OPINYON | “To-do list”

The Manila Collegian
2 min readNov 28, 2020

--

Ni Christel Castro

☐ [Backlog #1]

☐ [Backlog #2]

☐ [Backlog #3]

☐ [Backlog #4]

Kaliwa’t kanan ang mga backlogs na kailangang tapusin. Gabundok na readings ang kailangang basahin. Pagkatapos gawin ang isa, agad na lilipat sa sususnod na gawain para makaabot agad sa deadline. Hindi nauubusan ng gawain sa to-do list. Ganiyan ang buhay ng mga estudyante ngayong panahon ng pandemya, halos walang pahinga!

Isa pang dagdag na pasanin ang checklist ng kapalpakan ng gobyerno.

☑ Feeling depressed ka sa mga kaganapan? Ayan ang dolomite sa Manila Bay.

☑ Magla-landfall ang isang malakas na bagyo ngayong gabi? Best time para sa beauty sleep ng pangulo.

☑ Nabasa at nasira ang mga modules dahil sa bagyo? Ibilad at plantsahin na lang.

Kaya naman naglipana rin ang mga panawagan ng mga estudyante upang maibsan ang mga problemang kinahaharap ng bansa. Ilan na rito ang #AcademicEase, #EndtheSemNow, at #NoStudentLeftBehind kung saa’y palagi kang makakakita ng mga kumento na “Mga tamad!” o ‘di kaya’y “Kung ayaw niyong mag-aral, edi huwag! Bakit kayo nandadamay?!”

Itigil na ang pagbubulag-bulagan sa mga nangyayari. Hindi lang naman online learning ang inaatupag ng mga estudyante, nariyan din ang pasanin sa pandemya at sunud-sunod na kalamidad na nakaapekto sa milyon-milyong mamamayan sa Pilipinas. Bukod sa pagiging estudyante, kailangan ding gampanan ang tungkulin sa pamilya at higit sa lahat, sa bayan.

Hindi katamaran kundi pagmamalasakit ang layon ng agarang pagpapatigil ng semestre. Layunin nitong bawasan ang pasanin ng mga estudyante at kanilang mga pamilya upang mas makapag-pokus sila sa mas importanteng bagay. Madaling magbigay ng mga kumento dahil sa pribilehiyong tinatamasa, ngunit imbes na gamitin ito para isulong ang pansariling interes, gamitin natin ang ating mga pribilehiyo upang isulong ang makabubuti para sa masang api.

Hindi lang nakakulong sa apat na sulok ng classroom, o sa apat na sulok ng screen, ang pagkatuto ng isang estudyante. Mas marami pang kaalaman ang naghihintay sa atin kung ilulubog natin ang ating sarili sa masa.

Pasan ng taumbyan ang mga kapalpakan ng gobyerno sa panahon ng krisis. Kitang kita ang kawalan ng kakayahan at kapabayaan sa mga hindi makataong aksyon ng administrasyon. Dahil dito, isang panibagong to-do list na naman ang kailangan nating matapos.

☐ Lagi’t laging unahin ang kapakanan ng bayan at ng masang Pilipino

☐ Panatilihin at patatagin ang diwa ng aktibismo

☐ Paalisin ang mga pasistang nakaupo sa pwesto

--

--

The Manila Collegian
The Manila Collegian

Written by The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.

No responses yet