Sa Tagpuan ng Pinanggalingan at Paroroonan
Pagsipat sa Iba’t Ibang Takbo ng Buhay sa Terminal
ng Seksyon ng Kultura
Alas-kwatro na ng madaling araw sa terminal.
Aangkinin na ng liwanag ang lalim ng gabi, ngunit mahaba pa rin ang pila sa sakayan ng jeep. May mga magbabalik-tahanan, ngunit mayroon ding mga lilisan pa lamang. Sanay na ang karamihan sa pang-araw-araw na kalakaran, ngunit may ilan na hindi pa rin tiyak ang pupuntahan. Kung susuriin, iisa lamang ang sigurado: lahat ay may mabigat na bagaheng pasan.
Sa isang payak na paradahan, nagkukrus ang mga kwento ng tagumpay at kasawian. Nakapinta sa bawat unat at hikab ang iba’t ibang takbo ng buhay sa lansangan. Saksi rin ang pilahan sa bawat paghakbang na naganap sa kasaysayan.
Habang umiinog ang panahon, bawat hakbang pasulong ay tiyak na may pagtitipunan — walang iba kundi sa terminal, sa tagpuan ng lahat ng pinanggalingan at paroroonan.
Si Manong Tsuper, Konektor ng mga Ruta at Pangarap
/James Nerbis
Sabi nila, basta driver, sweet lover. Pero para kay Manong Tsuper, hindi lang pagmamahal ang kanyang dala — pasan niya ang bigat ng responsibilidad sa bawat pasada. Sa likod ng pawis na nanunuot sa kanyang polo ay naroon ang kwento ng isang amang walang iniindang pagod, maihatid lamang ang tatlong anak sa kani-kanilang mga pangarap.
Si panganay, nag-aaral ng abogasya upang palakasin ang tinig ng mga naaapi. Si pangalawa, nagpapakadalubhasa sa arkitektura upang magdisenyo ng mga paaralan. Samantalang si bunso ay nangangarap maging doktor upang magbigay lunas sa may sakit.
Umulan man o umaraw, hindi alintana ni Manong ang pagod na gumuguhit sa kaniyang sistema; determinado ang kanyang mata sa bawat pihit sa manibelang naging matalik na niyang kaibigan. Para sa mga tsuper, ang kalsada ay hindi lang ruta kundi landas ng sakripisyo upang makamit ang mga pangarap sa kabila ng lahat ng paghihirap.
Hindi nalalayo sa sikip at ligalig ng kalsada ang buhay ni Manong — ito ay isang walang katapusang karera na laging paurong ang galaw, sapagkat ang sistema’y pabor lamang sa may hawak ng kapangyarihan. Araw-araw, pasan niya ang dagok ng mundo — ang pagbibilang ng baryang kulang para sa boundary at pagpapakarga ng krudo, ang hindi matapos-tapos na bayarin sa matrikula ng mga anak at iba pang pagsasakripisyo para matugunan ang pangangailangan ng pamilya.
Sa pagratsada ng kontra-manggagawang PUV modernization program, si Manong ay isa sa libo-libong tsuper na nasa bingit ng paghinto. Ang modernong jeep na nagkakahalaga ng milyon-milyon ay hindi hakbang pasulong kundi isang kalbaryo para sa mga tsuper na patuloy na pinapahirapan ng sistemang hindi kayang tugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan. Sa halip na magdulot ng kaunlaran, ang modernisasyon ay nagiging instrumento ng pananamantala — isang dagdag kalbaryo sa lumalalang lagay ng sektor ng transportasyon, na siya ring wumawasak ng kabuhayan.
Sa kabila ng lahat, alam ni Manong na hindi siya nag-iisa sa laban. Sa tulong ng sama-samang pagkilos at pagkakaisa ng mga tulad niyang dumaranas ng parehong pagsubok, nagkaroon siya ng lakas na manindigan.
Ang bawat ‘Manong Tsuper’ ay sagisag ng masang pinagsasamantalahan ng kawalang-katarungan, ngunit hindi kailanman nagpapadaig. Patunay sila na walang lubak na hindi kayang lagpasan ng masang kolektibong kumikilos tungo sa tunay na kaunlaran. Sapagkat sa huli, ang bawat biyaheng may paroroonan ay siya ring mga laban na may mapagtatagumpayan.
Mga Pasahero, Pasan-pasan ang Bigat ng ‘Pagbabago’
/James Lajara Magpantay
Bago pa man makasakay ng jeep, ibayong kalbaryo na ang dinaranas ng mga komyuter na nasa mahaba at nakangangalay na pila sa terminal. Ang bawat pasahero ay may kanya-kanyang bagaheng dala, ngunit pare-parehas ang singil ng pilay na sistema ng pampublikong transportasyon sa kanila: maghintay, magtiis, at magpasensya.
Habang naghihintay sa pulu-pulupot na pila sa terminal, maaaninaw ang iba’t ibang takbo ng buhay sa likod ng bawat ngalay na padyak ng paa at buntong hininga. Nariyan si Lolang bitbit ang mga panindang gulay habang iniinda ang sakit ng mga kasu-kasuan. Ang nasa harap niya ay si aleng buntis na ang usap-usapan ay hindi papanindigan ng asawa. Nakabusangot din sa pila ang naka-long sleeve polo na binata habang bitbit ang brown envelope laman ang makakapal na papeles upang makahanap ng trabaho. Sa may bandang dulo, naroroon ang iskolar na si Nene — namumugto ang mata dahil kulang na naman ang units niya bunsod ng anomalya sa sistema ng pag-eenroll.
Hindi natatapos sa mahabang pila ang pagkangalay ng mga pasahero. Karaniwang tagpo na sa jeep ang mga sumasabit at mga pisngi ng puwit na hangin na lang ang dantayan. Ang masaklap pa rito, halata mang siksikan na, mayroon pa ring sisigaw na, “Oh maluwag pa, kasya pa lima!” Pambihira!
Ganito man ang tagpo, tunay na saksi pa rin ang hari ng kalsada sa mahahalagang yugto ng kanilang buhay — katulad na lamang sa istorya ni lola. Nasaksihan niya kung paanong naghari sa lansangan ang makukulay na jeep. Sa loob ng libo-libong pasada nito, naihatid ng jeep si lola sa kaniyang araw-araw na pagtitinda sa palengke, sa mga date nila ng kaniyang yumaong kabiyak, sa unang araw ng eskwela ng kaniyang panganay, pati na sa graduation ng kaniyang apo.
Subalit sa hindi pumeprenong pagtulak sa pagbabasura ng tradisyunal na jeep, nangangamba si Lola na baka kailangan niya nang pumara sa byahe kasunod ng panghabambuhay na pagparada ng mga mapag-iiwanang hari ng kalsada.
Katulad ng tsuper, para sa mga pasahero, ang jeep ay búhay at ang jeep ay buháy. Hangga’t hindi makamasa ang modernisasyon ng pampublikong transportasyon, hindi mahahatid sa tamang destinasyon ang hiling ng mga pasahero. Magpapatuloy ang siklo ng pananamantala at tuluyan lamang maipapasa sa kanila ang bigat ng halaga ng ‘pag-usad’ sa kalsada.
Ang Barker, Kaagapay sa Bawat Kanto ng Buhay
/Gio Leaño
Sa mga terminal ng jeep, imbes na tilaok ng manok ay sigaw ng mga barker ang bumubungad tuwing umaga. Sa bawat “Kasya pa lima!” o ‘di kaya’y “Saan ‘tong bente?” lumilitaw ang mga katanungang: Ano kaya ang mangyayari kung wala sila? Ilang pasahero kaya ang maliligaw? Gaano karaming jeep kaya ang hindi mapupuno?
Ang bawat alingawngaw ng kanilang sigaw ay may hatid na paalalang ang kanilang papel, gaano man kaliit sa paningin ng marami, ay mahalaga sa pag-andar ng sistema ng transportasyon — isang papel na patuloy nilang ginagampanan sa kabila ng hamong kaakibat ng kanilang hanapbuhay.
Ang mga barker ay higit pa sa simpleng taga-sigaw ng ruta o taga-kolekta ng pamasahe; sila’y tagapag-ugnay ng komunidad sa abalang mundo ng lansangan. Sila rin ay may likas na kakayahang gawing magaan ang bawat araw sa kabila ng ingay at ligalig ng paligid. Higit sa lahat, sila’y mga gabay, lalo na sa mga hindi pamilyar sa terminal o hindi tiyak sa kanilang patutunguhan.
Kaya, hindi na nakakapagtakang sanggang-dikit ang turing sa kanila ng lahat. Dahil sa kanilang maaasahang tulong at dedikasyon, nagiging mas organisado at magaan ang daloy ng buhay sa lansangan.
Ngunit sa kabila ng gabay na dulot ng mga barker ay ang panganib na hatid ng kanilang trabaho. Sa araw-araw, nalalanghap nila ang usok ng tambutso habang nakikipag-patintero sa mga nagmamadali at pasingit-singit na sasakyan. Bukod pa rito, sila’y nalalapnusan din sa init ng ulo ng parehong tsuper at pasahero na dala ng pagmamadali, pagod, at matinding trapiko.
Sa gitna ng patuloy na pagsisilbi ng mga barker, wala pa rin silang benepisyo at proteksyong natatanggap. Gaya ng isang gulong na paikot-ikot, sila ay dumadaan sa malubak na daan ng buhay — paulit-ulit na hinaharap ang parehong hamon, madalas ay napupuruhan at laging walang kasiguraduhan kung hanggang saan tatagal.
Sa pangamba ng pagbabasura ng tradisyunal na jeep, ang halos hindi na maaninag na daang patuloy na tinatahak ng mga barker ay higit pang lumabo. Sapagkat hindi lamang ito isang pagbabago sa sistema ng transportasyon, kundi isa ring banta sa kanilang kabuhayan. Higit lalo, kalakip nito ang unti-unting pagkawala ng kanilang papel sa araw-araw na biyahe ng mga Pilipino.
Sa kabila ng panganib, init at kawalan ng seguridad, matatag na hinaharap ng mga barker ang kanilang araw-araw na pagsubok upang makapagsilbi bilang maaasahang kaagapay — patunay na sa sikhay ng kumpas ng kanilang kamay, nagkakakulay ang malumbay na gulong ng buhay.
Pulubing Nanlilimos, Isinasantabi sa Gitna ng Unos
/Vince Andrew Ocampo
Habang si Manong Tsuper ay pinagpapawisan kakahabol sa boundary at si Aling Tindera ay nagtitiis sa tirik ng araw, nasa tabi rin nila ang mga namamalimos — sila na walang ruta o pamasahe, pero kapwa nakikipagsapalaran sa terminal.
Sa mga terminal, madalas makikita ang mga batang may butas-butas na tsinelas at may dalang sobre. Nariyan din ang matatandang may suot na sira-sirang bag habang hawak ang yupi-yuping baso na lalagyan ng barya. Nakatayo sila sa gilid ng mga pila, umaasa sa kung anumang maibibigay ng mga pasahero sa mga maiikling pagtigil ng dyip. Ito ang tagpo sa araw-araw na paghihirap ng mga nanlilimos habang nakikipagpatintero sa mga sasakyan.
Bunga ng desperasyon, mapapansing nagiging malikhain ang paraan ng mga nanlilimos upang makuha ang simpatya ng mga pasahero. Kalimitang ginagamit ang puti at pulang sobre, resibo, o hospital bills bilang patunay ng kanilang kwento. Pambiriha mang isipin, pati ang paggamit ng laminated QR codes ay naging bahagi na ng kanilang taktika upang makasabay sa alon ng modernisasyon ng lipunang kanilang kinagagalawan.
Ito ay isang mapait na kabalintunaan — habang sinasabayan nila ang agos ng pagbabago tungo sa maalwang kinabukasan, nananatili silang inaanod pabalik sa pampang ng kasalatan.
Bukod rito, dagdag pasakit at panganib sa mga namamalimos ang pananamantala at pagkakaugnay sa kanila sa mga sindikato. Ang pagdikit sakanila ng ganitong imahe nila ay nagdudulot ng masamang pananaw at hindi patas na pagtrato ng publiko. Kung kaya sa halip na tingnan bilang biktima ng mas malaking resulta ng kahirapan — kakulangan sa edukasyon, kawalan ng trabaho, at salat na suporta mula sa pamahalaan — nalilimita sa pagiging madungis, mapanganib, at hindi karapat-dapat sa simpatya ang pagtingin ng lipunan sa kanila.
Ang mga eksenang ito ay bahagi na ng pang-araw-araw na pangyayari sa mga terminal. Sa patuloy na pagdami ng mga nanlilimos, tila nakakintal na sa isip ng marami na ang kanilang presensya ay natural at hindi na kailangang kwestyunin. Ang ganitong normalisasyon ay nagiging dahilan upang unti-unting lumabnaw ang kamalayan ng lahat sa mga isyu sa likod ng kanilang kahirapan.
Ang kanilang presensya ay isang manipestasyon ng kawalan ng suporta mula sa mga institusyon na nagbubulag-bulagan sa kanilang paghihirap. Habang ang karamihan ay umaarangkada patungo sa pag-unlad, sila ay nananatiling nasa laylayan — nilalamon ng sistemang dapat sana’y tumutulong sa kanila.
Nagsisilbing salamin ang kanilang sitwasyon sa malalim na agwat ng uri at kapangyarihan sa lipunan. Habang ang iba’y patuloy na nakakasabay sa agos ng pag-unlad, mahalagang isaalang-alang ang mga naiiwan sa pampang. Sa huli, sila ay paalala na ang tunay na pag-unlad ay hindi nasusukat sa bilis, kundi sa kung paano nito maaabot ang lahat.
Mga Tindero’t Tindera, Anino sa Tagumpay ng Buhay
/Justine Wagan
Sabik na ang lahat umuwi sa kani-kanilang tahanan upang lantakan ang lutong hapunan, maligo sa maligamgam na tubig, at humilata sa bagong-palit na kobre-kama. Ngunit para sa mga tindero’t tindera, mahaba pa ang araw ng pagbabanat ng buto. Matumal kasi ang benta, kaya hindi pa nababawi ang puhunan — kapos pa rin ang kita at siguradong hindi nito mapupunan ang kalamnan.
Hindi buo ang isang terminal kung wala ang mga nagbebenta ng samot-saring produkto na pakikinabangan ng parehong tsuper at pasahero. May mga tusok-tusok at sorbetes sa mga bangketa, mamisong benta ng takatak at makolereteng mga laruan gaya ng lobong sinasabit sa hintuturo o dilaw na bibeng iniipit sa buhok.
Anuman ang tinda, iisa ang sistemang nagpapahirap sa kanila: ang huwad na ideya ng “malayang merkado,” na siyang pinamumugaran ng mga naghaharing-uri, lokal man o maka-Kanluranin, at maging mga opisyal sa gobyerno na pinahihintulutan itong mangyari.
Hindi ba’t isang malaking kabalintunaan na kung sino ang naglalapit ng produkto’t pagkain sa tao ay siya ring walang maihain sa mesa? Habang patuloy na lumolobo ang presyo ng mga bilihin, tuluyan ding numinipis ang kakarampot ng kita ng mga tindero’t tindera.
Sa kabila nito, nanatiling mailap ang mga serbisyo at programang kakalinga sa mga katulad nila. Kay dali lamang na sila’y paalisin at tanggalan ng permisong magtinda, basta ba’t mabili ng mas malaking kapitalista ang dating pwestong kinaroroonan nila. Kakuntsaba nito ang korap na gobyernong marahil siya ring kapitalista — kaya naman pagdating sa alokasyon ng pondo, numero uno ang pagpapatayo ng kalsada’t establisyementong para sa ‘urbanisasyong’ hindi makamasa.
Isa ring kahibangan at lantarang pagpapakitang-tao ang paghahain ng kaliwat-kanang ayuda upang lutasin ang problema ng mga maralita, kabilang na ang mga manininda sa terminal. Ang katotohanan, masosolusyunan lamang ang ugat ng kahirapan kung ituturol ng estado ang atensyon sa mga sektor na binabarat nito — ang edukasyon, kalusugan, at mga panlipunang serbisyo.
Hangga’t hindi ito ang prayoridad ng mga nakaluklok sa pwesto, magpapatuloy ang mapanglaw na siklo ng pang-araw-araw na buhay ng mga tindero: gigising nang napakaaga upang ihanda ang benta, maglalako buong araw anuman ang lagay ng panahon, babyaheng babad sa usok ng trapiko, at uuwing walang ibang nasa isip kundi ang hindi sapat na kita at kung paano ito mababawi kinabukasan.
Sa pagitan ng bawat pag-usbong at paglisan, nariyan silang minsan nang naging instrumento ng pagkapawi ng uhaw at gutom sa gitna ng magulong lansangan. Tahimik na anino man kung isipin, tiyak na naging parte sila ng bawat istorya ng tagumpay na maglalagi sa tagpuan ng bawat pinanggalingan at paroroonan.