NEWS FEATURE | #NasaanAngUPMChancy: Mailap na tugon ng admin, binatikos ng mga mag-aaral
Ni Angela Vanessa Manuel
Hindi pa nakakabangon mula sa pinsalang iniwan ng bagyong Rolly ay hagupit naman ng bagyong Ulysses ang kinakaharap ng kalakhang bahagi ng bansa. Sa kabila ng pandemya at ng trahedyang ito ay patuloy na ipinagsawalang-bahala ng administrasyon ng University of the Philippines Manila (UPM) ang kapakanan at karapatan ng mga miyembro nito. Naging mailap ang UPM admin sa pagtugon sa panawagan ng komunidad, partikular na sa pag-isyu ng suspensyon ng klase at ng mga gawaing akademiko.
Noong ika-12 ng Nobyembre, sa pangunguna ng College of Arts and Sciences Student Council (CASSC) at UPM League of College Student Councils (LCSC), ay nagdaos ng online Twitter rally ang mga mag-aaral ng unibersidad upang panagutin at ipanawagan ang agarang aksiyon mula sa administrasyon. Sa laban na ito, katuwang ng hanay ng mga mag-aaral ang mga lokal na konseho.
Maagap na pagresponde ng konseho
Ramdam ng mga miyembro ng komunidad ng UPM ang tindi ng hagupit ng mga nagdaang bagyo. May mga naiulat na binaha, nawalan ng suplay ng kuryente at tubig, at may ibang kinailangan pang lumikas sa kanilang tinitirhan. Sa gitna ng lahat ng ito ay nanatiling sandigan ng mag-aaral ang University Student Council (USC) at ang iba pang lokal na konseho.
Muli’t muli nanguna ang USC at LCSC, sa kooperasyon ng Tulong Kabataan — UP Manila, sa paghahatid ng agapay sa mga naapektuhang miyembro ng komunidad sa pamamagitan ng kanilang mga relief operations. Simula pa noong Enero, sa pagputok ng Bulkang Taal, hanggang sa pagdeklara ng pandemya sa bansa, at ngayon sa pagtama ng sunod-sunod na bagyo ay walang humpay ang pag-agapay ng mga konseho sa mga naapektuhan. Tuloy-tuloy rin ang pamimigay nila ng libreng cellphone load at paghahatid ng proxy services, tulad ng pagproseso ng mga dokumento mula sa Office of the University Registrar, sa mga estudyante ng UPM.
“To be honest, the late response of the administration is largely manifested during COVID-19… Questionable [rin] yung relief response ng UP Manila, mas mabilis pa umaksyon ang Councils.” wika ni Prince Turtogo, Chairperson ng USC. “In general, no coordination with the USC and the [Office of the Chancellor] and [Vice Chancellors]. We’ve reached out to them through our appeal and our lines are always open pero no response pa rin mula sa kanila.”
Sinuportahan ito ni Allan Sandiego, Vice-Chairperson ng USC at Convener ng LCSC, na nagsabing, “Hindi lang rin sana naka-focus sa pagcocollate ng concerns kundi pati na rin sa pagbibigay ng assistance at relief efforts sa mga estudyanteng naapektuhan ng kalamidad.”
Patuloy na pagsulong at paglaban
Kasabay nito ay aktibo sa pakikipag-ugnayan ang mga konseho sa Office of the Chancellor (OC), Office of the Vice Chancellor for Academic Affairs (OVCAA), at Office of Student Affairs (OSA) upang isulong ang mga hinaing at panawagan ng buong sangkaestudyantehan. Ngunit ikinadismaya nila ang matagal, at kadalasa’y hindi kanais-nais, na tugon na kanilang natatanggap.
Sa katunayan, bago pa man tumama ang mga bagyo ay nagsumite na ng apela ang mga konseho para sa isang term break upang makapagpahinga at makapaghabol ng backlogs ang mga estudyante. Gayunpaman, wala silang nakuhang anumang sagot mula sa mga opisina.
“Sinend ‘tong appeal na to after marecognize ng [College Student Councils] yung condition ng students dahil mismong OVCAA yung nagpa-conduct ng consultation sa students dahil nga “iterative” dapat yung semester na ito,” paglalahad ni Sandiego. “However, wala kaming nakuhang reply or receipt man lang of the email from the offices na sinend-an.”
Iginiit naman ni Habagat Farrales, CAS Representative sa USC, na kailangang sa administrasyon mismo manggaling ang initiatibo na pakinggan ang pangangailangan ng nasasakupan nito.
“Sana mas naging proactive naman ang admin sa ganitong mga emergency situations. Hindi na sapat ang mga letter namin kung every time may bagyo, hindi iaaddress yung immediate concern ng mga estudyante,” paliwanag ni Farrales. “Sana makapagdecide na agad ang UPM admin and make necessary steps to alleviate the conditions of our professors and students na naapektuhan.”
Dagdag pa ni Turtogo ay napapako lamang sa pagtatangkang pagtulong at ‘di nagpepresenta ng long term plans ang administrasyon. Aniya, “Masyadong dependent sa recommendations ng Councils pero upon their approval [pa rin] naman.”
Magulong sistema ng admin
Inireklamo rin ng mag-aaral na ‘tila paulit-ulit lamang ang eksena tuwing may sakunang kakaharapin ang bansa dahil walang pagbabago sa pagresponde ng UPM admin, partikular na sa mga kasulatan ng mga lokal na konseho ukol sa daloy ng klase.
Maliban sa mabagal nitong pag-suspinde ng klase ay mas kinundena ng mga mag-aaral ang magulong sistema sa pagpapatupad nito. Noong Huwebes, bago tuluyang isuspinde ang klase para sa ika-13 ng Nobyembre, ay unang ipinahayag ng OVCAA na sa kabila ng naunang suspensyong inilabas ng lokal na pamahalaan ng Maynila ay susundin ng unibersidad ang Memorandum No. CCDP 2020–240. Nakasaad rito na “If the typhoon signal [tomorrow] is #2, all synchronous classes will be suspended; if #3, all types of classes are suspended.” (Basahin ang buong Memorandum No. CCDP 2020–240 rito).
Ikinagalit naman ng ilan na walang naging opisyal na pahayag mula sa administrasyon ukol rito, bagkus ay ibinahagi lamang ng opisyal na mga social media account ng UPM ang naging anunsyo mula sa Malacañang. Nagdulot rin ito ng pagkalito sa hanay dahil ang tanging kumpirmasyon na natanggap ng USC ukol sa nabanggit na suspensyon ay ang email mula Information, Publication and Public Affairs Office (IPPAO) ng UPM na ang laman ay katulad lang din ng naka-post sa social media. Ito’y malayo sa naging tugon ng ibang constituent universities, tulad ng UP Diliman at UP Los Baños, kung saan maagang nag-anunsyo ng suspensyon ang administrasyon nila at may kaakibat pa itong malinaw na guidelines.
Pinunto rin ng mag-aaral ang pagkukulang ng administrasyon upang siguraduhing maipapalaganap ang anunsyong ito sa komunidad ng UPM, tulad ng pagsasagawa ng text o email blasts.
‘Di makatarungang pamamahala
Matagal nang binabatikos ng hanay ng mga mag-aaral ang administrasyon, sa pamumuno ni Tsanselor Carmencita Padilla. Ipinapakita umano ni Padilla na hindi kapakanan ng mga estudyante ang sentro ng mga polisiyang ipinapatupad niya. Kung tutuusin ay ilang beses na itong binigyang pansin, tulad noong online student consultation na ginanap noong Agosto bago muling umupo si Padilla bilang tsanselor, ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin nakikitang pagbabago ang mga mag-aaral.
Binigyang diin ni Aleijn Reintegrado, 2nd Year Batch Representative ng CASSC, na patuloy na nagbibingi-bingihan si Padilla. Aniya hindi ito ang unang beses na pinahintulutan ng tsanselor na labagin at isinantabi ang mga karapatan ng komunidad ng UPM.
“Pinapasok mo ang mga militar sa UPM. Nagbulag-bulagan ka sa paglabag sa mga karapatang pang-estudyante. Ang sabi mo lang sa mga estudyanteng ‘di makapagbayad sa RSA ay lumipat sila, kasi ginusto nila yan. Ngayon, wala kang sabi sa gitna ng bagyo,” pahayag ni Reintegrado.
Noong ika-4 ng Nobyembre ay matatandaang umapela ang USC at LCSC na isuspinde ang synchronous classes at bigyan ng palugit ang academic deadlines mula ika-9 hanggang ika-15 ng kasalukuyang buwan upang bigyan ng panahon ang mga mag-aaral na pahupain muna ang naging epekto ng bagyong Rolly. Subalit ang tanging naging tugon ng OVCAA ay, “suspension of classes is not one of the options to address the concerns and predicaments of students affected by Supertyphoon Rolly.”
Kaugnay nito ay inihayag ni Sandiego ang panawagang mas maging proactive ang admin sa pakikipag-ugnayan sa mga estudyante at kawani nito.
“Sana mas accessible ang mga opisyal ng UP Manila sa kanilang mga kinasasakupan, mas makinig, at maging mas sensitibo sa kalagayan ng mga estudyante bago gumawa ng mga memorandum at maglabas ng mga statements sa social media,” isinalaysay ni Sandiego.
Puso bago utak
Sa kabila ng pagkabigo ay patuloy na nanawagan ang mga mag-aaral na sana’y gawing prayoridad ang kalagayan nila lalo na’t iba-iba ang dinaranas ng kanilang hanay. Isinulong rin nilang ngayon na ang tamang oras upang ibigay ng administrasyon ang compassion na matagal nang hinihingi ng komunidad. Dapat umano’y mas bigyang halaga ang kaligtasan ng mga estudyante at kawani bago ang academic excellence, na pilit ipinangangalandakan ng unibersidad.
“Para sasaan ang pagpapatuloy ng klase kung hahayaan nating unahin ng ating mga estudyante ang gawaing pang akademik habang naghihikahos at lumalaban para lamang mairaos ang isang buong araw nang walang pagkain sa kanyang sikmura at walang bubong sa kanyang ulunan,” paglilinaw ni Jairo Tuazon, Councilor for Health and Environment ng CASSC.
Ipinahayag din ng ilang miyembro ng konseho na dapat panindigan ng administrasyon ang responsibilidad nila sa komunidad. Ayon kay Farrales, dapat pangatawanan ng unibersidad ang pagturing rito bilang isa sa pinakamahusay na unibersidad sa bansa.
“I'm sorry UPM. I think our unit is trying to uphold that "toxic" honor and excellence ideals without considering that we are in the middle of a pandemic and a series of typhoons. Puro utak, asan ang puso?” panawagan ni Farrales. "The first thing that you should offer is help. Academic adjustments will come in handy if the students will actually be able to survive this year. If you're really the best university, you'll take care of your students.”
Muling iginiit ni Turtogo na, ”The Chancellor, the VCs, are nowhere to be found. They have not responded to the students' call.”
Noong ika-12 ng Nobyembre, ay opisyal nang naghain ng kasulatan ang USC sa OVCAA upang suspendihin ang synchronous at asynchronous classes, at mga gawain hanggang sa susunod na Miyerkules, ika-18 ng Nobyembre, upang bigyan ng panahon ang mga mag-aaral at kaguruan makabangon mula sa sakuna. Inapela rin nilang iurong hanggang ika-21 ng Nobyembre ang deadline ng mga gawaing akademiko at ipagpaliban muna ang pagbibigay ng bawas puntos sa mga mahuhuling magsumite ng takda. Ang tanging tugon ng administrasyon ay ang paglabas ng Memorandum No. CCDP 2020-246, kung saan nirekomenda nila sa mga miyembro ng faculty na ipagpaliban ang deadline para sa pagsusumite ng mga takdang-aralin sa klase. (Basahin ang buong Memorandum No. CCDP 2020-246 rito).
Samantala, kagabi ay napagdesisyunan ng Office of the Vice President for Academic Affairs (OVPAA) na ideklara ang ika-16 hanggang ika-21 ng Nobyembre bilang recovery period buhat ng pinsalang iniwan ng Ulysses.
Tignan ang ilan pang panawagan ng mga estudyante: