tugtugin na ang pagtatangka ng gobyerno na tanggalin ang mga pampasaherong dyip na mahigit 15 taon nang bumabiyahe. Mula pa noong 2015, nang buhayin ng Department of Transportation and Communication (DOTC) ang ganitong plano, halos kada taon na ang pag-arangkada ng pamahalaan sa pagbuo at pag-implementa ng PUVMP. Tila sabik sila sa mga panukalang gawin itong “mandatory” dahil isa sa mga pangunahing hakbangin ng programa ang pagkakaroon ng sapilitang konsolidasyon ng prangkisa, kung saan ang mga indibidwal na may prangkisa ay dapat sumali sa mga kooperatiba sa transportasyon upang makapasada.

Talagang walang pakialam ang gobyerno sa kalayaan ng mamamayan na magpasya para sa kanilang sarili. Igigiit nito ang sapilitang konsolidasyon ng prangkisa kahit na labag ito sa mga karapatan ng mga tsuper at operator, at libo-libo sa kanila ang mawawalan ng pagkakakitaan — mababaon pa sa utang. Kaya naman, kung gaano kapursigido ang gobyerno upang maipatupad ang PUVMP, at magkaroon na ng franchise consolidation, sampung beses higit dito ang sigasig ng mga tsuper at operator ng dyip upang ito’y tutulan. Hindi mapapahinto ng kahit anong deadline ang kanilang determinasyon upang igiit ang kanilang mga karapatan.

Ang patuloy na pagpapahaba sa itinakdang deadline ay pagpapatagal lamang sa taning ng buhay ng mga tsuper gayong papatayin din naman sila ng anti-mamamayang programang ito. Malinaw ang pagkaparalisado ng pampublikong transportasyon ng bansa sa bawat strike na idinadaos ng mga tsuper, kaya’t hindi malabo na ganito ang magiging normal na tagpo pagsapit ng phaseout. Sa taya nitong Enero, lagpas 300 na ruta pa ang kulang sa konsolidasyon sa Metro Manila, habang 30,000 na dyip naman ang matuturing na ilegal at kolorum sa buong bansa pagkatapos ng deadline.

Sa panahon kung saan kaliwa’t kanang krisis ang kinakaharap ng masang manggagawa at sambayang Pilipino tulad ng pagsirit ng presyo ng petrolyo, pagsasara ng Philippine National Railways (PNR), pagtaas ng pamasahe, mas lalo lamang nitong nilulunod ang mga ordinaryong mamamayan sa kumunoy ng pagdurusa. Ang pagpapatagal ng deadline ng pamahalaan imbes na ibasura ang PUVMP ay manipestasyon na hindi isinasaalang-alang ang lagay ng kanilang dapat na pinagsisilbihan.

Ang mga probisyong nakapaloob sa PUVMP ay malayong-malayo sa kahingian ng mga sektor na pangunahing maapektuhan nito. Kung tunay na modernisasyon ang layon ng gobyerno, hindi nito iaasa ang pagpapaunlad sa mga dayuhang bansa na gagatasan lamang ang programa habang ang mga tsuper at komyuter ay magsisilbing alipin sa kanila. Sa milyon-milyong Pilipinong umaasa sa serbisyong hatid ng mga dyip, isang makamasang transportasyon lamang ang makapagpapabuti sa sistema ng pampublikong transporasyon sa bansa kung saan sasailalim ito sa patas na transisyon at makataong solusyon.

Dahil ang modernisasyong nakaangkla para sa ganansya ng iilan at ang pagpilit ng gobyerno na isuko ang dugo’t pawis na pinagpaguran ng mga tsuper sa mga naglalakihang korporasyon at kooperatiba ay pagtataksil sa sambayanang dapat na nakikinabang dito.

Ang hindi pagpanig ng gobyerno sa mga tsuper ay salamin ng pagtingin ng rehimen sa mga ordinaryong manggagawa. Hangga’t hindi nakakamit ang tagumpay, mananatili ang kolektibong lakas ng mga tsuper, kasama ng mga komyuter, na tumindig laban sa sistemang mapaniil, laban sa modernisasyong pumapatay.

--

--

The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.