News Features | Pagsisiwalat sa panlalansi ng estado: Ang laban sa tunay na reporma sa lupa, soberanya sa pagkain

Ni Angela Vanessa Manuel | Infographics ni Trevor Lomotos

The Manila Collegian
8 min readNov 2, 2021

Bilang kulminasyon sa paggunita sa buwan ng mga pesante sa Pilipinas ay ginanap ang forum, na pinamagatang “Land to the Tiller: The Impacts of Covid-19 Pandemic on Agricultural Production and Food Sovereignty in the Philippine Peasantry,” noong Sabado, Oktubre 30. Sa pangunguna ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), isiniwalat ng forum ang patuloy na laban ng mga pesante, kaakibat ang kabataan, para sa lupa, karapatan, at hustisya.

Huwad na reporma sa lupa

Ibinahagi ni Mao Hermitanio, Deputy Secretary General ng KMP, na nananatiling pinakamalaking problema ng mga magbubukid sa Pilipinas ang kawalan ng lupang sakahan. Sa kasalukuyan, pito hanggang siyam sa bawat 10 magsasaka ang walang sariling lupang sinasaka habang hawak pa rin ng malalaking panginoong maylupa ang kalahati ng sakahan sa bansa, sa pangunguna ng pamilya Villar, Araneta, Sy, at Cojuangco.

Tatlumpu’t tatlong taon matapos maisabatas ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ay hindi pa nasisilayan ng mga magsasaka ang tunay na reporma sa lupa. Simula’t sapul ay mapanlinlang na ang nasabing batas dahil tanging 44% lang ng buong lupang agrikultural sa bansa at 21.3% lang sa rehistradong magsasaka ang saklaw nito.

Gayunpaman ay ipinagmamalaki pa rin ng estado, partikular na ng Department of Agrarian Reform (DAR), na tapos na ang land reform sa Pilipinas sa kadahilanang nakapag-isyu na ng Certificate of Land Ownership Awards (CLOA) sa mga magsasaka. Ang CLOA ay nagsisilbing katunayan na pagmamay-ari na ng mga agrarian reform beneficiary ang lupa.

Ngunit, mariing ipinaglalaban ng mga magsasaka na hindi ito totoo sapagkat kailangan pa rin nila bayaran ang lupang ipinamahagi sa kanila. Maaaring ma-forfeit, at hindi mapapasakanila ang lupa, kung hindi nila ito mababayaran nang buo.

Bilang karagdagang pasakit, sa mga mapalad na nakatanggap ng lupa, siyam sa 10 benepisyaryo ang hindi kayang bayaran ang nasabing amortisasyon sa lupa.

Hindi maikakaila na nagsisilbing protektor lamang ng mga interes ng mga landlord, oligarch, malalaking lokal na kumpanya, at mga imperyalista sina Pangulong Rodrigo Duterte at ang DAR. Ang mga nakatayo pa ring mga asyenda at patuloy na pagyaman ng mga kroni, tulad nila Ramon Ang, Manny Villar, Dennis Uy, Pamilya Cojuangco, atn Sara Duterte, ay manipestasyon ng realidad na ito.

Mga pangakong napako

Walang preno ang administrasyong Duterte sa pagpapatupad ng mga maka-isang panig at neoliberal na polisiya sa bansa, tulad na lamang ng rice tariffication law (RTL) na naisabatas noong 2019.

Ayon kay Hermitanio, ang deskripsyon ng mga magsasaka sa RTL ay tila pako sa kanilang kabaong (nail in the coffin). Sa dalawang taon implementasyon ng RTL ay halos P165 bilyong pagkalugi ang kinaharap ng mga magsasaka.

Kaugnay ng sitwasyong ito ay ang pag-usbong ng panawagang, “Presyo ng palay, itaas! Presyo ng bigas, ibaba!” Isinusulong nito na itaas ang presyo ng palay upang hindi malugi tuwing anihan at bentahan ng palay ang magsasaka. Kasabay dapat nito ang pagbaba naman ng presyo ng bigas para maging abot-kaya pa rin ito sa masa.

Dahil bigo ang RTL na maipatupad ang pangako nitong ibaba ang presyo ng bigas, sa kabila ng pag-angkat ng Pilipinas ng tone-toneladang bigas, ay tuluyan nang bumagsak ang presyo ng lokal na palay. Naging sanhi ito ng pagkalugmok sa utang ng mga magsasaka dahil pumapalo lamang sa P12–14 ang average na farmgate price ng palay, habang ang production cost nito ay nananatiling P15 kada kilo.

“[Sa halip] na tulungan yung lokal na produksyon ng pagkain, i-strengthen, at protektahan ang food producers, ay pag-import ang default solution ng DA tuwing kulang ang supply [ng pagkain sa bansa],” dagdag pa ni Hermitanio.

Kawalang seguridad sa pagkain

Bago pa man ang pandemya ay talamak na ang kagutuman sa bansa. Sa katunayan, 63% o mahigit 59 milyon ng mga Pilipino ay food poor, nangangahulugang hindi nila kayang tustusan ang isang malusog na diet. Sa datos na ito, tatlong beses na mas gutom ang mga magsasaka’t mangingisda, maituturing na isang kabalintunaan dahil sila mismo ang itinuturing na food security frontliners ng bansa.

Dahil sa umiiral na import-dependent at export-oriented na patakaran sa mga agrikultural na produkto ng bansa ay mahigit 24.9% ng pagkain sa Pilipinas ay imported, tulad na lang ng bawang, sibuyas, karot, at iba pang gulay. Bagkus ay nasa 42.7% ng populasyon ay dumaranas ng severe o moderate food insecurity.

“Hindi ibig sabihin na porket may kinakain tayo ay food security na ‘yon. [Ang ibig sabihin ng food security ay] may kakayahan din ang bansa at ang mga magbubukid na mag-prodyus ng mga pagkain para sa kanilang sarili,” paglilinaw ni Hermitanio.

Ang pananatiling manual ng 68% ng mga gawaing bukid at kakulangan ng maayos na irigasyon sa mga lupang sakahan ay kabilang sa rason kung bakit hindi pa rin mapalakas ang lokal na produksyon ng pagkain sa bansa.

Limit rin sa kaalaman ng iilan ay 55% ng commercial seed varieties na ginagamit ng lokal na magsasaka ay mula sa agricorporations sa Estados Unidos at Europa. Habang 82% naman ng mga abono ay mula sa mga bansa na mula sa Timog Silangang, Australya, Tsina, at Hapon.

Makikita sa proposed 2022 national budget na hindi kailanman pinahahalagahan ng administrasyong Duterte ang badyet para sa pambansang soberanya sa pagkain. Sa P5.023 trilyon na badyet ay 3% o P152.1 bilyon lamang ang nakalaan sa sagot sa kagutuman sa bansa. Ito’y napakaliit kung ikukumpara sa 26% o P1.18 trilyon, na badyet para sa bayad utang, 23% o P1.3 trilyon para sa Build Build Build, at 9% o P472.4 bilyon na makukuha ng Department of National Defense (DND) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na siyang naghahasik ng pasismo sa bansa.

Kalagayan ng Pesante ngayong Pandemya

Ngayong pandemya, patuloy ang pasakit na dala ng estado at mga panginoong maylupa sa mga magbubukid. Ayon kay Hermitanio, walang pinipiling panahon ang pagkamkam ng lupa at ang iba pang porma ng atake sa mga magbubukid.

Nilansag ng militaristic lockdown ang agrikultural na produksyon ng mga magsasaka at pinigilan nito ang paglabas ng produkto mula sa kanayunan, na mas nagpatindi ng pagkalugmok ng kanilang hanay.

Ayon sa ipinahayag ng mga ahensya ng pamahalaan, tulad ng Department of Agriculture (DA) at Inter-Agency Task Force (IATF), ay 900,000 magsasaka, mula sa milyon-milyong magsasaka na mayroon ang bansa, ang nabigyan na ng ayuda. Katumbas lamang ito ng halos isa sa bawat 10 magsasaka na naka-register sa Registry System of Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ng gobyerno. Dagdag pa ng KMP ay mas malaking bahagdan ng mga magsasaka ang hindi naka-rehistro sa RSBSA, kaya mas marami talaga ang hindi nakatanggap ng ayuda.

Kung tutuusin ay kulang na kulang rin ang ayudang ipinaabot ng estado. Lumabas sa sarbey na isinagawa ng KMP na ang natanggap na ayuda ng mga magsasaka ay binubuo ng tatlong-kilong bigas, dalawang sardinas, at ilang pakete ng noodles lamang. Kaya naman isinusulong nila ngayon ang panawagan sa agarang P10,000 ayuda at P15,000 na production subsidy.

Kinondena rin ng KMP ang patuloy na panunupil at pamamaslang ng estado sa mga pesante sa lumalalang krisis pangkalusugan. Simula 2016, may higit 25 massacres at 342 biktima ng politikal na pamamaslang. Hanggang ngayon ay tuloy-tuloy ang redtagging, force surrender, at vilification ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Katuwang ang kabataang mamamahayag

Naisakatuparan ang forum na ito sa ngalan ng makabuluhan at mapagpalayang pamamahayag. Binigyang diin ni Melanie Joy Feranil, campaign head ng CEGP, na hindi hiwalay ang pakikibaka ng mga mamamahayag at ng hanay ng mga pesante dahil pareho silang biktima ng estadong mapanupil. Patuloy niyang hinikayat ang mga kapwa kabataang mamamahayag na hindi lamang magsulat upang magbalita, ngunit magsulat upang magmulat.

Ayon naman kay Hermitanio, napakahalaga ng pagsama ng mga kabataang mamamahayag sa labang ito. Paliwanag niya na sila ang nakakakita ng realidad at may kakayahang i-transform ito sa mga artikulo at sulatin. Sa kabila ng umiiral na media landscape sa bansa, maisisiwalat ng mga alternatibong midya, tulad na lamang ng mga publikasyon pang-kampus, ang katotohanan, tunay na kalagayan, at mga hinaing ng mga magbubukid sa publiko.

Sa gitna naman ng kaliwa’t kanang pagbabanta, opresyon, at pasismo laban sa mga magsasaka, land reform advocates, at mga nasa frontline ng pagpapanawagan ng social justice at accountability, tiniyak ni Kabataan Partylist (KPL) Rep. Sarah Elago na pinapalakas ng hanay ng kabataan ang kanilang mga aksyon. Ito ay upang tiyakin na ang mga isyu sa lupa, karapatan, at hustisya ay hindi lamang mapakikinggan kundi ay matutugunan at malulutas rin, sa pamamagitan ng sama-samang aksyon ng masa.

Upang palakasin ang boses at representasyon ng karaniwang tao ay ipinangako ng KPL ang kanilang suporta at dedikasyon sa kampanya upang maibalik ang Anakpawis, ang tunay na boses ng mga magsasaka at masang anakpawis, sa kongreso. Kaakibat nito ang pagtulak na maisabatas ang House Bill 239 o ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) na mismong maglilingkod sa mga magsasaka

“May laban tayo para ipagtanggol ang ating karapatan na lumaban sa abuso, karapatan na lumaban sa pang-aapi at pagsasamantala. May laban tayo para sa mas magandang bukas para sa ating bayan,” sabi ni Elago habang hinihikayat ang kabataang makiisa sa laban sa lupa. “Hindi natin ito makakamit kung mananatili [ang mga] napakatinding exploitation at abuses sa hanay ng mga magsasaka at ng mga manggagawa sa ating lipunan.”

Patungo sa likas-kayang pagsasaka

Sa kabila ng kasalukuyang kalagayan nila ay patuloy na nagpupunyagi at lumalaban ang hanay ng magbubukid, partikular na sa pakikibaka sa tunay na reporma sa lupa. Sa katunayan ay naipadala na ng KMP ang kanilang 12-point peasant electoral agenda sa mga kandidato para sa nalalapit na national elections sa 2022.

Kabilang sa panawagang ito ay ang tunay na reporma sa lupa at libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, karagdagang support services upang palakasin ang agrikultura sa bansa, pag-reverse sa mga neoliberal na polisiya at programang ipinapatupad, pagtigil sa pamamaslang at militarisasyon sa kanayunan, at pagsulong sa karapatan at soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea at iba pang porma ng pagsakop ng mga dayuhang kapangyarihan sa bansa.

Binigyang-diin ni Hermitanio na ang nilalalayong likas-kayang sistema ng pagsasaka ay maisasakatuparan lang kung hindi lubog sa utang ang mga magsasaka.

Magsisimula ito sa dapat ay may lupa ang mga magbubukid, walang banta na mapalalayas sila sa lupa, at walang mga goons na pipigilan silang magsaka o mag-ani. Hindi na rin dapat umuutang sa mga usurero ang mga magsasaka para sa pang-kapital tuwing cropping season. At huli, dapat ay suportahan at bilhin ng gobyerno ang mga produktong palay ng lokal na mga prodyuser.

Samakatuwid, sabi ni Hermitanio, isang sistematikong pagbabago ang kinakailangan.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet