OPISYAL NA PAHAYAG UKOL SA PAGDAKIP KAY LLOYD MANANGO

The Manila Collegian
2 min readMay 21, 2022

Dinakip ng kapulisan ang mamamahayag ng The Manila Collegian na si Lloyd Manango habang kino-cover sa demonstrasyong ginanap sa tapat ng US Embassy kaninang umaga, sa kabila ng kawalan ng sapat na dahilan para sa nasabing pagdakip. Dinala si Manango sa Manila Police District 5 Station, bandang alas dose ng tanghali. Ayon sa mga saksi, walang maipaliwanag na kaso ang mga pulis ukol sa pagpiit sa mamamahayag na nasa protesta laban sa militarisasyon ng United States upang mag-ulat.

Bagama’t nakalaya na ang isa naming kasamahan na si Lloyd Manango, hindi naging biro ang dinanas niya nang madakip siya kaninang umaga habang siya ay nag-uulat, bilang mamamahayag, sa isang kilos-protesta na isinagawa malapit sa US embassy. Ang pagkadakip niyang ito ay isa lamang patunay sa patuloy na lumalalang pagpapatahimik at represyon sa malayang pagpapahayag.

Ang mga aksyon na ginawa ng mga pwersa ng estado kanina ay lantad na paglabag sa mga karapatan, at banta sa kaligtasan ng mga mamamahayag at Press Freedom sa bansa.

Hindi ito ang unang beses na may inaresto mula sa aming pahayagan. Noong nakaraang taon, isa sa miyembro namin ang kabilang sa Zambales 12 na sapilitang hinuli ng kapulisan dahil sa di umano’y paglabag sa social distancing at pinapirma ng dokumentong naglalaman na sila ay miyembro ng Communist Party of the Philippines — New People’s Army (CPP-NPA). Ilan lang ito sa mga manipestasyon ng tahasang pagpapatahimik ng administrasyon sa mga taong naghahatid ng katotohanan sa mga tao. Kailanma’y hindi naging mali magdaos ng protesta at lalong hindi mali ang pamamahayag.

Sa nangyaring pagdampot sa mga nagproprotestang mamamayan sa harap ng U.S Embassy, muling ipinakita ng gobyerno ang lantarang pagpabor nito at pagprotekta sa pansariling interes. Habang patuloy na pinapalakas ng Pilipinas ang relasyon nito sa mga imperyalistang bansa, nananatili itong bulag at bingi sa mga sigaw ng mga Pilipinong tumitindig para sa kanilang karapatang pantao.

Mariing kinokondena ng The Manila Collegian ang ginawang pagdakip ng kapulisan sa aming correspondent na si Lloyd Manango. Hindi kailanman magpapatinag ang publikasyon sa anumang uri ng panggigipit ng mga elemento ng reaksyonaryong estado. Patuloy naming isusulong ang panawagan para sa press freedom dahil ang pag-atake sa midya ay direkta pag-atake na rin sa demokrasya ng bansa at ng mamamayan nito.

Samahan niyo kaming tumindig at patibayin ang hanay ng mga mamamahayag. Sa panahon ng malawak na dayaan sa eleksyon at patuloy na panggigipit sa mga lider-estudyante at aktibista, kaisa niyo kami sa pakikibaka laban sa bulok na sistema at tungo sa tapat na pamamahala. Hindi rito matatapos ang ating pagseserbisyo kasama ang masa.

Ipinapaabot ng buong publikasyon ang pasasalamat kina Atty. Rea Guiloreza ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) at Safety Officer Raymund Villanueva ng NUJP para sa kanilang karagdagang tulong sa mabilisang paglaya ng aming kasamahan.

#DefendPressFreedom

--

--

The Manila Collegian

The Official Student Publication of the University of the Philippines Manila. Magna est veritas et prevaelebit.