Paglaya sa Karsel na Daigdig
Ang Pagtamasa sa Edukasyong Makamasa
Nina Hyacinth Aranda at James Nerbis
Ang edukasyon ay susi raw sa kahirapan, ngunit kasabay nito ang katotohanang limitado lamang ang mga pintong maaaring buksan ng mga mahihirap, sapagkat ang pagpili ay isang pribilehiyong mas abot ng mga mayayaman. Ngunit sa bihirang pagkakataon na ang mga nasa laylayan ay kayang magbukas ng ibang pinto at oportunidad, sila’y tinutulak paatras ng isang depektibong sistema, kung saan ang tanikalang humahadlang sa kanila’y nagtatago sa likod ng isang mapagmalasakit na patsada.
Pangingibabaw ng mga pribadong paaralan sa SUCs
Isang kisapmata ang naging pagbabago sa pagtingin sa state university colleges (SUCs) nang aminin ni UP President Angelo Jimenez sa isang panayam ang mas mataas na posibilidad ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) na tumanggap ng mga ‘elite’. Ito ay mula sa inilabas na datos na nagpapakitang 60% ng mga mag-aaral sa UP ay nakapagtapos sa pribadong paaralan noong kanilang sekondarya. Hudyat nito, nais ni Jimenez na magkaroon ng pagbabago sa sistema upang mas maging bukas ang unibersidad sa lahat, partikular sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan at nasa laylayan ng lipunan.
Gayunpaman, tunay nga bang lahat ng mag-aaral na nagmula sa pampribadong paaralan ay mayaman? Mula nang inilunsad ang voucher system sa senior high school, mas nabuksan ang pinto para sa mga mahihirap na makapag-aral sa mga pribadong paaralan. Nang dumating din ang pandemyang nag-iwan ng malaking danyos sa kabuhayan ng mga Pilipino, maraming kabataan ang piniling pumasok sa kolehiyo sa mga SUCs kung saan libre ang tuition fee. Ito ay dulot ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act o RA 10931 kung saan naging libre ang matrikula ang mga estudyante mula SUCs at Local Universities and Colleges (LUCs).
Buhat nito’y tila nagsasabong na ang mga mag-aaral mula iba-ibang antas ng lipunan para lamang makakuha ng slot sa mga SUCs at LUCs. Dito na rin papasok ang usapin ng pribilehiyo pagdating sa mga entrance exam at higpit ng kompetisyon sa kanilang mga grado pagdating sa mga aplikasyon sa kolehiyo. Ang kawalan ng kakayahang mamili at ang pilit na pakikipagsabayan sa agos ng lipunan ay isang dagok para sa kabataang kinakamtan lamang ang karapatan nitong makapag-aral. Kung kaya’t bunsod na rin ng sistemang voucher sa mga senior high school, hindi lamang naging pugad ng mayayaman ang mga pribadong paaralan, sapagkat ito ay naging takbuhan ng mga mag-aaral na nais magpatuloy ng pag-aaral na libre at dekalidad.
Pagtibag sa mapinsalang paniniwala
Wari silang kalasag na sinasangga ang mga balang itinutudla sa kanila. Umiiral pa rin ang pag-ugong ng mga akalang hindi naman matimbang at matimyas. Sa di kalayuan ay mababanaag ang kulimlim sa mga tinging ipinupukol sa kanila. Hanggang saan nga ba hahantong ang ganitong uri ng paglalarawan sa kanila?
Naikintal na sa ating mga isip ang stigma ukol sa mga pribadong paaralan. Namulat ang karamihan sa diskursong tanging mula sa mayayamang pamilya lamang ang nabibigyan ng oportunidad na makapasok sa ganitong klaseng institusyon. Bukod rito, maraming kuro-kuro ang umaalingawngaw na kaakibat ng pribilehiyong kanilang tinatamasa ay protektado sila mula sa hagupit ng totoong mundo.
Gayunpaman, hindi tama na sabihing eksklusibo ang mga pribadong paaralan sa iilang miyembro ng lipunan at pugad lamang ang institusyong ito ng mga elitista sapagkat binubuo rin ito ng estudyante mula sa iba’t ibang estado at kalagayan ng buhay. May mga estudyanteng sinusuong ang teritoryong ito dahil sa vouchers na inaalok ng mga paaralan para makabawas sa presyo ng kabuuang matrikula. May mga pribado ring paaralan na nag-aalok ng full scholarship sa first ranking student ng kanilang batch. Ang iba ay mapalad na nagagantimpalaaan ng scholarship mula sa alumni ng mga institusyong ito. Samantalang ang iba ay nakakatanggap ng varsity scholarship para sa isports na kanilang naeengganyong laruin.
Ngunit kung susumahin, ang mga mapang-akit na pinansyal na suportang ito ay panakip-butas lamang sa patuloy na nabubulok na sistema ng edukasyon sa bansa. Dulot nito ang pagbagtas ng mga mag-aaral sa edukasyong walang kasiguraduhan kung ito nga’y para sa kanila. Taliwas ito sa paniniwala na ang mga pribadong paaralan ay hindi makikitaan ng pagkakaiba sa lupon ng mga estudyanteng tinanggap nila.
Krisis ng Pampublikong Edukasyon sa UPM
Masasalamin sa bansa ang sistematikong katangian ng mga hamong kinakaharap ng pampublikong edukasyon. Litaw na litaw ang ganitong uri ng kalagayan hindi lamang sa mga paaralang primarya at sekondarya, ngunit pati na rin sa mga SUCs. Kung susuriin naman ang ganitong klaseng isyu sa konteksto ng UP Manila, lubha nating malalaman kung ano ang ugat na pinagmumulan ng pag-usbong ng ganitong mga problema at kung bakit patuloy itong umiiral hanggang sa kasalukuyan.
Kung babagtasin ang gusali ng College of Arts and Sciences (CAS) at white colleges, kagyat na makikita ang kakulangan sa espasyo at pasilidad na siyang may regresibong epekto sa pag-aaral ng mga iskolar. Isang malaking pagsubok din sa unibersidad ang hindi balanseng classroom-to-student ratio na maoobserbahan lalo’t higit sa mga CAS courses. Nakaangkla rito ang hindi sapat na supply ng faculty sa napakalaki at lumalagong bilang ng mga estudyante ng unibersidad. Isang malaking kabalintunaan din ang ilang kurso na may kurikulum na nakasandig sa imperyalismo at nakahulma sa interes ng mga makapangyarihan.
Higit sa lahat, umiiral pa rin ang hindi makatarungang standardized admission process na patuloy na ginigipit ang mga nasa laylayan. Tatlong taon matapos ipatupad ang UP College Admissions (UPCA) bilang University Predicted Grade (UPG) model, nagkaroon ng malaking pagbabago sa acceptance rate sa pagitan ng mga pribado at pampublikong mag-aaral. Lubhang nakakaalarma dahil nababaling ang sisi sa mga estudyante na nangangarap lamang makapasok sa isang unibersidad na may libre at dekalidad na edukasyon. Nararapat lamang na isulong ang makatarungan at patas na admission process sa mga paaralan — isang proseso na walang kinikilalang estado at hahaya sa lipunan na tamasahin ang karapatan sa edukasyon.
Mahihinuna na nakaugat ang lahat ng isyung ito sa pondo na inilalaan ng pamahalaan sa mga SUCs. Dahil sa lumalalang budget cuts ay humahantong ito sa walang hanggang pakikibaka upang makamtan ang sapat at nararapat na badyet para sa unibersidad. Habang hindi nalulutas ang katiwalian na hanggang ngayon ay lantaran pa ring ginagawa ng mga may kapangyarihan ay patuloy na magdurusa ang sektor ng edukasyon. Maaaring bumaba ang kalidad ng edukasyon dahil sa kakulangan sa resources at maaaring makompromiso ang mga oportunidad na nakalaan sana para sa mga mag-aaral kung ginagamit lamang para sa interes ng masa ang pera ng taumbayan.
Pagtuligsa sa depektibong sistema ng edukasyon
Kada taon, sumasalang sa standardized admission process ang mga nais maging iskolar ng bayan. Ito ay kasalukuyang nakabatay sa iba’t ibang salik tulad ng applicant’s rank sa paaralan, campus quota, at cut-off grade. Sa ganitong sistema, pinagsasabong lamang ang mga estudyante sa tunggaliang sino ang nararapat at sino ang hindi. Subalit, ang ganitong klaseng kaparaanan ay likas na depektibo lalo pa’t grado lamang sa paaralan ang nagsisilbing saligan sa pagranggo at pagsuri sa mga aplikante.
Maraming salik ang hindi nasasaklaw ng grado lamang. Sa kasalukuyang sistema ng edukasyon, nalalaktawan na ang subhetibong aspeto ng talento, kakayahan, karanasan, at karakter ng bawat estudyante. Samakatuwid, ang krisis na ito ng edukasyon sa bansa ay hindi isang tunggalian sa pagitan ng estudyante at estudyante, tulad ng nakagawian. Kundi, ito ay isang tunggalian ng sistema laban sa estudyante — isang sistema na kontrolado ng mga makapangyarihang nais lamang lumikha ng bagong hanay ng lakas-paggawa. Kung kaya’t kritikal na ang maging kolektibong aksyon ay maging estudyante laban sa sistema — kolektibong bakahin ang karsel na daigdig upang tuluyang matamasa ang edukasyong makamasa.
Sa pagsingil sa gobyerno, matatanaw ng masa ang mga pinto at mas makikita ang lawak ng oportunidad na lalampas pa sa tradisyunal na hangganan. Wawaksiin nito ang mga hadlang at pahihintulutan ang mga indibidwal na lumakad sa hinaharap kung saan ang kanilang mga dakilang kontribusyon ay hindi lamang kinikilala ngunit ipinagdiriwang. Siguradong mamulaklak ang larangan ng agham at teknolohiya at yayabong ang disiplina ng sining at humanidad. Sa isa-isa nilang paghakbang tungo sa pintuang ito, sinisimulan nila ang isang malayang ekspedisyon kung saan ang naratibo ng bawat indibidwal ay nakaangkla sa kolektibong kwento ng pag-asa, pagyabong, at ganap na pag-unlad.