Naglipana Ang Mga Daga Sa UP Manila!
ni Joanna Pauline Honasan, Bea De Guzman, at Jo Maline Mamangun
Kung ang UP Los Baños ay kilala sa carabao milk at ang UP Baguio naman ay may strawberry, syempre hindi magpapatalo ang UP Manila kung saan naglipana ang mga daga! Kung nasaan ang Health Sciences Center ay naroon din ang mga naturingang peste ng bayan — nagkakalkal ng tira-tirang pagkain, patagong binabagtas ang sulok ng mga lansangan upang mabuhay, sabay karipas palayo mula sa mga matang pinag-iinitan sila.
Sa siyudad na puno ng kontradiksyon ay doon matatagpuan ang mga mistulang ‘daga’ at latak sa lipunan — silang mga pinagkakakitaan ng karapatan at pangangailangan. Ganito ang buhay sa ibaba ng tatsulok ng buhay. Puno ito ng pagsubok, ngunit patuloy pa ring sumusuong kontra sa agos ng buhay, sapagkat hangga’t sila’y nabubuhay ay mayroon silang ipinaglalaban.
Tom and Jerry: Pedro Gil-Taft Edition
“Pahinging barya, ‘te?” Sa mga convenience store sa Pedro Gil, sa ilalim ng LRT, o kahit sa bukana ng Cuevas ay parating makikita silang mga gusgusin na ang kasuotan — nangangalabit, nagbabakasakali na mabigyan kahit pagkain lamang; ‘di alintana ang init ng aspalto na dumadampi sa nakayapak nilang mga paa. Kung minsa’y kasama na rin nila ang mga dagang kanal na naghahalungkat ng basura at naghahanap ng pagpag panlaman ng sikmura.
Ni magkaroon nga ng bubong na masisilungan ay hindi nila magawa. Katabi ng mga pesteng nagtatago sa lungga, sila’y naglalatag na lamang ng karton sa malamig na kalsada. Kaya’t kung sinasabi ng iba na katamaran ang dahilan kaya’t ipinanganak silang mahirap at mamamatay silang mahirap, pwes nagkakamali sila! Kung tutuusin nga ay napakarami nilang pakulo para makaahon sa kumunoy ng kahirapan. Nagbubukas sila ng pinto sa mga tindahan (eh ngayon nga, nauuso na ang “Bawal na ang magbukas ng pinto.”), kumakanta sa lansangan o sa mga dyip, at nagpupunas ng sapatos ng iba. Medyo limitado, oo, dahil gustuhin man nilang mag-apply ng trabaho, gabundok na credentials naman ang hinihingi sa kanila. Saan ka makakakita ng naghahanap ng tindera, pero ang requirement ay college graduate?!
“Ate, singkwenta lang ‘to, bili na po kayo!” Speaking of tindera, isa pang tinatratong parang daga ang mga manininda sa kalye. Dala na rin ng kahirapan sa pagkita ng panggastos sa bawat araw, napipilitan silang magbenta na lamang sa bangketa, kahit paulit-ulit na lang silang hinuhuli ng mga pwersa ng estado — kesyo bahagi raw ito ng cleanup ng gobyerno. So much for peace and order!
Araw-araw na lang tuloy na Tom and Jerry ang eksena sa kahabaan ng Pedro Gil, Taft, at Padre Faura. Sa pag-alingawngaw ng wangwang ng pulis ay kakaripas patago ang mga manininda, bitbit ang mabigat nilang mga lalagyan ng paninda. Kung may mas maalwan namang mapupwestuhan, eh, doon sana sila magbebenta. Sino ba naman ang gusto mababad sa init at usok, ‘di ba? Eh utang sa 5–6 na nga ang kapital nila, tapos lalo pa silang gagatasan ng upa sa pwesto!
Sa kagustuhang maabot ang quota, nagpupursigi tuloy silang pumwesto araw-araw sa mataong mga lugar. Natural, kailangan nilang mabawi ang ipinundar sa paninda para may maipangtustos sa pamilya. Hindi lang naman sila ang nakikinabang dito; ang mga estudyante, pasyente ng PGH, at mga manggagawang laging napapadaan ay dito na rin bumibili ng kanilang pagkain at mga pangangailangan, lalo pa’t mga mall at mamahaling establishment ang nakapalibot sa lugar.
Rat-tagging: UPM edition
Lahat ata ng taga-UP Manila, narinig na ang mga biro ukol sa kanilang ‘pambansang hayop’. Kung may dagang-bukid, eh may dagang-kampus din. Mascot ng UPM, Padre FauRat, lunggaan daw ang campus ng mga bubwit na nagkalat mula sa silid-aralan hanggang sa RobMan! Mga mag-aaral na nga mismo ang nagbibiro na sila talaga ang mga wangis-daga sa loob ng paaralan. Subalit, para sa iba, hindi ito biro-biro lamang. “Mga daga, mga salot sa lipunan! Dapat sa inyo inuubos, para wala nang perwisyo sa Pilipinas. Sinasayang niyo lang ang pera ng gobyerno!”
Kadalasang naririnig ito ng mga estudyante ng pamantasan sa tuwing nagsasagawa ng kilos-protesta. Pati sa mga artikulong nilalabas ng student publications hanggang simpleng social media posts na nagpapahayag ng opinyon, tila’y may pest control sa comment sections na nagaganap. Woke epidemic kuno, mga batang wala pa raw kamuwang-muwang sa mundo, ngunit napaka-agresibo sa paglulunsad sa kung ano na namang isyung pinaglalaban nila.
Estudyante, bakit nga ba nirarat-rat ng batikos? Ano nga ba talaga ang ipinaglalaban ng mga dagang-campus na ito, at nakararating pa sila mula Padre Faura hanggang Mendiola? Bitbit ang kanilang mga letrero at ang umaalingawngaw na boses, sila’y nananawagan laban sa iba’t ibang isyu — mula sa pagsibak sa RSA ng ilang kolehiyo sa pamantasan hanggang sa pagtutol sa nagbabadyang Cha-Cha ng administrasyon. Salungat sa sinasabi ng mga “mapanuring” tao, oo, nag-aaral sila. Hindi nga lamang nakakulong sa apat na sulok ng silid-aralan ang kanilang diskurso; bagkus, ginagamit ang kanilang pinag-aralan upang kumilos para sa bayan. Nagiging hadlang lamang ang pagbabalewala ng mga haters sa mga tibak bilang daga para maparating sa masa ang kanilang pananawagan. Hay, nakaka-peste!
Kung iisipin, ang mga mandirigmang lumaban sa mga dayuhan ay maituturing nga ring parte ng populasyong ‘daga’. Andres B., insecticide ka muna! Pesteng itinuring ng mga imperyalista, sapagkat hinangad nilang ligpitin ang mga Pilipino upang makamit ang espasyong pinanghihimasukan (familiar, #WeNeedSpace). Sa panahon noon, marami rin silang hinarap na oposisyon hindi lamang sa dayuhan, ngunit mula rin sa sariling bayan.
Huwag na nating hintayin pa na sa kamatayan na lang din ikalugod ang ating mga estudyanteng lumalaban lamang para sa kapakanan ng bawat isa. Tulad ng maliliksi’t mababalasik na mga daga, hiling lamang nila ang pantay-pantay na karapatan ng lahat na mamuhay nang matiwasay sa espasyong pinaghaharian ng mga naglalakihang tao: mga naghaharing-uri na handa silang apakan dahil lamang sa kasalanan ang pagiging mumunti. Silang mga ‘daga’ ang totoo at karapat-dapat na mouse-cot ng UPM: talaga namang matatapang, matatalino, at walang takot kahit kanino! Oh, feeling UAAP din, ano?
Patient Remy: PGH Edition
Umabot na ang “rat infestation” hanggang sa OPD ng PGH. Ang tinaguriang country’s premier government hospital ay pinamumugaran ngayon ng mga dagang iniluwal ng napag-iiwanan nitong pasilidad. What is happening? Parang mga dagang pakalat-kalat ang mga pasyente — naglalatag ng karton sa bangketa, o sa kahit saanmang lapag. ‘Di bale nang malamigan o marumihan, maihiga lamang nila ang sumasakit nang likod kahihintay na matawag o mabigyan ng pwesto sa siksikang mga kwarto. Tulad ng mga daga sa siyudad, naging experts na ang mga pasyente sa paghahanap ng pwede nilang kalagyan — bangketa, sulok, o sa gilid-gilid ng bantog na ospital.
“Calling patient Remy Darat. Nandyan pa ba si patient Remy?” Malamang ay nainip at napagod na si Remy sa pagtayo’t paghihintay, at umuwi na lang para magluto ng ratatouille. Sa pagdagsa ng mga pasyente sa PGH, na ang karamihan ay nanggagaling pa sa probinsya, at sa kakulangan ng mga espasyong maaari nilang kalagyan, find your own place talaga kanilang nagiging motto. Mapapatulala ka na lang at mapapatanong sa sarili kung “Daga ba ko? Deserve ko ba ‘to? Then, why?” Dumaragdag pa sa akumulasyon ng mga pasyente ang matagal nilang paghihintay sa kani-kanilang mga clinic. Ang iba ay napipilitan na lang bumalik kinabukasan, kahit pa sampung baryo ang nilakbay makapagpagamot lang, dahil anong petsa na’t kaawa-awa naman ang mga bubwit na naiwan sa bahay. Hindi kasi lahat ay may pribilehiyong magkaroon ng mahabang libre na oras.
Libre. Komprehensibo. State-funded. Ito ang mga katangiang dapat mayroon ang health care system sa bansa, kung saan ang pagpapagaling sa sakit ay hindi humihingi ng kahit anong sentimo mula sa pasyente sa anomang serbisyong pangkalusugan. Kaakibat nito ang pagkakaroon ng agarang aksyon at maayos na pagtugon, kasama ang maayos na pasilidad, sa mga pangangailangan ng bawat pasyente. Ngunit sa kasalukuyan, ang dapat na kanlungan ay nagiging isang napabayaang bodega, kung saan namumugad ang mga dagang nag-aagawan para sa tira-tirang mumo ng medikal na atensyon.
Itong pamahalaan, na siyang galit na galit sa mga “asal-daga” (aka mga namamalimos, nagbebenta sa gilid-gilid, at mga estudyanteng aktibista), eh, siya rin mismong dahilan kung bakit nagiging tulad na ng daga ang mga pasyente sa PGH. Lagpas P100 milyon ang budget cut na kinakaharap ng PGH dahil sa napakababang badyet na inilaan ng administrasyong Marcos Jr. sa UP System, kumpara sa ni-request nito. Dagdag pa rito ang nasasayang na pondo ng PhilHealth dahil sa korapsyon, kung saan ang dapat sana’y inilalaan sa pasyente ay napupunta sa bulsa ng iilang opisyal nito. Hanep, ano? Magagamit sana ang mga badyet na ‘yon para makamit ang inaasam na sistema sa kalusugan. Pero wala, eh, iba ang prayoridad ng pamahalaan.
Sa ganitong sitwasyon, lumalabas ang mahalagang papel ng mga ni-ra-rat tag ng gobyerno — ang kanilang patuloy na paglaban para sa karapatan ng mga daga. Dahil, sino pa bang magtutulungan, kundi sila ring mga dagang inaalipin at pinapanatili sa nabubulok na laylayan ng lipunan.
Da Real CharaRATS
Peste man silang ituring, sila ang bumubuhay sa nauupos na kultura sa UP Manila. Mabuti nang maging daga sa malawak na syudad, dahil sila ang lunduyan ng buhay sa gitna ng matatayog na gusali ng komersyalisasyon. Sila ay nabubuhay sa sistemang nakabalangkas upang patuloy silang manatiling mga bubwit na masisisi, magagamit, at maaapi ng makapangyarihan.
Kaya’t maiging busisiin kung sino ba talaga ang tunay na mga pesteng daga sa lipunan. Ang mga ‘dagang’ pinababayaan at tinatapakan, o ang mga tunay na ‘dagang’ naghahasik ng sakit sa buhay ng karamihan? Ganito ang kalakaran sa loob ng isang nabubulok na sistema; ang nakikitang kaaway ng estado ay siyang pinaparatangan na pesteng dapat puksain at ang dapat pinaglilingkuran, sila pa ang pinagkakaitan ng dekalidad na serbisyo.
Kung sino pang mga nais lumupil sa mga itinuturing na daga ng sambayan ay sila ring mga nagpapataba at nagpaparami sa kanila. Sa mga ‘di makataong polisiya, mga pagpatay, at iligal na paghuli, patuloy na yayabong ang mga ‘pesteng’ dagang ito. Sila’y magpaparami, magmumulat, at magpapakilos ng kapwa daga, gagamit ng pestisidyo dahil kinakailangan, hanggang sa tuluyang mapuksa ang totoong peste at salot sa bayan.