Pagtatanim Tila’y Biro
Lantang mga Pangako ng RLL
Nina John Rey Amestoso, Benedict Ballaran, Gerra Mae Reyes, at Maria Carmilla Ereño
“Peste sa buhay ng mga magsasaka at sa buhay ng mga Pilipino.” Ganito inilarawan ni Nanay Cathy ng Amihan, isang pederasyon ng mga babaeng pesanta sa bansa, ang Rice Liberalization Law (RLL) o RA 11203. Ayon sa kaniya, unti-unting sinasalot ng batas ang buhay ng mga magsasaka, konsumer, at ang buong industriya ng bigas sa Pilipinas.
Para sa ating mga Pilipino, hindi isang biro kung sabihin na buhay ang nakataya sa bawat butil ng bigas. Ito ay dahil kanin ang kumukumpleto sa bawat hapag-kainan ng ordinaryong pamilya, habang nakasalalay naman sa palay at ani ang kabuhayan ng mga magsasaka. Noon pa man ay dama na ang tagtuyot sa sektor ng agrikultura sa bansa, ngunit ang liberalisasyon ang tuluyang lumason dito.
Sa ikalimang anibersaryo ng RLL, tila’y mas lalo pang lumalala ang sitwasyon ng mga magsasaka sa bansa. Maghapon mang nakayuko, nananatiling kakapiranggot lamang ang natatanggap nila. Babad ang mga paa sa tubig, tinitiis ang ngalay ng bewang at namimintig na mga binti pero gipit pa rin pagdating sa merkado. Taliwas sa mga pangako ng gobyerno, ang pangarap ng mga magsasakang makaahon sa kahirapan ay tuluyang binaon sa dating sakahan na ngayon ay ginawa ng komersyal.
Hayag sa pagpapatupad ng batas na tila’y biro lamang para sa mga nakaupo ang buhay ng mga nagtatanim.
Kung saan may pananim, liberasyon ay may aanayin
Limang taon na ang nakalipas mula nang ipinunla ng dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mapanirang binhi ng RLL na lalong nagpahirap sa mga magsasaka at mga konsyumer. Masaganang ani ang pangako ng batas, ngunit katulad ng P20 kilo ng bigas, nalanta na lamang ang mga salitang ito.
Matatandaan na ibinida ng administrasyong Duterte na palalakasin ng RLL ang industriya ng bigas sa Pilipinas. Adhikain kuno nito na makasabay ang mga Pilipinong pesante sa iba pang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), pero kung susuriin, salungat ang nangyayari sa reyalidad. Noong taong 2022 lamang, naitala ang pagbaba ng self-sufficiency ratio ng bansa sa 77% — ang pinakamababa na antas sa loob ng mahigit dalawang dekada.
Malaki ang dagok na idinulot ng RLL sa estado ng agrikultura sa bansa ngunit sa katunayan, isa lamang itong sintomas ng mas mapinsalang salot ng liberalisasyon. Liban sa bulok na plano na palakasin ang industriya ng bigas sa bansa, ang pagpasa ng batas na ito ay alinsunod sa Agreement on Agriculture ng World Trade Organization (WTO) nang sumanib ang Pilipinas dito noong 1995. Ayon sa kasunduang ito, kailangang pairalin ng mga kasaping bansa ang tariff system sa pag-aangkat ng mga produktong agrikultural.
Mula noong 1995, ipinatupad na ng Pilipinas ang pagbubuwis sa mga import goods ngunit hindi sa kabuuan nito. Batay sa special treatment clause ng naturang kasunduan, maaaring mag-apply ng palugit para ipagliban ang ganap na pagpapatupad ng sistema ng taripa. Dalawang beses humiling ng palugit ang gobyerno na nagtapos noong 2019. Dahil dito, nangangailangan nang tuluyang buwagin ang quantitative restriction (QR) system at palitan ng tariff-based sytem ang importasyon ng bigas.
Ipinangalandakan ng mga mambabatas na bumuo ng RLL na mayroong sapat na probisyon ang batas upang protektahan ang mga magsasakang maaapektuhan ng implementasyon nito. Isa na rito ang tinatawag na Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF na nagtatalaga ng hindi bababa sa P10 bilyon para palakasin ang industriya mula sa taripang makokolekta sa importasyon ng bigas.
Subalit, iginiit ni Nanay Cathy na walang-wala ang pondong ito sa lugi ng mga magsasaka. Marami pa rin sa kanila ang napipilitang mangutang o isangla ang lupang sakahan na nauuwi sa tuluyang pagkaremata dahil sa mababang presyo ng palay. Bukod pa rito, nariyan ang walang kamatayang isyu ng reporma sa lupa na hanggang sa ngayon ay hindi pa ganap na naipapatupad ng gobyerno.
Kaya naman hindi mga pesante ang tunay na nag-ani sa RLL, kundi ang mga korporasyon at negosyanteng kasabwat ng mga nakaupo. Sa maghapong pagyuko ng mga magsasaka, sila’y walang pag-asang makatayo sa lason ng liberalisasyon.
Ekonomiyang ‘di makatayo sa sariling paa
Ang unti-unting pagkabitak ng pagbabalat-kayo ng RLL ay direktang makikita sa kinahihinatnang takbo ng ekonomiya ng bansa. Habang nagpapakabusog sa kaban ng bayan ang mga politikong salarin sa pagsasabatas nito, kabalintunaan naman ang makikita sa masang pinapatay ng kahirapan.
Ani nila’y, “Kung saan may pananim, may masarap na pagkain,” ngunit, sa halip na ang mamamayang Pilipino ang gumagapas sa mayabong na likas na yaman ng Pilipinas ay mga dayuhang entidad ang kumakamkam nito. Sa kabila ng mga panawagan para sa pambansang industriyalisasyon, nananatili ang Pilipinas sa ilalim ng sistemang import-dependent export-oriented na nakasandig sa interes ng imperyalistang mga bansa. Ang pagsasanib-pwersa ng ganitong sistema at liberalisasyon sa kalakalan ng bigas ay humantong sa mabilis na pagdausdos ng Pilipinas bilang top rice importer noong 2023 matapos nitong higitan ang Tsina.
Bagaman itinuturing na isang bansang agrikultural, pinangingibabawan pa rin ng mga imported rice ang industriya ng bigas sa Pilipinas. Ang palasak na importasyon ng mga batayang pangangailangan ay alinsunod sa mandato ng mga polisiyang pinapangalagaan ng mga mambabatas. Sa pamamagitan ng institusyonal na pagkontrol sa pagpasok ng mga produkto sa bansa, binabaog ng mga pribadong korporasyon at dayuhang mga bansa ang lokal na produksyon. Kasabay ng patuloy na liberalisasyon, pribatisasyon, at deregulasyon ng mga pangunahing produkto ay ang nakalululang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“Sa liberalisasyon, hindi pwedeng mangialam ang gobyerno sa presyo.” Sa kabila ng patuloy na paglobo ng presyo ng mga pangunahing bilihin ay nanatili ang mababang pasahod sa mga manggagawang konsumer, kakulangan ng oportunidad sa empleyo, at tuluyang pagkalugi ng mga magbubukid. Lalo nitong pinalalaki ang agwat sa pagitan ng mga mahihirap at mayayaman. Ang malayang pagtatakda ng mataas na presyo ng mga negosyante ay nagdudulot ng pagkalam ng sikmura ng mga ordinaryong mamamayan. Sa bawat umagang dumadating, tanging pagraos lamang sa panibagong araw ang kahaharapin ng masang iniipit ng RLL.
Ito ang ekonomiyang bunga ng nilinang na binhi ng panlilinlang. Hindi makatayo sa sariling paa at nakadepende sa mga dayuhan. Sa huli, nakataya ang buhay ng masang Pilipino. Sa ilalim ng kawalan ng kasiguraduhan sa pagkain at mahinang lokal na produksyon ay tumutubo ang krisis ng kagutuman.
‘Di man lang makarinig, ‘di man lang makakita
Ni hindi man lang nasikatan ng araw ang tanim ng mga magsasaka nang bitawan ni Marcos Jr. ang posisyon nito bilang kalihim ng agrikultura noong Nobyembre 2023. Nanatiling walang sustansya ang sektor nang palitan ito ni Francisco Tiu Laurel Jr., isang bilyonaryo at may-ari ng isang large-scale commercial fishing company. Tulad ng danas sa RLL, mananatiling malayo ang kaunlarang tatahakin ng Kagawaran ng Agrikultura sa tunay na kaunlarang kinakailangan ng maliliit na magsasaka.
Simula’t sapul, kolektibo nang kinakampanya ng grupo ng mga magsasaka ang pagbabasura sa RLL. Sa pangunguna ng Bantay Bigas at Amihan, limampung libong pirma ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang rice-producing na mga probinsya sa bansa ang tumambad sa House of Representatives noong 2019. Layon ng petisyon na irehistro ang pangangailangan ng taumbayan sa pambansang seguridad sa pagkain na nakabatay sa self-sufficiency at self-reliance — taliwas sa tanikalang gumagapos sa Pilipinas sa import-dependency.
Kaisa sa pagsulong ng karapatan ng mga magsasaka ng bigas sa bansa si Ka Danilo Ramos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Ngunit kamakailan, anim na hindi nakikilalang kalalakihan ang walang hintong nagmamanman at nagtatanong-tanong ukol sa personal na impormasyon ni Ka Daning. Sa opisyal na pahayag ng KMP, isang intelligence agent umano ang nagtanong: “Taga-saan ba si Danilo Ramos? Matagal na namin siyang hinahanap kasi terorista siya.”
Ang tahasang red-tagging na ito ng gobyerno ay hindi lamang danas ni Ka Daning; ito ay danas maski ng libo-libong kababaihang magsasaka, manggagawang agrikultural, at kabataan sa kanayunan. Ngunit sa mga ganitong pagkakataon, nakikita ni Nanay Cathy na natatakot ang gobyerno sa pagkilos ng taumbayan — taliwas sa pangkaraniwang lohika na sa pag-ulan ng mga bala, masa ang matatakot at aatras sa pakikibaka.
Magtanim ay hindi biro ngunit sa limang taong kamalian ng Rice Liberalization Law, hindi natatamasa ng mga magsasaka ang nararapat na trato sa kanila ng gobyerno. Nanatiling gutom ang mga tagapaglikha ng pagkain ng mamamayan at mahirap ang mga maghapong nakayuko sa sakahan. Ginigipit na nga ng mga neoliberal na polisiya ang kabuhayan ng mga magsasaka, nilalagay pa sa dehado ng gobyerno ang buhay ng mga ito.
Sa administrasyong ang tugon sa panawagang lupa at bigas ay bala at dahas, makatarungan lamang ang turol na pagkilos at pakikibaka ng ating mga magsasaka. Sa mga salita ni Nanay Cathy, “Magkaisa tayo, lumabas sa lansangan, at ihayag ang ating diskurso sa maling prayoridad ng gobyerno sa pamamalakad nito sa ating ekonomiya at pulitika.”