OPINYON | Ipinag-bake na lang sana kita ng Nutribun

Ni Malaya Francisco

The Manila Collegian
8 min readMay 18, 2022

Hindi mo naman sinabi na gusto mo lang palang matikman muli at ipatikim sa apo mo ang Nutribun. Makikita na ang recipe nito sa internet, pwedeng-pwede mong i-search, panoorin kung paano gawin, at ikaw na mismo ang gumawa para sa sarili mo. Pero kung nahihirapan ka at wala kang gamit, handa kitang tulungan. Ipapakita ko sa’yo ang mga sangkap sa paggawa ng Nutribun.

Kilala rin sa pangalan na Nutri-bun o Nutriban, ang Nutribun ay isang tinapay na unang nakilala sa bansa noong dekada ’70, sa panahon ng administrasyon ng idol mo na si Ferdinand Marcos Sr., isang diktador. Ipinamahagi ito noon sa mga feeding program ng mga pampublikong elementarya, na ang layunin ay magsilbing “ready-to-eat complete meal” para labanan ang malnutrisyon sa bansa.

‘100% wheat flour;’ 25% sinungaling

Ayon sa inilabas ng esquiremag.ph na mga sangkap ng kinalakihan mong Nutribun, ito ay ‘100% wheat flour.’ Ibig sabihin, harinang mula sa trigo ang pangunahing sangkap sa paggawa nito. Tunog mayaman man ang wheat flour, mabibili mo ito sa presyong abot-kaya sa mga malalaking palengke at grocery store. Promise ‘yan, walang halong kasinungalingan, hindi tulad ng idol mong pamilya Marcos.

Akala kasi ng karamihan, ikaw din siguro, na ang pamimigay ng Nutribun noon ay proyekto ng diktador na si Marcos. Ayun din kasi ang isa sa mga ipinapakalat na impormasyon ng mga Marcos at supporters nito. Pero sa katotohanan, ma-se-search mo rin ito, ang Nutribun ay produkto na dinisenyo ng United States Agency for International Development (USAID). Sila rin mismo ang nagpamahagi ng paborito mong tinapay, sa ilalim ng kanilang Food for Peace Program.

Hindi rin padadaig sa pagsisinungaling ang ibinoto mong presidente ngayong Halalan 2022 na si Bobong Marcos, este, Bongbong Marcos (BBM). ‘Like father, like son,’ ata ang gustong patunayan ni BBM dahil tulad ng tatay nyang sinungaling, pilit nyang pinaninindigan na nakakuha raw siya ng college degree mula sa Oxford University, kahit hindi naman.

Sa katotohanan, na kinumpirma na rin mismo ng Oxford, hindi nakakuha ng degree si BBM mula sa kanilang paaralan dahil hindi naman nito natapos ang kanyang kurso. Tanging special diploma lamang ang nakuha nito na hindi naman maituturing na college degree. Samakatwid, hindi nakapagtapos ng kolehiyo ang presidente mo.

Napakahalaga talaga ng pagreresearch dahil sa pamamagitan nito ay malalaman mo na ang Nutribun ay 100% wheat flour at ang mga Marcos naman ay 25% sinungaling.

‘14% dry milk;’ 25% magnanakaw

Isa pang sangkap sa paggawa ng Nutribun ay ang dry milk. Sa mas tiyak na termino, ang Nutribun ay mayroong 14% nonfat dry milk solids. Alam kong medyo mahirap intindihin pero pwede ka ring gumamit ng kahit anong powdered milk bilang pamalit dito. Mura lang din ito kaya makakaya mong bumili. Pero kung may kilala ka na meron nung mismong sangkap, pwede ka ring manghingi. ‘Wag mo lang basta-basta kukunin nang walang paalam dahil pagnanakaw yun. Ganyan kasi ang mga Marcos.

Inangkin nila ang proyekto ng Nutribun kahit pa, tulad ng sinabi ko kanina, hindi naman sa kanila ito. Hindi lamang proyekto ang kanilang inangkin noon, pati ang mismong laman ng kaban ng bayan. Aabot sa $10 bilyon ang nakaw na yaman ng pamilya Marcos. Sa kasalukuyang palitan ng dolyar sa peso, ang halagang ito ay katumbas ng mahigit ₱523 bilyon, at ₱174 bilyon pa lamang dito ang nabawi ng Pilipinas mula sa kanilang pamilya.

Bagaman itinanggi ng kampo ni BBM na may kinalaman siya sa pagnanakaw ng kanyang pamilya, pinabulaanan naman ito ng dating commissioner ng Presidential Commission on Good Governance (PCGG) na si Ruben Carranza. Ayon kay Carranza, isa si BBM sa mga namahala sa kanilang ari-arian matapos mamatay ang kanyang tatay noong 1989. Ibig sabihin, isa si BBM sa administrador ng mga nakaw na yaman ng kanyang pamilya kaya papaanong wala siyang kinalaman doon? Sinungaling talaga.

Sa kasalukuyan, hindi hihigit sa ₱125 bilyon ang hinahabol pa ng PCGG mula sa pamilya Marcos. At dahil binoto mo si BBM bilang presidente, kapalit ng Nutribun, maaaring hindi na maibabalik pa ang ninakaw nilang pera mula sa kaban ng bayan. Ayon nga kay dating Supreme Court associate justice Antonio Carpio, kung magiging presidente si BBM, magkakaroon siya ng kapangyarihan para buwagin ang PCGG upang wala nang maghabol pa sa kanilang ninakaw na yaman ng bansa.

Dahil sa pagboto mo sa isang magnanakaw, ang buwis na binayaran mo o ng mga magulang mo noon, na napunta sa bulsa ng mga Marcos, ay maaaring hindi na maibabalik pa.

Hindi lang talaga sila basta sinungaling, ang mga Marcos ay 25% magnanakaw din.

‘12% sugar;’ 25% berdugo

Para magkaroon ng lasa ang iyong Nutribun, kailangan mo ng asukal. Ayon ulit sa esquiremag.ph, ang basic Nutribun ay may 12% sugar. Dahil nga para ito sa mga batang nag-aaral sa elementarya noon, nagsisilbing pampalasa at pampasarap ng tinapay ang asukal. Ngunit sa kabila ng masarap na tinapay, mahirap na buhay naman ang naranasan ng mga Pilipino noon sa ilalim ng pamamahala ni Marcos. Kung hindi mo o ng pamilya mo naranasan ito, sana all. Subalit hanggang ‘sana all’ na lang din ang mga naging biktima ng batas militar ng diktador na si Marcos.

Noong ipinatupad kasi ni Marcos ang batas militar sa Pilipinas, mas lumala ang mga naging paglabag sa karapatang pantao. Sa pagsisiyasat ng Amnesty International, higit 70,000 na katao ang ipinakulong, 34,000 ang nakaranas ng tortyur, at 3,240 ang pinatay ng diktaduryang Marcos.

Kung may nabasa o narinig kang impormasyon na puro komunista lang naman ang pinatay noon, ‘teh, fake news ‘yon. Dahil sa katotohanan, kabilang ang mga bata, guro, estudyante, at iba pang inosenteng sibilyan sa bilang ng mga pinatay sa panahon ng tinatawag mong ‘golden era’ ng Pilipinas.

Speaking of asukal, hindi rin nakaligtas sa kalupitan ng batas militar ni Marcos ang mga kababayan nating nagsasaka ng tubo o sugarcane. Nang bumagsak ang bilang ng inaangkat na asukal ng Amerika mula sa Pilipinas, dulot ng pagtatapos ng Kasunduang Laurel-Langley noong 1974, itinalaga ni Marcos ang kanyang mga kroni o mga malalapit na kaibigan upang pamunuan ang merkado at kalakalang aspeto ng bansa.

Ang pagtatalaga ni Marcos ng kanyang cronies ay mas lalong nagpalugmok sa industriya ng asukal sa bansa. Ninakawan nito ng milyong kita ang mga magsasaka ng tubo. Isang ebidensya rito ay ang mga hindi inulat na kita ng National Sugar Trading Corp. (Nasutra) na $430 milyon mula 1978 hanggang 1983. Sa mga taong ito, si Roberto Benedicto, kroni ni Marcos, ang nakatalagang chief ng Nasutra at pati na rin ng Philippine Sugar Commission (Philsucom). Ang katotohanang iyan ay ayon mismo sa resulta ng pag-o-audit ng gobyerno.

Sa isla ng Negros, na tinaguriang ‘Sugar Capital of the Philippines’ at noon ay siyang nagpo-produce ng 50% ng kabuuang output ng asukal sa bansa, nagdulot ang kawalan ng kita sa halos 200,000 sugarcane workers sa mga plantasyon na nawalan ng trabaho. Dito na nagsimula ang malawakang kagutuman sa probinsya at mga bata ang pangunahing naapektuhan nito.

Ayon sa ginawang survey ng National Nutrition Council of the Philippines, sa tinatayang 2.2 milyon na Pilipinong nakatira noon sa Negros, taong 1985, nasa 350,000 o 40% ng mga batang may edad 14 pababa ang naging biktima ng malnutrisyon.

Sa kabuuan, tinatayang nasa isang milyong katao ang naapektuhan ng matinding kagutuman sa isla ng Negros. Ang pangyayaring ito ay nagsilbing mitsa, hindi lamang ng pagbibigay-tulong, sa pamamagitan ng mga feeding program at relief operations, ng internasyonal na komunidad, kundi pati na rin ng pagbubukas ng isipan ng mga biktima ng gutom na sumapi sa rebolusyonaryong pwersa na New People’s Army para supilin ang rehimen na nagpapahirap sa kanila.

Pait ang nalasahan ng mga magsasaka kapalit ng tamis na ibinigay ng kanilang aning tubo sa ipinagmamalaking Nutribun ng diktaduryang Marcos.

Pilit namang itinatanggi ni BBM, as usual, ang katotohanang ito. Ayon sa isang panayam sa kanya noong Enero, wala raw siyang alam kung saan nakuha ng Amnesty International ang mga numerong nabanggit. Ito ay sa kabila ng mga ebidensya — larawan, bidyo, at mga testimonya mula sa mga naging biktima at pamilya nito — ng mga panghaharas sa taumbayan noong panahon ng tatay nya.

Hindi man kasalanan ng anak ang kasalanan ng ama o ng magulang, nagbubulag-bulagan naman si BBM sa mga ito. Kaya naman hindi pwedeng kalimutan at patawarin na lang ang mga Marcos, lalo pa’t hindi naman nila kinikilala ang kanilang mga nagawang kasalanan at hindi rin naman sila humihingi ng kapatawaran.

Isang salita lang ang tamang gamitin para sa mga Marcos sa kanilang mga ginawang paglabag sa karapatang-pantao ng maraming Pilipino — berdugo. Ang mga Marcos ay 25% berdugo.

‘1% yeast;’ 25% duwag

Para sa huling mga sangkap ng Nutribun, ito ay binubuo ng 5% vegetable oil, 1.5% salt, at 1% yeast na ginagamit bilang pampaalsa. Kung medyo nag-aalangan ka sa paggamit ng yeast dahil ito ay isang klase ng fungus, ‘wag kang mag-alala o matakot sapagkat may mabuti rin itong naidudulot sa ating katawan.

Kung nais mo talagang ma-achieve ang perfect Nutribun na minsan mong natikman noon, maglakas-loob kang gamitin ang lahat ng sangkap na nabanggit at ‘wag lumiban, este, ‘wag magliban ng kahit isa. Dahil ang gawaing pagliban o pagtalikod sa laban ay ugali rin ng mga Marcos, lalong-lalo na ni BBM.

Sa mga nagdaang eleksyon sa bansa, naging bahagi na ang pagsasagawa ng mga debate, kung saan ay nalalaman ng mga tao ang mga plataporma at panig ng isang kandidato sa iba’t ibang isyu. Subalit, sa dami ng imbitasyon na ibinigay kay BBM upang lumahok sa mga debate sa katatapos lang na eleksyon, kasama na riyan ang mula mismo sa Commission on Elections (COMELEC), isa lang ang kanyang dinaluhan. At ang isang iyon ay pabor pa sa kanyang panig. Itago na lang natin ang news channel na iyon sa pangalang Sonshine Media Network International (SMNI), ang broadcasting arm ng sikat na pastor pero sexual abuser na si Apollo Quiboloy.

Bahag ang buntot ng susunod na panggulo, este, na pangulo na dumalo sa mga debate, na hindi pabor sa kanya ang mga nag-organisa, dahil alam niyang paulit-ulit na isasampal sa kanya ang katotohanang siya at ang kanyang pamilya ay sinungaling, magnanakaw, at berdugo.

Kung noong eleksyon pa lang ay takot nang humarap si BBM sa mga isyung ibinabato sa kanya, paano natin masisiguro na kaya niyang harapin ang mga isyu ng bansa, sa oras na maupo na siya sa pwesto? Paano natin masisiguro na hindi siya uuwi sa kanilang tahanan at magtatago sa ilalim ng saya ng kanyang asawa o ina, kung buhay pa, sa panahon ng krisis sa bansa?

Kahit papaano sana ay nasagot ang mga tanong na iyan kung hindi inatrasan ni BBM ang mga paanyaya sa kanya na mga debate. Ang kaso lang, 25% duwag si BBM.

Ayan, alam mo ngayon na ang mga sangkap sa paggawa ng Nutribun. Sa puntong ito, alam mo na rin dapat ang mga katangian — isang sinungaling, magnanakaw, may berdugong pamilya, at duwag — ng presidenteng binoto mo.

Ang mga nabanggit ko ay parte lamang ng marami pang dahilan kung bakit hindi na dapat sila ibinabalik pa sa kahit anong posisyon sa ating pamahalaan. Pero dahil nandyan na, ang magagawa natin ngayon ay buksan ang isipan ng iba sa katotohanang ito.

Kung sinabi mo lang sana na gusto mo lang palang matikman muli at ipatikim sa apo mo ang Nutribun, kaya mo binoto si BBM, ipinag-bake na lang sana kita.

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet