OPINYON | Kung Paano Ako Niligaw ng Maynila
Ni Gwyneth Cruz
Dalawang buwan na pala ang nakalipas pero daig pa ang isang siglo sa tagal ng pagtakbo ng mga araw, paulit-ulit na pinakikinggan at binabasa ang mga leksyon para sa paparating na pagsusulit na kahit anong sipag ay maaari pa ring maibagsak. Nagsimula nang maglakad muli ang mga estudyante — bili rito, kwento roon, pagsasaya, paglipat ng pahina, sabay sabay sa iisang lugar. Sa puso ng Unibersidad ng Pilipinas — Manila matatanaw ang isang estudyanteng nakasuot ng puting t-shirt at lumang pantalon na palinga-linga, hindi malaman kung saan pupunta. Magpapatuloy ba sa loob ng silid-aralan upang makilahok sa diskusiyon o lalabas ba patungo sa kanto ng Padre Faura upang makisali sa protesta? Paiigtingin ba ang kagustuhang makapagtapos at abutin ang pangarap o mas pipiliing pakinggan ang mga iyak ng kapwa kamag-aral?
Sa dami ng boses na pumapalahaw sa lahat ng direksiyon, sino nga ba ang dapat pakinggan?
Paurong, Kad. Ipinihit niya ang mga paa’t tumalikod sa entrante ng kanyang silid-aralan. Ngunit hindi niya tinalikuran ang hinaing ng kapwa niya kamag-aral at propesor na lubos na nahihirapan sa pagpapanatili ng dangal at kahusayan ngayong may pandemya pa’t katatapos pa lamang ng hagupit ng bagyo. Bago pa siya makahakbang, isang anunsyo ang umalingawngaw, “Kinokondena ng mga presidente at tagapangulo ng 75 na eskwelahan ang mass promotion na nangangahulugang hindi na tatapusin ang semestre, bagkus ay lahat ng estudyante ay bibigyan ng pasadong marka. Ang desisyon na ito ay ginawa upang mapreserba ang pang-akademikong integredad ng mga kurso kung saan ang kalidad ng edukasyon ay hindi dapat makompromiso.”
Napayuko siya sa narinig nang biglang sa kanya’y bumulong “Sa sunud-sunod na sakuna, kaya mo pa bang gumawa ng iyong proyekto? Lugmok na ang bayan mo, maaatim mo pa bang humawak ng libro? Sinalanta ang mga kaklase mo, paano mo nakakayanang magpatuloy? Tapusin ang semestre, ipasa lahat ng estudyante.”
Kanang Panig, Kad. Ipinihit niya ang mga paa sa kanan at nagsimulang maglakad patungo sa malubak na kalsada. Huminto siya nang maramdaman niyang tumunog ang kanyang cellphone at dali-dali niya itong binuksan. Bumungad sa kanya ang balita na nagsagawa ng mass strike o pag-boycott ng klase sa pamamagitan ng hindi paggawa ng mga academic requirements. Kamakailan lamang ay naglabas ng pahayag ang The Manila Collegian patungkol sa isyu — “No Online Classes Until Duterte Steps Down.” Sariwa pa sa ala-ala niya ang pagprotesta nila noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada. Madaling mag-aklas at luminya sa personal ngunit hindi ito maipatutupad ngayong online, lalo na kung hindi naman lahat ay makikilahok. May mga kaklase siya na hindi kayang gawin ang ganitong mga bagay dahil sa pribilehiyo, pangarap — maituturing ba itong kasakiman? Hindi niya rin alam.
Mayroon na naman sa kanya’y bumulong “Walang silbi ang pinag-aralan kung manonood ka lamang. Kalampagin ang administrasyon, ipakita ang pakialam sa sariling pamamaraan. Nilalapastangan na ang bansa mo, ayos lang sayo? Kung ayaw bumaba ng kusa ng mga nakaupo sa itaas, tayo ang hihila sa kanila sa kanilang pwesto.”
Kaliwang Panig, Kad. Ipinihit niya ang mga paa sa kaliwa at lumakad sa daan na puno ng dahon. Habang nag-i-scroll siya sa kanyang Facebook, napadpad siya sa nilabas na artikulo kay Education Secretary Leonor Briones na may kalakip na bidyo. Pinanood niya ang panayam hinggil sa Academic Freeze, “…ang pagkansela ng pagbubukas ng klase sa taong ito ay labis na makasasama sa mga bata dahil sila’y higit na maiiwan pa.” Napabuntong hininga na lamang siya’t napapikit. Alam niyang marami nang naging left behind simula pa lamang ng klase — pinatotohanan ito ng mga kaklase niyang ang sanang pera na pambili ng bigas ay nauuwi sa pampa-load. Pero kung sakaling ito’y mapatupad, paano na lamang ang mga magulang niyang nagtuturo sa pribadong paaralan? Siguradong maraming mga guro at mga tauhan ang mawawalan ng trabaho? Sobrang nakapanlulumo na yung pondong nakalaan sa kanila ay pinambibili ng mamahaling ham and cheese.
Akala niya’y wala nang bubulong ngunit, “Nanalo ba talaga ang mga mag-aaral laban sa COVID-19 dahil lamang binuksan ang klase? Nanalo nga — sa dami ng mga hindi na nakapag-enroll at sinakripisyo ang kagustuhang humawak ng pluma dahil yakap ng kahirapan. Isang malugod na pagbati sa pagputol ng mga pakpak ng pag-asa ng bayan!”
Pasulong, Kad. Ipinihit niya ang mga paa paharap at nagsimulang maglakad sa entrante ng kanyang silid-aralan. Kinuha niya ulit ang cellphone at napatitig sa litrato kung saan hawak niya ang diploma, abot langit ang ngiti habang yakap siya ng kanyang mga magulang — sobrang hirap pero may mga pangarap siya. Malaking dagok ang paglipat mula sa traditional tungo sa remote/distance learning at hindi handa ang ang bansa para sa binansagang new normal. “As much as we wanted education not to be sacrificed, we cannot help it.” Kung sana ang buwis na pinaglalaanan ng dugo at pawis ng taumbayan ay napupunta sa mga unibersidad at hindi sa bulsa ng mga nakabarong na opisyal, sana marami na ang nakapagtapos. Hindi naman na talagang natututo, nag-aaral na lamang upang makapagpasa ng mga dapat ipasa. Tanda niya kung paano siya umiyak noong nalaman niyang mababa ang nakuha niyang marka kahit pa hindi na nga siya natutulog sa kakaaral. Nanlabo bigla ang kanyang paningin. Naramdaman niya ang pagod, kakayanin pa ba? Pangarap, pangarap, tila bakit naging mas mailap pa?
Habang humahagulgol, isang tinig ang sa kanya’y bumulong, “Paano ba kumapit kung tila gahibla na lamang ng sinulid ang kakapitan? Ang makabagong sistema na ito ang siyang papatay sa mga estudyante — isang nakapapagod na siklo na wala na atang katapusan. Paano pa ba magbabaga ang apoy na natupok na? Huminga ka at magpahinga sandali. Lagyan ng langis upang sumiklab muli.”
Sa Lunan, Hinto. Mugto pa ang mga mata, tiningnan niya isa isa ang mga daan. Kapakanan ng lahat? Pananagutan mula sa gobyerno at iba pang sektor? Pribilehiyo? Pangarap? Alin ang tama? Marahas siyang napakamot sa ulo, wala bang pilapil o hagdan, isa pang landas kung saan makikinabang ang lahat, kung saan walang matatapakan, kung saan walang damdaming pababayaan? Isang panibagong landas na may magkakatulad na oportunidad — hindi pinamamahalaan ng yaman, talino, o kung ano pa man?
Hindi na niya alam.
Sa dinami-rami ng daan na maaaring tahakin, alin nga ba ang dapat piliin?
Bago mamatay ang mga ilaw sa bawat daan, isang paos na tinig ang sa kanya’y bumulong,