Pag-usbong at Paglisan
ni Sebastian San Diego
Iba-iba ang nararating ng pagbabanibagong-landas. May ilang lumilihis ng prinsipyo, may ilang nagiging sugo ng mga imperyalista at kapitalista, may mga tumatangan ng armas, may mga taong pinipili na mamuhay sa itinuturing nilang kapayapaan, may mga masikhay na nakikibaka, at may mga nag-aalay ng buhay sa pagkilos kahit kapalit pa ay kamatayan.
Sa buong tala ng iyong pamalalagi, pumipili ka ng landas. Anuman ang iyong tahakin, ito ang tatandaan mo: hindi ang pagsasawalang-bahala at pagtakas ang magliligtas sa’yo. Ang mga kalunos-lunos na pangyayari sa lipunan ay nananawagan ng iyong pagkilos at isa lang ang paraan para masupil ito: pambansa-demokratikong rebolusyon. Ang rebolusyon ay kwento ng buhay at kamatayan; umuusbong, lumilisan.
Pagsulong sa Pagsilang
Walang sinumang isinilang na may muwang na kaagad. Sa paglipas ng panahon, lumalago ang iyong kaisipan; nasasaksihan mo ang iba’t ibang tagpo na bumabago sa’yong pananaw. Bitbit ang mga pinaniniwalaan mong ideya, binabagtas mo ang iba’t ibang arko ng prinsipyo. Pinagmamasdan ang paligid, pinupulot ang mga aral, at inaabante ang sa tingin mong tama. Sumusulong ang iyong pagsisilang — paabante man o paatras.
Para sa mga pumipili na sumulong paatras, kaya nilang talikuran ang taumbayang nasa alanganin. Wala namang magbabago sa kanilang buhay kahit ano pang mangyari sa masang api. Tuloy pa rin ang pag-angat ng kanilang buhay, nasa kanila pa rin ang yaman at kapangyarihan. Subalit para sa mga nangahas na pumili ng paabanteng pagsulong, isa itong desisyong may karampatang sakripisyo. Isa itong paglaban sa bukas na walang katiyakan kung masisilayan mo pa.
Sa tunggalian ng lakas, minsan nga ay napapaisip ang isa — makatuwiran pa nga ba ang lumaban? Kung nasa kanilang kamay ang batas? Kung nasa kanila ang armas? Kung ang gamit nila ay dahas? Totoo, nakakatakot minsang isipin kung anong kapalaran ang naghihintay sa atin. Baka bukas makalawa, may mga pulis nang nakabantay sa ‘yong pinto o kaya na-man ay minamanmanan ka saan ka man magpunta. Kung masaklap pa, ikaw na ang susunod sa mga pinakabagong kaso ng pinagbabaril sa parang o ‘di kaya’y nakahandusay sa kalsada. Dahil sa kasalukuyang rehimen, hindi ka pwedeng bumalikwas. Kung ika’y mag-aaklas, kapalit nito ay bingit ng iyong kamatayan.
Normal ang masindak. Maaari ring magpahinga sa mga panahong sinusubok ang tatag. Pero kung habambuhay kang magpapadala sa takot at pipiliin na lang na isantabi ang sarili sa isang pwesto, para mo na ring kinalimutan ang masang niyuyurakan sa paligid mo. Hindi dapat isantabi lang ang panggigipit at paniniil ng estado. Ito ay dapat tinatapatan ng malawak na hanay ng masa at ng isang masusing pagkilos na handang manghamon, manghamig. Ganito ang pagsilang ng pagsulong, may kaakibat na kapalit — buhay mo man o kamatayan.
Pamamangka sa Dagat ng mga Ideolohiya
Gaya ng paglaban na maaaring maisilang sa iba’t ibang yugto, ang pagkamulat sa ideya ng rebolusyon ay kailangan ng pagtatansya. Kailangang pakiramdaman ang alon para ‘di makagawa ng padalos-dalos na kilos. Kailangan ng mabusising pag-aaral at pagsasanay upang makuha ang tamang porma ng pangingisda. Dapat ay hindi basta-basta hinuhuli ang isda kung ‘di pa tiyak ang loob, ‘di pa husto sa edad, at ‘di pa sapat ang hulma. May tamang panahon sa pagkalantad nila.
Sa dagat, may tunggalian ng ideya. Iba-iba ang pakay, iba-iba ang gustong marating. May mga kamumulat na nagsisimula pa lamang na sumusubok nang maglayag. May mga matagal nang namulat at pinapalawig sa mga kabilang laot ang konsepto ng paglaban — sa sityo man o sa kanayunan. May mga piniling ‘wag na lang mamulat at magpakasasa na lamang sa lupa. May ilan ding labis na ang pagkakalulong sa mga dekadenteng gawain, ‘di na napapanday ang bukas na kailangang harapin. At ang nasa pinakasukdulan, mga pumapatay sa mga mulat. ‘Di nila maatim na may humaharang sa kanilang barko. Papalubugin nila ang ideya na sumusupil sa kanila para ‘di makarating sa madla. Lingid sa kanilang kaalaman, bago pa nila magapi ang mga maliit na bangka na kaya nila ay naipasa na sa masa ang sagwan. Handang ipagpatuloy ang paglalayag kahit pa matagalang digmang bayan.
Iba-iba ang istorya ng pamamangka sa dagat ng mga ideolohiya. Ito ay digmaan ng talas ng prinsipyo, lalim ng paninindigan. Sa paglalayag, iyong tanganan ang mariing pagkontra sa agos.
Pagkilos na Simbigat ng Bundok
Naisilang na ang bagong tipo, naipasa na ang sagwan para sa matagalang digmang bayan, bakit pa kailangang harapin ang bundok?
Sa pakikipagtuos sa pwersa ng estado, kailangan ang isang pagkilos na nag-aalab, nagpupunyagi. Ito ay may malalim na batayan, mayaman sa punlang aral, at sagana sa kapanabikang baliktarin ang tatsulok. Kailangang lumikha ng pagkilos na walang pasubali — hindi nagmamaliw, hindi natitinag.
Sa paglalakbay sa mga bundok, maaaring pumukaw sa iyong kamalayan ang katanungang, “Handa ba akong harapin ang kamatayan?” At ito lang ang tanging tugon: “Handa ka bang mabuhay na ganito lang ang sistema?” Mapanlinlang, mapang-alipusta? Nasa sa’yo ang sagot. Kung pipiliin mo ang tumalikod, kapalit nito ay deka-dekada pang tanikala. Ngunit kung pipiliin mo ang pagyakap sa rebolusyon, kahit pa buhay mo man ay ialay, maipagmamalaki mong ginawa mo ang iyong makakaya para makalaya. Susundan ng yapak ng mga susunod pang henerasyon — ganito ang iyong kagitingan, higit pa sa bundok. Higit sa buhay, higit sa kamatayan.
Gaya ng mga pesanteng ipinaglalaban ang kanilang mga lupa, ng mga manggagawang nais makawala sa monopolyo sa paggawa, at tulad kong itinuturol ang peryodismong nakasandig sa katotohanan at taumbayan, nawa ay mapasa’yong-kamay ang iyong porma ng rebolusyon. Bagaman ito ay lumilisan, ito ay patuloy na uusbong sa paglaon ng panahon.