Muling Pagbaklas
Pursigido are rehimen ni Ferdinand Marcos Jr. at tila nagsusumamong tuta na matuloy ang pagraratsada sa pagbabago ng Saligang Batas, ngunit ang mga mapagbalat-kayong probisyon nito ay tiyak na bibiguin ng sambayanang Pilipino.
Kinuntsaba ni Marcos Jr. ang Kongreso upang umusad ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 at 7 na may layong amyendahin ang mga probisyon sa ekonomiya ng Saligang Batas. Nagsisilbing galamay ng pangulo ang parehong institusyon upang dinggin ang kanyang mga hiling.
Sirang plaka ng tugtuging kapitalista ang umaawit na mas lalago ang ekonomiya sa pagpasok ng mas maraming dayuhan dahil ‘sarado’ ang ating mga pintuan. Gasgas itong retorika dahil matagal nang bukas ang ekonomiya at malayang pinaglalabas-himasukan ng kapitalista hangga’t mayroong mapipigang kita sa bansa.
Sa katunayan, lumobo ang inward foreign direct investment (FDI) ng bansa ng mahigit $100 bilyon mula nang maitatag ang Saligang Batas noong 1987. Gayundin, ang pagyakap sa foreign ownership para sa telekomunikasyon, railway, at paliparan ng bansa ay isinabatas sa amyendang Public Services Act noong 2022. Ang pagkiling sa kita ng korporasyon sa halip na pagsasabatas ng national living wage para sa mga manggagawa ay isang kritikal na desisyon para sa kanilang interes. Hayag na ang kapitalista ang kumokontrol sa gobyerno, at pinasisipsip na lang ang masang Pilipino sa kakarampot na patak ng ginhawa mula sa bari-bariles nilang kita.
Hangga’t paulit-ulit na naglalabas-masok sa bansa at naghahari-harian sa gobyerno ang mga kapitalista, hindi makatatayo ang Pilipinas sa sarili niyang paa.
Pambansang industriya ang kailangan, hindi dagdag-puhunan para sa mga dayuhan. Mula noong dekada ’70, humina ang pambansang industriya sa Pilipinas; mula agrikultural ay mas naging service-oriented ang ating ekonomiya. Sinalamin ito ng pagkalat ng Business Process Outsourcing (BPO) industries sa Pilipinas at Overseas Filipino Workers (OFWs). Umasa sa importasyon ang rehimeng Marcos Sr. upang isalba ang naghihingalong mga pambansang industriya, na mismong bigas ay inaangkat na ng isang agrikultural na bansa.
Ngayon na balak din ng pamahalaan na payagan ang mga dayuhan na magmay-ari ng mga unibersidad at pamantasan sa bansa, lalawak na ang kontrol sa pag-iisip ng mga Pilipino at gagawing negosyo ang pagkatuto. Isang malaking sampal sa tunguhin ng Saligang Batas na palakasin ang diwa ng nasyonalismo at pagiging makabansa ng mga Pilipino sakaling mapatupad ang ganitong probisyon.
Hindi sagot ang Cha-cha sa tanong na paano mapauunlad ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Hindi rin isang salamangka ang FDI na agarang magpapayabong sa sistema ng edukasyon sa mga bansang gaya ng Pilipinas. Sa halip, ang implementasyon ay dapat nakatuon sa pagpapalaya at paghubog sa kaisipan ng bawat Pilipino nang kumalas sa kapit ng imperyalismo.
Nabubunyag ang pagbabalatkayo ng rehimen na hindi pawang ekonomiya ang kanilang tunguhin kundi pulitikal — pagtagal sa kapangyarihan sa tulong ng kapitalismo. Tuluyan nang malulunod ang mga manggagawang Pilipino, pati na ang mga kabataan, sa kumunoy ng kahirapan dulot ng patuloy na pagtaguyod ng sistemang nagpapalakas lamang sa iilan at hungkag sa pagtugon sa pangangailangan ng nakararami.
Hindi na magpapalinlang ang taumbayan sa mga pagmamaniobra ng rehimeng ito upang matugunan ang kanilang pansariling interes. Imbes na Cha-cha ay tunay na reporma sa lupa, pagbuhay sa pambansang industriyalisasyon, pagsusulong ng makamasang sistema ng edukasyon, at pagtataas ng sahod na nakabubuhay sa mga manggagawa.
Lumang tugtugin na ng mga nagdaang administrasyon ang panlilinlang sa masa na sumayaw sa saliw ng kanilang makasariling Cha-cha. Gayunpaman, ilang ulit na ring ipinakita ng masa na sila’y hindi susunod sa indayog nito, kahit pa sa kabila ng niraratsadang pagsusog dito. Sirang plaka man na ulit-ulitin ng bawat rehimen ang tangkang pagbabago sa Konstitusyon, mananatili pa rin itong bigo sa harap ng kolektibong aksyon ng masang lubhang maapektuhan nito.
Hinding-hindi na papayag ang sambayanan na muling magkaroon ng Konstitusyong sasakal sa atin. Ang nagkakaisang pagkilos ng totoong lakas ng taumbayan ang tanging mag-aahon at magpapalaya sa mga Pilipino.