OPINION | Butuin at karimlan
Ni Gregorio Lakandiwa
Balita ko’y magbubukas na muli ang Bahay ni Kuya. ‘Di ako masyadong pamilyar sa Pinoy Big Brother, at lalong ‘di pa ako nakakapanood ng kahit isang episode nito. Naaalala ko lang noon ay yung tambalan nina Jason Francisco at Melai Cantiveros na kinabaliwan ng mga sumubaybay sa kanila. Mula sa pag-iibigan on-screen ay, ayan, kasal na sila’t may isang supling na. Mapapa-sanaol ka na lang talaga, no?
Katulad din nila ang marami pang mga pangkaraniwang taong nangangarap ding sumikat. Minsan nga kahit hindi na nila mapantayan ang angking liwanag ng mga iniidolo nilang artista; basta’t tumuntong lamang sa pedestal na para sa kanila’y exodo papunta sa mas maginhawang buhay.
Kaakibat ng pagiging artista ang pagyaman, pagkakaroon ng mga tagasuporta, paglitaw sa telebisyon at mga billboard, maski sariling hashtag ay kasama na sa package. Mismong mga oportunidad ang kusang kumakatok sa’yong pintuan. Sa pagiging artista, handa ang mundo na saluhin ka sa halos kahit anong sitwasyong kasangkutan mo.
Ngunit para sa mga katulad nating simpleng mamamayan, masyadong mailap ang ganyang kapalaran. Oo, marami na ang sumikat sa paggawa ng sarili nilang pangalan sa industriya. Pero paano pa kaya kung sa simula’t sapul pa lamang ay taglay mo na ang yaman at apelyidong kayang bilhin ang katanyagan? Nagiging opsyonal na lang itsura at talento dahil madadaan ‘yan sa mga mamahaling retoke at workshops.
Sa madaling salita, pribilehiyo ang pagiging isang artista sapagkat kasabay ng marangya niyang pamumuhay ay ang paghihirap ng mas nakararami. Habang may mga tagahanga’t abogadong handa kang ipagtanggol sa kahit sinumang umapi sa’yo, nananatiling bulnerable naman ang karamihan sa pananamantala.
Sa unang tingin ay iisipin nating taliwas ito sa kasalukuyang pangyayari kung saan pati sina Liza Soberano at Angel Locsin ay naging mga biktima na rin ng redtagging. Malaki ang implikasyon nito para sa atin dahil kung sila mismong mga artista ay hindi na sinasanto ng estado, paano pa kaya tayong mga ordinaryong mamamayan? Bagama’t kahanga-hanga ang pagiging progresibo nila, lalo lamang nitong pinapatingkad ang katotohanang may sapat silang sosyal at kultural na kapital upang protektahan ang kanilang mga sarili. Sa huli, pribilehiyo pa rin ang naghihiwalay sa atin mula sa kanila.
Samakatuwid, hindi natin masasabing ‘di pwedeng makisawsaw sa pulitika ang mga artista kung ang mismong katayuan nila sa buhay ay bunga ng sistemang pinapaboran ang mga mas may kaya. Dito natin makikita na may kapangyarihan sa pribilehiyo, at ang pribilehiyo ay pulitikal.
Pulitikal ang maging isang artista.