Pagdaluyong ng Pakikibaka Laban sa Makinarya ng Panlinlinlang
ni Jermaine Angelo Abcede
Sapagkat duyan ka ng magiting, ‘di ka pasisiil, ‘di ka palilinlang, ‘di ka pagagapi.
Sa payak at malawak na pook ng South Baluarte sa Molo, lungsod ng Iloilo, may namumuong serye ng panlilinlang at porma ng pakikibaka para tapusin ito. Sa patuloy na pagraratsada ng estado sa Charter Change (Cha-cha), sinusuyod nito ang lahat ng dako ng bansa at ginagamit ang lahat ng paraan para maitaguyod ang Konstitusyon na papanig lamang sa interes ng naghaharing-uri.
Sa panghihimok ng administrasyon sa mga taga-Molo na lumagda sa People’s Initiative (P.I.) sheet kapalit ng ayuda o anumang bagay, lantarang isinisiwalat nito ang kanilang labis-labis na pagiging ganid at abusado sa kapangyarihan. Ngunit ang mga residente ng Molo ay may paninindigan sa kanilang prinsipyo; buo ang paniniwala nila na hindi isang pirasong papel ang magpapalaya sa taumbayan, laluna sa mga maralita.
‘Di Pasisiil sa mga Manlulupig
Giit ng mga residente, paiiralin lamang ng Cha-cha ang paghigpit sa kapit ng Pilipinas sa mga mapang-abusong kapitalistang dayuhan. Sa Cha-cha na niluluto ng pamahalaan, papayagan nito ang panghihimasok ng mga dayuhang bansa sa negosyo, edukasyon, at iba pang batayang serbisyo na wala namang pagtanaw sa tunay na danas ng mga Pilipino.
Ani ng mga residente ng Molo, sa halip na pagbibigay ng prayoridad sa mga dayuhan, ang dapat tutukan ng administrasyong Marcos Jr. ay ang pagsuporta sa pangangailangan ng mga Pilipino na matagal nang nalulugmok sa patong-patong na krisis bunga ng kapabayaan ng pamahalaan.
Naniniwala ang mga taga-Molo na ang sarili nating bansa ang dapat paunlarin at palakasin — hindi ang mga dayuhang korporasyon at kumpanya. Idiniin din nila na ipinapasok nila ang kanilang mga anak sa eskwelahan upang makalinang ng karanasan at karunungan nang sa kalaunan ay makapag-ambag sa lakas-paggawa ng bansa.
“Kung ang mga bata gipaskwela makdto dapat sa maayo na owner, mga Pinoy,” saad ni Rowera Baron, 47 taong-gulang na may apat na anak, sa isang panayam.
(Ang mga anak kong kasalukuyang nag-aaral ay dapat na magtrabaho para sa mga Pilipino, hindi para sa mga dayuhan na maaaring hindi sila tratuhin nang tama.)
‘Di Lumang Tugtugin
Hindi na bagong balita ang pag-aasam ng pamahalaan na susugan ang Saligang Batas. Mula sa mga nagdaang administrasyon hanggang kasalukuyan, pare-pareho silang nagkaroon ng pagtatangka ngunit wala kahit isang nagtagumpay. Subalit sa kasalukuyang rehimeng lantaran ang agawan sa kapangyarihan, hindi imposibleng maisakatuparan ito.
Anumang landas na tahakin ng administrasyon para maisulong ang kontra-mamamayang Cha-cha, naninindigan ang mga residente ng Molo na wala itong hatid na pagbabago sa mga Pilipino at magiging daan lang ito para mas lalong gatasan ng mga nakaupo ang taumbayan.
Gagap ng mga residente ng Molo na hindi malabong maging oportunidad ang Cha-cha sa pagpapalawig ng mga termino ng mga nakaluklok sa puwesto, na siyangmagreresulta sa kanilang pagmomonopolyo ng mga industriya sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan sa mga dayuhan, tulad na lamang ng pagsulpot ng mga dayuhang industriya sa lungsod.
“Padagko ang foreigners tapos ang Pilipino gagmay lang,” ani Luzviminda Bernadas-Aquino, 66 taong-gulang na may apat ding anak.
(Dadami ang bilang ng mga establisyemento ng mga dayuhan, habang ang sa mga Pilipino’y mababawasan.)
Kailanma’y ‘Di Magdidilim
“[Sa Cha-cha], walay karapatan ang mga tao, walay freedom.”
([Sa Cha-cha], walang karapatan at kalayaan ang mga tao.)
Ganito ilarawan ng isang grupo ng kababaihan sa Molo sa isang focus group discussion ang ipinapamarali ng Cha-cha sa kanilang pook. Ito ay matapos umugong ang isyu ng pagpunta ng iba’t ibang miyembro ng pamahalaan sa kanilang barangay upang sila ay mahimok na lagdaan ang P.I. sheet.
Sa kasawiang palad, may ilang residente sa Molo na nilagdaan ito dahil inihain nito ng kanilang mga nakausap bilang dokumento raw na kinakailangan sa pagtanggap ng ayuda. May ilan naman na iprinesenta ito na para sa Cha-cha ngunit hindi man lang nagkaroon ng kaakibat na paliwanag kung ano ang nilalaman nito. Desidido naman ang ilan na dumulog sa mga abugado upang mapawalang-bisa ang kanilang lagda sakaling gamitin ito ng pamahalaan para pormal na isulong ang Cha-cha sa Kongreso.
Dagdag dito, para kay Tatay Herman, 79 taong gulang na may anim na anak, dapat lubos na ipinapaliwanag ng pamahalaan ang anumang pagbabago sa batas laluna para sa mga hindi edukado.
Bilang pagdidiin, inihayag ng naturang grupo ng kababaihan na “sa’ting kamay nakasalalay ang layunin nilang hindi tama.” Sa tibay ng kanilang paninidigan, anumang porma ng Cha-cha ang ihain, buo at kolektibo ang kanilang panawagan: ‘di pasisiil, ‘di palilinlang, ‘di pagagapi.
Nailimbag ang akda na ito sa tulong ni Cris Fernan Bayaga, punong patnugot ng Lanog, pahayagan ng mga mag-aaral ng College of Arts, Communication, and Design, Unibersidad ng Pilipinas Cebu, na nagsilbing tagapagsalin ng mga pahayag na nakasulat sa Hiligaynon.