NEWS FEATURES | ‘New normal’ na edukasyon, dagok sa White Colleges
Ni Rochel M. Floron IV
DALAWANG LINGGO MATAPOS MAGSIUMLA ANG klase sa University of the Philippines (UP) System, hirap pa ring makasabay ang mga mag-aaral at kaguruan sa distance learning na ipinatupad ng Unibersidad. Ibinahagi ng ilang mag-aaral mula sa White Colleges ng UP Manila ang pangamba na maaaring mabawasan ang kalidad ng kanilang edukasyon ngunit batid din nila ang kasalukuyang panganib ng pandemya. Buhat nito ay patuloy ang panawagan nila para sa mabilis na pagtugon ng unibersidad sa lumolobong pangangailangan ng komunidad ng UP.
Mas mabigat na pasanin
Bago pa man ang pandemya, inamin ng mga mag-aaral mula sa White Colleges na mayroon nang kaakibat na bigat ang kurso nila dahil binubuo ito ng mga pratikal na gawain sa mga klinik at laboratoryo. Ilan pa sa mga mag-aaral ay naglahad na dagdag sa kanilang mga problema ang pangangailangan na malayo sa pamilya upang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa Maynila.
“Ako’y mula sa probinsya at unang beses ko malayo sa aking pamilya. Sa totoo lang, ‘yun yung pangunahing hamon na aking naranasan … at mabigat ang workload sa College of Dentistry (CD)… Buti na lamang at parang pamilya ang turingan naming magkakaibigan kung kaya’t mas magaan ang unang taon namin sa UPM.” ani ng isang mag-aaral ng Doctor of Dental Medicine.
Subalit, lahat ng ito ay nagbago dahil sa banta ng COVID-19 kung saan ikinulong ang mga tao hindi lamang sa kani-kaniyang tahanan ngunit pati rin sa takot at pag-aalala. Magmula sa proseso ng enlistment, nagkaroon na ng problema sa SAIS at kawalan ng slots sa iba’t ibang sabjek. Ngayon, ang pag-aalala sa kaligtasan nila at sa iba pang problema na may kaugnayan sa distance learning ang kanilang kinahaharap na suliranin.
“Nagbigay-daan ito upang ako’y makaranas ng mental health issues na nakahahadlang sa aking pag-aaral lalo na’t ang mode of delivery ng mga lessons, materials, at ibang resources ay online ngayong semestre,” sabi ni Nicco Nocum, isang mag-aaral mula sa College of Applied Medical Professions (CAMP).
Dagdag naman ni Ichelle Maclang na mula rin sa CAMP, “Sa panahon ng pandemya, mas naging mahirap [mag-aral] dahil mas marami nang alalahanin o anxiety dahil hindi natin alam ang mga mangyayari sa mga susunod pang araw.”
Sakripisyo sa pagkatuto
Ibinahagi ng mga mag-aaral mula sa mga nasabing kolehiyo ang pangamba sa posibleng epekto ng distance learning sa kalidad ng kanilang matutunan lalo na ang kanilang mga kurso ay skill-based.
“Bawas pa rin ang antas at kalidad na edukasyon na maaari kong matanggap lalo na’t ang kurso ko ay kinakailangang may aplikasyon o may pagsasagawang magaganap upang lubusang matiyak kung ganap na bang aking naiintindihan at nauunawaan ang mga subjects na aking kinuha ngayong semestre,” wika ni Nocum.
Inilahad naman ni Patricia Anne Palad ang pagkasuspinde ng ilang nakatakdang gawain sa kaniyang kurso dahil sa pandemya. Ngayong semestre dapat sila magkakaroon ng pre-practicum kung saan bibisita ang mga estudyante sa mga Speech Theraphy clinics upang mag-obserba. Aniya, kung natuloy ang kanilang pre-practicum ay mas lalawak pa sana ang kaalaman sa aplikasyon ng kurso nila.
Sa kabila ng mga daing na ito, wala pa ring karampatang aksyon na isinasagawa ang Unibersidad upang punan ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral at kaguruan.
Kaugnay nito, matatandaan kamakailan ay nagprotesta ang UP Dentistry Student Council (UP DSC) dahil sa pagsusulong ng pamunuan ng CD para sa face-to-face classes nang wala man lang malinaw na plano. Imbis na solusyonan ang problema ay mas inilalagay lamang ng administrasyon sa kapahamakan ang mga mag-aaral at kawani nito. Hindi umano magbibigay ng agapay ang administrasyon para siguraduhing maipapatupad ang health protocols, tulad ng pagkakaroon ng Personal Protective Equipment (PPE) at COVID-19 test, kapag nagkaroon ng pisikal na klase.
Binigyang diin ng isang mag-aaral mula sa College of Nursing na kaya hindi nagiging epektibo ang mga hakbang ng pamunuan ay dahil hindi sila nakikinig sa mga mag-aaral at kaguruan, na silang pinaka-apektado ng mga suliraning ito.
Pagsingil sa administrasyon
Sa kabilang dako, nagpapasalamat ang mga mag-aaral ng White Colleges dahil umaagapay ang kanilang mga propesor upang mapadali ang kanilang pag-aaral. Nagtulung-tulong ang mga kaguruan upang maging matiwasay ang pag-aaral ng mga estudyante sa pamamagitan ng pag-aayos ng kurikulum at paghahanda ng mga course packs.
Ngunit, kahit na pilit pinupunan ng kaguruan ang pagkukulang ng administrasyon ng UP sa aksyon nito sa mga suliranin ng distance learning, hindi pa rin ito sapat. Kaya naman patuloy na nananawagan ang mga mag-aaral na gampanan ng unibersidad ang responsibilidad nito sa kanyang nasasakupan. Dapat umano’y ipaabot ng administrasyon ang sapat na tulong upang masiguro na walang maiiwan sa pagdaraos ng semestreng ito.
“Nais ko lamang sabihin na sana’y mag-isip pa ng mga bagong hakbangin ang mga namumuno sa ating unibersidad upang lubusang maresolba ang mga hinaing nating mga estudyante at faculty,” ayon kay Nocum. “Lahat tayo’y may pinagdadaanan at may mga bagay na kailangang atupagin. Ngunit, bilang mga namumuno ng unibersidad na ito, nakatala sa kanilang mga responsibilidad na pakinggan ang boses ng bawat isa at may gawing aksyon ukol dito.”