Pagbalakid sa Protesta ng BP 880
ni Hyacinth Aranda
Buhay na Kabalintunaan ang mga kuwentong hindi naililimbag sa libro, telebisyon, o radyo ay mga buhay na halimbawa ng mga labang kumikitil sa malayang pakikibaka — ang estado. Sa isang bayang ang pulso ng masa ay nakaugat sa demokrasya, ang kalayaan ay lagi’t laging sinusubok ng mga makapangyarihan, na nararapat sana’y pumoprotekta rito. Sa isang demokrasya, ang batas ay dapat nililikha upang itaguyod ang karapatang pantao ng mga mamamayan. Subalit noong Oktubre 22, 1985, sa ilalim ng diktadurang Marcos Sr., ipinatupad ang Batas Pambansa 880 na bumago sa kalayaan at aktibismo sa bansa. Sa ilalim ng Batas Pambansa 880 o “The Public Assembly Act of 1985,” pinapayagan ang mga Pilipino na magtipon nang payapa at magpetisyon sa pampublikong lugar, sa kondisyon na may permit mula sa lokal na pamahalaan. Gayunpaman, isa ito sa mga patuloy na hamon ng mga aktibista dahil ang batas na ito ay ginagamit upang pigilan ang kanilang mapayapang pagkilos.
Isa sa mga lungsod na mahigpit sa pagpapatupad ng batas na ito ay ang Tacloban, isang bayang tahimik sa ngalan ng huwad na kapayapaan. Noong Pebrero 7, 2020, nagpunla ng sindak ang estado sa mga Taclobanon at nagpatayo ng balakid sa kanilang kalayaan. Ilegal na hinuli ang Tacloban 5 — limang aktibistang inialay ang buhay sa paglilingkod sa masa at pagmulat sa katotohanan. Ngunit sa halip na kilalanin ang kanilang kabayanihan, sinampahan sila ng mga gawa-gawang kaso. Nababalot na sa takot ang Tacloban, na nagtago sa maskara ng isang mapayapang lungsod. Sa parehong lungsod, nagtagumpay ang mga lider-estudyante mula sa UP na basagin ang katahimikan sa pamamagitan ng isang kilos-protesta sa McDiola noong Agosto 5, 2020, upang ipanawagan ang paghinto sa militarisasyon sa kampus, budget cuts, at pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal. Sa kabila ng boses ng mga estudyante, pilit pa rin silang itinatahimik gamit ang intimidasyon at karahasan ng kapulisan, na bumaling sa Batas Pambansa 880 upang bigyang-katwiran ang kanilang pagmamalupit.
Ang mga katwirang ito ay tumagos sa social media nang maglabas ng opisyal na pahayag ang PNP Tacloban, binibigyang-linaw ang pangyayari sa nagdaang protesta. Binigyang-diin nila ang paggamit ng “maximum tolerance” habang hinihingan ng permit ang mga nagprotesta. Ngunit ang kanilang “maximum tolerance” ay nauwi sa pagpapadapa at pagposas sa isang lider-estudyanteng walang bitbit kundi mga panawagan. Huwad ang proteksyon kung ang paggamit ng batas ay nauuwi sa karahasan at kalupitan. Ang mga armas ng awtoridad ay naging banta na rin sa mga sibilyang may tanging bitbit na mga plakard at mga panawagan. Ang pamahalaang iniluklok ng mga normal na mamamayan ay nakatali sa tungkuling makinig, umunawa, at maglingkod. Ang kapangyarihan nila ay nagmumula sa masa. Ang diwa ng pakikibaka ay nakaugat sa kalayaan at ipinaglalaban, at hindi dapat ituring bilang banta sa seguridad at kapayapaan. Ang aktibismo ay hindi terorismo.
Ayon kay Atty. Kristina Conti ng National Union of People’s Lawyer, ang Batas Pambansa 880 ay lumalabag sa Artikulo 3, Seksyon 4 ng Bill of Rights ng 1987 Constitution, na nagsasaad na walang anumang batas ang maaaring humadlang sa malayang pamamahayag, pati na ang karapatang magdaos ng payapang pagtitipon upang maipahayag sa pamahalaan ang hinaing ng mga tao. Ang konstitusyon ay laging mananatiling pinakamataas na batas, at lahat ng batas ay nagmumula rito. Bukod pa rito, ang Batas Pambansa 880 ay ipinatupad sa panahon ng diktadura, kung kaya’t malinaw na may panlilinlang sa tao at masa.
Sa kabilang banda, ang pakikibaka ay nagsisimula sa pagbibingi-bingihan at pagbubulag-bulagan ng estado sa tunay na kalagayan ng mga maralita. Ang boses ng masa sa lansangan ay isinasagawa upang magkaroon ng sapat na lakas upang maabot ang mga nasa tuktok ng tatsulok ng lipunan. Kaya naman, tila isang kabalintunaan ang Batas Pambansa 880. Ang paghingi ng permiso sa mga makapangyarihan upang makibaka, gayong sila ang dahilan ng pagkilos, ay isang constitutional paradox. Sa halip na kapayapaan, ipinakikita lamang ng batas na ito ang pagiging sarado ng pamahalaan sa kritisismo at takot sa kakayahan ng mga Pilipino na magpahayag. Ika-52 taon na mula nang iproklama ni Marcos Sr. ang batas militar noong 1972, ngunit ang sugat at hapis na iniwan ng diktadura ay patuloy na sumasalamin sa mga naging biktima. Hindi kaaway ang mga nagprotesta kundi kababayang tumindig laban sa paniniil ng diktador.
Ang Batas Pambansa 880, na nagpadanak ng dugo at lumalaban sa Konstitusyon, ay nararapat na ibasura. Gayunpaman, ang paglaya ng bansa mula sa tanikala ng diktadura sa pamamagitan ng pakikibaka ay repleksyon ng kakayahan ng masa na magtagumpay laban sa mga mapaniil. Dapat ibaon sa limot ang batas na ito upang pigilan ang patuloy na paglaganap ng karahasan. Kung matutunan ng pamahalaan na makita ang aktibismo bilang isang manipestasyon ng pagmamahal sa bayan, sa halip na banta, ito ang panahon na ganap na mananaig ang tunay na kalayaan.