BALITA | Karapatan ng mga katutubo, isinusulong ng kabataan
Ni Natasha Carolina
Nag-organisa ang Kabataan para sa Tribung Pilipino (KATRIBU) ng press conference na pinamagatang “Lupa’y Depensahan, Buhay Ipaglaban: Labanan ang Pandarambong sa mga Lupang Ninuno” noong Oktubre 7, 2020. Nakiisa rito ang iba’t ibang organisasyon upang mas paigtingin ang panawagan ng pambansang minorya sa kabila ng tumitinding krisis at sa lumalaganap na karahasan sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Paaralang Lumad pinapasara, nare-red-tag
Sa bisa ng umiiral na Executive Order 70 ay tinatayang ang higit 16 hanggang 17 milyong katutubong Pilipino o Indigenous People (IP) sa bansa ay nagiging pangunahing biktima ng pasismo ng estado at pandarambong sa lupa. Ngunit kapansin-pansing mas lumala pa ang kanilang sitwasyon nang maipasa ang Anti-Terrorism Law noong Hulyo 18, 2020.
“Pambansang minorya ang isa sa mga pinaka-bulnerable noong ipinasa ang Anti-Terror Law. Wala pa man ang Anti-Terror Law, ang mga minorya rin ang pilit na pinapasuko bilang mga NPA o mga rebelde. Sila rin ang pinagdidiskitahan ng mga militar at kapitalista upang hindi nila makuha ang edukasyon, at pilit na pagpapa-pirma upang ibenta ang kanilang lupain o kaya nakawin ang kanilang naratibo sa paglaban mula sa kanilang kultura,” pahayag ni Joshua Maricial ng National Union of Students of the Philippines (NUSP).
Binigyang diin din ng programa ang pagkait sa mga katutubo ng libre at makamasang edukasyon. Ayon sa mga ulat ay mahigit kumulang 178 paaralang Lumad na ang pilit naipasara ng gobyerno.
Karapatan ng IP at katutubo, isinasantabi
Lalong lumaganap ang mga banta sa buhay ng mga katutubo sa ilalim ng administrasyong Duterte, kung saan pilit na ipinapatupad ang militarisasyon sa kanayunan. Kaugnay nito, patuloy na nililinang at pinagsasamantalahan ang pambansang minorya ng mga dayuhan at lokal na dambuhalang kompanya na siyang sumisira sa lupa ng mga katutubo.
“Kinakalimutan at binabalewala ng administrasyon ang pakikibaka ng mga katutubo sa Cordillera,” hayag ni Precious Principe ng Gabriela-Youth UP Manila (GY UPM) tungkol sa paghangad ng pulis ng Kalinga na tanggalin ang mga monumento nina Macliing Dulag, Pedro Dungoc at Lumbaya Gayudan na lumaban sa pagpapatayo ng Chico Dam.
Bukod pa rito, ay isiniwalat ng mga tagapagsalita ang nagbabadyang kapahamakan sa lupain ng mga katutubo. Kabilang rito ay patuloy na pagpapatayo ng Kaliwa Dam na pinopondohan ng imperyalistang bansang Tsina, pagpapatayo ng mga minahang pinagkakakitaan ng US, at pagbubukas ng mapaminsalang New Clark City. Ayon sa kanila, isinasantabi ng pamahalaan ang karapatan ng mga IP para sa magiging tubo ng kanilang mga komprador at ng mga naghaharing-uri.
“Si Duterte ay traydor at kaaway ng taumbayan at higit sa lahat ng ating mga pambansang minorya at katutubo. Taliwas sa kaniyang mga pangako na po-protektahan ang mga pambansang minorya, siya pa ang naging pangunahing kaaway at siyang pumatay sa ating mga pambansang minorya at katutubo sa bansa.” sabi ni James Candilla ng League of Filipino Students — National (LFS).
Panawagan ng minorya, lumalakas
Ipinaalala ng mga tagapagsalita na hindi hiwalay ang laban ng mamamayang Pilipino sa laban ng magsasaka at mga katutubo. Patuloy ang pangangamkam ng lupa kaya’t patuloy rin dapat ang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa.
Idinagdag ni Julian mula sa Panday Sining National na sa harap ng tumitinding pandarambong na ito ay patuloy na lumalakas ang paglaban ng pambansang minorya upang tutulan ang paghihimasok ng mga mapanirang kompanya.
“The matter of fighting for their lives is not just a talk about future generations, rather a fight they are currently undertaking but we shall not lose hope because we will fight. Together against the injustices they are facing, it’s up to us to amplify their demands, make the issue they face not just a talk inside their communities but a conversation we normally have with people. We should all fight for a society that will make sure that their voices are not just [heard] but highlighted. A society that is pro-people and pro-environment.” dagdag ni Xian Guevarra ng Youth Advocates for Climate Action Philippines (YACAP).
Ipinangako ng mga grupong nagsidalo na habang may diktador na nakaupo ay patuloy ang mga hakbang ng kabataan sa pag-mulat, pag-organisa, at pagkilos laban sa pasismo upang depensahan ang lupang ninuno.